
Pinagmamalaki Niya ang Kumpanyang Bigay ng Ama-Amahan Niya; Habambuhay Kaya Itong Mapapasakaniya?
Wala nang mahihiling pa sa kaniyang buhay ang dalagang si Gloria. Sa edad na bente kwarto anyos, siya na ang naging presidente sa kumpanyang tinayo ng pangalawang asawa ng kaniyang ina at dahil sa posisyon niyang ito, lahat ng gustuhin niya, mapamamahaling mansyon man o kotse, lahat ay agaran niyang nabibili.
Malayong-malayo ang buhay na mayroon siya ngayon sa kapatid niyang mas piniling mabuhay kasama ang tunay nilang ama na ngayon ay bali-balitang nakaratay na sa kama. Isang taon lang ang tanda niya rito pero hanggang ngayon, isa pa rin itong tipikal na empleyado sa isang pabrika na kumikita lamang ng mababang pera.
Ito ang dahilan para ganoon niya na lamang maramdaman na tama ang ginawa niyang desisyon na sumama sa kaniyang ina noong araw na maghiwalay ang kanilang mga magulang.
Simula nang muling maikasal ang kaniyang ina sa isang mayamang lalaki, wala na itong ginawa kung hindi ang turuan siya kung paano patakbuhin ang isang malaking kumpanya dahilan para pagtungtong niya ng edad na dalawangpu’t isa, siya ang pinahawak nito ng kumpanyang bumubuhay sa kanilang buong pamilya.
Isang araw, habang siya’y nagmamaneho patungo sa isang malaking pagpupulong kasama ang mga kasosyo sa negosyo ng kumpanyang hinahawakan niya, nakita niyang nakayukong naglalakad sa tabing kalsada ang kapatid niyang ilang taon niya na ring hindi nakikita.
Bakas sa mukha nito ang lungkot at paghihirap dahilan para maisip niyang inggitin ito sa buhay na mayroon siya. Agad niyang tinigil ang magarang sasakyan sa harapan nito saka sinabing, “Ang hirap maging mahirap, ano? T*nga ka kasi, eh, sa walang kwentang tatay mo pa ikaw sumama! Kita mo ako ngayon, may-ari na ng isang kumpanya. Kaya ko na nga sigurong bilhin ang buong pagkatao mo, eh,” saka niya ito tiningnan mula ulo hanggang paa.
“Pinagmamalaki mo ang perang hindi mo naman pinaghirapan? Mas mahirap ang tumandang walang alam sa buhay katulad mo. Pagsisisihan mo ang lahat ng ito, ate,” sagot nito saka sinipa ang kaniyang sasakyan at tumakbo palayo na labis niyang ikinainis.
Ngunit dahil nga malapit na siyang mahuli sa pagpupulong, hindi na niya nagawang habulin ang kapatid at siya’y agad na ring dumiretso sa bulwagang paggaganapan nito. Inis na inis man, ginawa niya ang lahat upang maging maaliwalas muli ang kaniyang mukha.
Pagdating niya sa naturang bulwagan, naroon na ang kaniyang ina kausap ang ibang mga negosiyante.
“Mama, bakit wala pa po si papá?” tanong niya rito.
“Ayan, kakarating lang,” tipid na sagot nito dahilan para mapatingin siya sa entrada ng bulwagan.
“O, bakit kasama niya ang lalaking ‘yan?” pagtataka niya nang makitang kasama nito ang step brother niyang kinaiinisan niya.
“Diyos ko, buong akala ko pa naman, matalino ka talaga, anak. Tingin mo ba, ibibigay talaga sa’yo ng papá mo ang kumpanya? Hindi ka naman niya tunay na anak. Ginagamit niya lang ang talino at kakayahan mo para kumita ng pera at maihanda ang tunay niyang anak,” bulong nito sa kaniya na ikinagulantang niya.
“Ba-bakit ngayon mo lang ‘to sinabi, mama?” nanginginig niyang tanong.
“Akala ko, nararamdaman mo na ang gusto niyang mangyari. Hindi mo ba alam na pinatawag niya ang pagpupulong na ‘to para ibaba na ang pwesto mo at gawing presidente ang anak niya?” kwento pa nito na ikinaiyak na niya. “Hi-hindi totoo ‘yan, mama!” sigaw niya rito.
“Totoo, anak, matauhan ka na. Hindi mo siya kadugo, ang tanging koneksyon mo lang sa kaniya ay ako. Ngayong may bago na ulit siyang asawa, tiyak, sa basurahan na tayo pupulutin,” hihinga-hinga nitong sabi na talagang nakapagpatakbo na sa kaniya patungong banyo at doon siya labis na umiyak.
Katulad ng sabi ng kaniyang ina, tuluyan na nga siyang tinanggalan ng posisyon ng kaniyang amain at nilipat sa tunay nitong anak na talagang ikinasama ng loob niya.
Ilang buwan pa ang lumipas, pinaalis na rin sila nito ng kaniyang ina saka binawi ang lahat ng ari-ariang mayroon sila.
“Hindi naman po ito tama,” iyak niya sa amain.
“Pera ko ‘to lahat kaya may karapatan akong bawiin kung ano ang akin. Makakaalis na kayong mag-ina,” seryoso nitong sabi na ikinaguho ng mundo niya.
Pagkalabas na pagkalabas nila ng mansyon, nakita niyang naghihintay sa labas nito ang kaniyang bunsong kapatid.
“Nabalitaan ni papa ang nangyari, ate, mama. Gusto niyang bumalik na lang kayo sa bahay kaysa matulog kayo sa lansangan. Pasensya na raw, hindi na siya makatayo kaya hindi niya kayo masundo,” sambit nito na lalong nagpaiyak sa kanilang mag-ina.
“Pasensya na, pasensya na,” sabay nilang sabi ng kaniyang ina saka niyakap ang dalagang lulan ng traysikel.
Simula noon, nagtulungan silang magkapatid upang makatayo ng isang kumpanya. Mahirap man dahil nga wala silang pera at mayayamang koneksyon, nagawan nila ito ng paraan sa pamamagitan ng mga naging kaibigan niya sa industriya.
Paglipas pa ng ilang taon, tuluyan ngang namayagpag ang negosyo nilang magkapatid dahilan para mapagamot nila sa ibang bansa ang kanilang ama at muling mabuo ang masaya nilang pamilya.