Inday TrendingInday Trending
Maagang Nabiyuda ang Ginang na Ito Dahil Lumubog ang Barkong Pinagtatrabahuhan ng Kaniyang Mister; Sino na ang Aalalay sa Kanila ng Anak?

Maagang Nabiyuda ang Ginang na Ito Dahil Lumubog ang Barkong Pinagtatrabahuhan ng Kaniyang Mister; Sino na ang Aalalay sa Kanila ng Anak?

Sumabay sa hangin ang huling usok mula sa nawalang apoy sa upos na kandilang sinindihan at inialay ni Amor sa puntod ng kaniyang sumakabilang-buhay na mister.

Kalilibing lamang nito. Naaksidente umano ang pinagtatrabahuhan nitong cruise ship matapos magkabutas sa ilalim nito habang nasa kalagitnaan ng dagat. Sa kailaliman ng gabi, habang tulog ang lahat.

Isa sa mga hindi pinalad na makaligtas ang mister na si Henry. Isa na siyang biyuda ngayon. Mabuti na lamang at may insurance ang mga seaman kaya may makukuha siyang malaki-laking halaga upang makapagsimula sila ng kaisa-isa nilang anak na si Chinchin.

“Honey… bakit mo naman kami iniwan kaagad? Paano na kami ni Chinchin? Akala ko ba, maglalakbay pa tayo sa iba’t ibang bansa? Akala ko ba pasasakayin mo pa kami sa cruise ship? Marami kang plano sa amin… ang daya mo naman…”

At tumulo na naman ang luha sa kaniyang mga mata.

“Kahit noong mga bata pa tayo, ganyan ka na talaga. Naalala mo ba noong Grade 4 tayo? Sabi mo sabay tayong lalabas ng silid-aralan kahit na tapos ka na sa maikling pagsusulit ng isang guro natin. Pero inunahan mo pa rin ako kasi sabi mo naiinip ka na at ayaw mo nang makita ang mabalasik na mukha ng guro natin. Palibhasa mahusay ka talaga sa Math kaya mabilis kang natapos. Ako ang pinakakulelat na nakapagpasa ng pagsusulit…”

Naputol ang pagmumuni-muni ni Amor nang maramdaman niyang may pumapatak na tubig mula sa itaas. Tumingala siya. Kay bilis na nangulimlim ang langit. Mukhang bubuhos din ang mga luha nito. Ipinasya niyang tumayo na at umuwi na.

“Babalik ako sa mga susunod na araw, Henry. Mahal na mahal kita…”

Sa kaniyang pagpihit, napatingin siya sa isang lalaking nakaitim na nagtatago sa isang nitso. Alam niyang sa kaniya ito nakatingin. Agad itong nagtago nang tuluyan sa likod ng magkakapatong na nitso.

“S-Sino ‘yun? Bakit niya ako tinitingnan?”

Sa labis na kaba, agad na umalis ng sementeryo si Amor.

Makalipas ang tatlong araw, nasira ang tubo ng gripo sa kanilang bahay. Wala siyang kakilalang tubero na maaaring magkumpuni nito. Walang magawa si Amor kundi gawin ang pagkukumpuni ng tubo. Naalala niya si Henry. Kung buhay lamang at kasama niya ito ngayon, wala siyang pinoproblema.

“A-Amor, tulungan na kita…”

Napalingon si Amor sa baritonong tinig mula sa lalaking nasa harapan na niya. Pinagmasdan niya ito. Tumayo ang kaniyang mga balahibo.

“I-Ikaw? Paano mo nalaman ang bahay ko? Anong kailangan mo sa akin…”

Ang lalaking iyon ay ang lalaking nakita niyang pinagmamasdan siya sa sementeryo.

“Huwag kang matakot, Amor. Ako nga pala si Delfin. Kasamahan ako ng mister mong si Henry. Kasama ako mga tripulante sa lumubog na cruise ship namin.”

“K-Kasamahan mo si Henry? Nakaligtas ka?”

Hindi tumugon si Delfin. Marahan siyang tumango.

“Nakukuwento ka niya sa amin noon, kaya naisip kitang kumustahin. Pasensya ka na kung hindi kaagad ako makalapit noong nakita mo ako sa sementeryo. Ayaw ko namang makaistorbo sa oras ninyong dalawa ng asawa mo… kahit sa puntod man lamang niya.”

Katahimikan. Tanging naririnig ang pagsagitsit ng tubig mula sa butas ng nasirang tubo.

“A-Ako na ang bahalang mag-ayos ng tubo,” sabi ni Delfin at inako na ang pag-aayos nito.

Simula noon ay lagi nang bisita ni Amor si Delfin.

