
Ayaw Niyang Paalisin sa Trabaho ang Asawa Kahit Ito’y Nasasaktan na, Pagkawala ng Kaniyang Mag-aama ang Nagbigay Aral sa Kaniya
Walang ibang inisip ang ginang na si Maritel kung hindi ang kapakanan at kinabukasan ng dalawa niyang anak na babae. Ginagawa niya ang lahat upang matugunan ang lahat ng mga pangangailangan nito kahit pa sila’y mag-away na ng kaniyang asawa.
Nalaman niya kamakailan lang sa kapatid ng kaniyang kaibigan na katrabaho ng kaniyang asawa na madalas itong sinasaktan ng kanilang boss sa hindi malamang dahilan. Kahit pa alam na niya ang katotohanan sa likod ng kagustuhang pag-alis ng kaniyang asawa sa trabahong iyon, pinipilit niya pa rin itong magtrabaho para may pambayad ng tuition ang kaniyang mga anak.
“Magtatayo na lang ako ng sarili kong negosyo, mahal, hayaan mo na akong umalis sa trabahong iyon,” pakiusap nito sa kaniya.
“Saan ka naman kukuha ng pera pangpuhunan sa hinahangad mong negosyo, ha? Ni wala ka ngang mailagay na masarap na pagkain sa hapag-kainan natin, eh!” sigaw niya rito saka ito bahagyang pinagsususuntok sa dibdib.
“Mangungutang ako sa bangko. Lahat gagawin ko, hayaan mo lang akong umalis doon dahil hirap na hirap na akong maging sunud-suran sa kumpanyang iyon,” pagmamakaawa nitong tugon.
“Kung gusto nilang maging aso ka, maging aso ka! Isipin mo na lang ang mga anak mong umaasa sa’yo! Kung hindi mo ‘yan magagawa, maghiwalay na tayo!” panakot niya rito dahilan para ito’y labis na magulat.
“Huwag namang gan’yan, mahal, ayokong masira ang pamilya natin,” sambit nito saka siya niyakap nang mahigpit.”Kung ganoon, magtiis ka sa trabaho mo!” bulyaw niya rito saka ito nilayasan.
Nakita man niyang nakasilip sa kanila ang dalawa nilang anak, wala siyang ginawa para paliwanagan ang mga ito. Kinabukasan, habang siya’y naglalaba ng mga uniporme ng kanilang mga anak, nagulat siya nang tumulong sa kaniya ang dalawa niyang anak na dalaga.
Ang isa ay agad na sinampay ang mga nalabhan niyang damit habang ang isa pa ay tumulong sa kaniya sa pag-aanlaw.
“Biyernes ngayon, hindi ba? Wala ba kayong pasok?” tanong niya sa mga ito habang nagkukusot ng damit. “Mayroon po,” sabay na sagot ng mga ito.
“O, bakit hindi kayo pumasok?” pang-uusisa niya pa.
“Kung masasaktan lang po si papa araw-araw para lang kumita ng pambayad sa tuition namin, hindi na lang muna kami papasok, mama. Napagdesisyunan po naming magtrabaho na lang muna ni bunso para makatulong sa inyo,” sagot ng panganay niyang anak na ikinagulat niya. “Ano bang kahibangan ang sinasabi niyo?” sigaw niya sa mga ito.
“Nakita ko namin kung paano saktan ng boss niya si papa. Kahit nasa kalsada sila, walang habas siyang pinapahiya noon. Hayaan mo na pong umalis sa trabahong iyon si papa,” tugon ng kaniyang bunso habang pinipigil ang iyak.
“Responsibilidad niya ang kumita ng pera para sa atin! Kaya, kung ano man ang hirap na dinaranas niya sa trabaho, wala na tayong pakialam doon! Wala na nga siyang ibang nagagawa kung iyon, eh, susuko pa siya? Anong klaseng ama siya?” inis niyang sabi.
“Ah, ganoon ba? Ngayon, napag-isip-isip ko ring dapat na talaga akong makipaghiwalay sa isang katulad mo. Pera lang ang importante sa’yo,” sabat ng kaniyang asawa na kanina pa pala nakikinig sa kanila.
“Talaga!” bulyaw niya pa rito, “Mga anak, kanino kayo sasama, sa akin o sa walang utak na ‘yan?” tanong niya sa mga anak.
“Kay papa po,” sabay na sagot nito saka agad na sumunod sa asawa niyang umalis ng kanilang bahay talagang ikinadurog ng puso niya.
Simula noong araw na ‘yon, mag-isa siyang nanirahan sa kanilang bahay at doon niya labis na napagtantong sa labis na kagustuhan niyang magkaroon ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga anak, nalagay na niya sa alanganin ang asawa niyang katulad niya, napapagod na rin sa buhay.
Nang magkaroon siya ng lakas ng loob na tawagan ang kaniyang asawa upang makipag-ayos, wala na siyang sinayang na oras. Ilang buwan man ang tiniis niya, pilit niya pa ring nilunok ang masama niyang pag-uugali at humingi ng tawad dito.
“Mabuti naman, natauhan ka na, mahal. Pumunta ka rito sa kainang tinayo namin ng mga anak mo, ngayon ang unang araw na bubuksan namin ito,” paanyaya nito na talagang ikinagulat niya.
Walang mapagsidlan ang saya niya nang makitang tulong-tulong na nag-aayos para sa pagbubukas ng kainan ang kaniyang mag-aama. Siya’y nakaramdam ng labis na pangongonsenya habang pinagmamasdan ang mga ito.
“Bakit nga ba ako dumepende lang sa asawa ko? Dapat ako ang katuwang niya sa buhay pero ako pa ang lalong nagpahirap sa kaniya,” hikbi niya, mayamaya pa, napansin na siya ng kaniyang asawa at siya’y mariing na niyakap nito.
“Na-miss kita,” tangi nitong sabi, sasagot palang sana siya, agad na rin silang niyakap ng kanilang mga anak na sobrang saya na makita siya.
Doon na tuluyang nabuksan ang kaniyang mga mata na kailangan niyang tulungan ang kaniyang asawa. Kaya naman habang nasa eskwela ang mga anak nila, siya ang araw-araw nitong katuwang sa pagpapalakad ng naturang kainan na hindi kalaunan, lumaki rin at nakapagpagaan ng kanilang buhay.