Inday TrendingInday Trending
Pinayuhan Niya ang Matandang sa Lata lamang Nag-iipon ng Pera; Ayaw Niya Kasing Manakawan Ito Kagaya Niya

Pinayuhan Niya ang Matandang sa Lata lamang Nag-iipon ng Pera; Ayaw Niya Kasing Manakawan Ito Kagaya Niya

Walang ibang magawa ang binatang si Joel kung hindi ang mapabuntong hininga na lamang habang iniisip kung saan siya pupwedeng makahanap ng makakakain niya sa araw na ito.

Isang linggo na ang nakalipas simula nang matanggal siya sa kaniyang trabaho dahil sa inggit ng kanilang manager sa katalinuhang taglay niya. Sabi pa nga nito, “Kailangan na kitang patumbahin bago mo pa man ako ungusan sa posisyon,” dahilan para siya’y maghirap nang ganito ngayon.

Lahat pa ng kaniyang naipong pera sa trabahong iyon ay nalimas dahil siya’y nanakawan sa apartment na kaniyang tinutuluyan noong makalawa lamang.

“Napakapait naman sa akin ng tadhana ngayong buwan! Hindi ko malaman ano bang kasalanan ang ginawa ko para karmahin ako nang ganito!” inis niyang sabi sa hangin habang naglalakad upang humanap ng kaniyang makakain.

Dinala siya ng kaniyang mga paa sa isang matanda na nagtitinda ng mga lutong ulam. Takam na takam niyang pinagbubuksan ang mga takip ng mga lutong ulam na nakahain sa lamesang nasa harapan nito.

“Ano sa iyo, hijo? Singkwenta lang isang order ng kahit anong ulam d’yan, may kasama na rin iyong kanin! May masarap pang sabaw! Bili ka na!” alok ng matanda at dahil sa gutom na nararamdaman niya, siya’y biglang nakaisip ng isang paraan upang makakain.

“Ah, eh, pagbebentahan niyo po ba ako kung ang maibabayad ko lang sa inyo ay serbisyo? Ako na po maghuhugas ng mga pinggan niyo buong araw, ako na rin po ang maglilimas sa mga kalat niyo at…” hindi na siya pinatapos nitong magsalita, tumitig lang ito sa kaniya saka ngumiti.

“Gutom ka na, ‘no? Sige na, pumili ka na ng ulam saka maupo ka na sa loob,” sambit nito na ikinagulat niya.

“Si-sigurado po kayo?” tanong niya nang tumango ito agad na siyang napatalon sa tuwa, “Gusto ko po itong menudo, pupwede pong padagdagan ng kanin at sabaw?” tuloy-tuloy niyang sabi na ikinatawa ng matanda.

Wala pang isang minuto, agad na siyang napaghandaan ng pagkain nito. Habang masayang kumakain sa likurang bahagi ng ginang, napansin niyang nakakumpol lamang sa ilalim ng lamesang pinaglalagyan nito ng mga lutong ulam ang isang latang puno ng mga perang papel.

“Manang, hindi po ba kayo natatakot na baka manakawan po kayo ng pera?” tanong niya rito.

“Naku, hijo, sa tana ng buhay ko, wala pa namang nagtatangkang magnakaw sa pinagbentahan ko,” nakangiti nitong tugon habang nagtatakal ng ulam na binibili ng mamang kustomer.

“Iba na po ngayon, manang, ako nga po nalimas lahat ng ipon ko kaya pulubi ako ngayon. Mas maigi pong ipasok niyo ‘yan sa bangko,” payo niya.

“Huwag na! Mukhang mas delikado pa roon ang pera ko, eh!” sagot nito, tutugon pa lang sana siya nang biglang maglabas ng kutsilyo ang mamang nabili at silang dalawa ay agad na pinagbantaan.

Sa labis niyang pag-aalala na baka mapahamak ang matanda at ang pinaghirapan nitong pera, mabilis niyang hinablot ang kahoy na kinauupuan niya saka hinampas sa lalaking panay ang takot sa matanda. Nang matamaan niya ito, agad niyang pinapunta sa likod ang matanda saka malakad na nagsisisigaw ng “Tulong! May magnanakaw!”

Ito ang dahilan para agad na tumakbo palayo ang kawatan na agad namang hinabol ng mga taong rumisponde sa sigaw niya.

Dali-dali niyang pinainom ng tubig ang matandang kabadong-kabado.

“Mabuti na lang nandito ka, hijo, kung hindi baka natangay na ang pera ko, malubha pa ang lagay ko,” sabi nito.

“Kaya nga po, ilagay na natin sa bangko ang pera niyo. Tutulungan ko po kayo. Maging aral na po sa inyo ‘to, manang,” payo niya rito na agad naman nitong sinunod.

Agad na nga silang nagtungo sa bangko nang mahimasmasan ang matanda at bilang pasasalamat nito, gusto nitong siya ay araw-araw bigyan ng lutong ulam. Binigyan pa siya nito ng limang libong piso para siya’y may magamit sa muling paghahanap ng trabaho.

“Hindi na po kailangan, manang, huwag niyo na po akong problemahin,” tanggi niya sa binibigay nito.

“Sige na, hijo, utang na loob ko sa’yo ang lahat ng perang mayroon ako pati na ang buhay ko,” giit nito dahilan para ganoon niya na lamang ito tanggapin at agad na maghanap ng trabaho kinabukasan.

Dahil sa katalinuhang mayroon siya, agad siyang natanggap sa kalabang kumpanya ng pinagtatrababuhan niya noon at siya ang naging rason upang pumayagpag ang kumpanyang ito.

Doon na siya tuluyang nakabawi sa matandang tumugon sa kalam ng kaniyang sikmura at nagbigay pag-asa sa buhay niya. Siya’y labis na nagtipid upang makapag-ipon hanggang sa paglipas ng isang taon, silang dalawa ay naging magkasosyo sa negosyong restawran na tinayo nilang dalawa.

Advertisement