Nagkukuwentuhan sila, nagpapalipas ng oras. Ikinukuwento ni Delfin kay Amor kung gaano kakuwela at kasayang kausap si Henry. Si Henry daw ang pinakamasayahin sa kanilang mga magkakasama.

“Malapit pala kayo ni Henry?”

“Oo. Hindi naman kasi mahirap pakibagayan ang mister mo.”

“A-Ano palang nangyari? Kung nagawa mong makaligtas, bakit hindi nakaligtas ang asawa ko?”

Hindi nakakibo si Delfin.

“Kung kinaya mong makaligtas mula sa lumulubog na cruise ship, bakit hindi kinaya ng asawa ko?”

Hindi nasagot ni Delfin ang tanong ni Amor. Kinailangan na raw nitong umalis dahil may kailangang gawing mahalaga.

Sa bawat pagdaan ng panahon, naging regular ang pagbisita ni Delfin kay Amor. Napalapit na rin ito kay Chinchin. Habang tumatagal ay napapalapit na ang loob ni Amor sa lalaki.

Kaya nang sinabi niya rito ang nararamdaman niya, nagtaka siya na kinabukasan ay hindi na nagpakita pa sa kaniya ang lalaki.

Akala niya ay mga ilang araw lamang.

Lumipas ang isang linggo. Ni text, chat, o tawag, walang paramdam sa kaniya si Delfin.

Ipinasya niyang puntahan ito sa bahay nito.

“Bakit hindi ka na pumupunta sa bahay? Nami-miss ka na ni Chinchin. Nami-miss na rin kita…”

Hindi kumibo si Delfin.

“Dahil ba sa sinabi kong gusto na kita? Ano bang mali sa sinabi ko? Dahil ba wala pang isang taon simula nang mawala si Henry?”

“Amor, nahuhulog na rin ang loob ko sa iyo.”

Si Amor naman ang napipilan.

“Ngunit sa tuwing naaalala ko ang pangako ko kay Henry, nahihiya ako sa kaniya… nahihiya ako sa sinumpaan kong pangako sa kaniya bago siya mawala…”

Nangunot ang noo ni Amor.

“P-Pangako?”

“Amor… gusto kong ipagtapat sa iyo ang katotohanan… ang totoo niyan, magkasama kami ni Henry noong mangyari ang insidente… nakasakay kami sa isang malaking kabinet. Napakaginaw ng mga sandaling iyon… sabi namin, kung sinuman sa amin ang makakaligtas, kailangang alagaan ang pamilya. Malaki ang utang na loob ko kay Henry. Kaya nang mawala siya, sinikap ko talaga na masubaybayan ko kayo ni Chinchin. Bilang pagsunod sa pangako ko kay Henry…”

Unti-unting bumuhos ang mga luha sa mga mata ni Amor.

“P-Pero hindi kasama rito na mahulog ako sa iyo, Amor. Pinigilan ko ang sarili kong mahulog sa iyo. Alam ng Panginoon. Alam ni Henry. Pero… hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko na mahulog sa iyo.”

“A-Anong pumipigil sa iyo? Wala na si Henry… wala na ang asawa ko. Hindi naman siguro siya babangon sa hukay kung mag-aasawa akong muli. Kailangan kita, Delfin.”

“Mahal mo ba talaga ako o kaya mo lang ako mahal dahil kailangan mo ng asawang aagapay sa iyo?”

Natigilan si Amor sa pahayag na iyon ni Delfin.

At iyon ang huli nilang pag-uusap.

Napaisip din siya sa mga sinabi nito.

Makalipas ang dalawang linggo, ikinagulat ni Amor ang pagsulpot ni Delfin.

“Napaniginipan ko si Henry. Sa panaginip ko, magkasama kami sa cruise ship. Sabi niya sa akin, huwag raw akong matakot na gawin ang magpapasaya sa akin. Sa palagay ko, nangusap sa akin si Henry. Palagay ko ay pumapayag siyang ligawan kita upang may makasama kayo ni Chinchin. Hindi ko ito ginagawa dahil sa pakiusap o pangako ko na lamang sa kaniya, na babantayan at aalagaan ko kayo. Ginagawa ko ito bilang isang lalaking nagmamahal, sa iyo, at sa anak mo.”

Niyakap ni Amor si Delfin.

“Huwag nating pahirapan ang mga sarili natin, Delfin. Maigsi lamang ang buhay.”

At naghinang ang kanilang mga labi… habang sila ay magkayakap.

Nagsama muna sa iisang bubong sina Delfin at Amor, at makalipas ang isang taon, sila ay nagpakasal na. Itinuring ni Delfin na sarili niyang anak si Chinchin na siyang ate sa kanilang dalawang anak ni Amor.

Alam niyang masaya si Henry saan man ito naroroon.

Advertisement