Inday TrendingInday Trending
Hinuhusgahan ng Binata ang mga Maliliit na Negosiyanteng Nagpapatulong sa Kaniya; Ito Pala ang Ikalulugi Niya

Hinuhusgahan ng Binata ang mga Maliliit na Negosiyanteng Nagpapatulong sa Kaniya; Ito Pala ang Ikalulugi Niya

Mula man sa hirap ang binatang si Jolo, hindi na niya muling maitapak sa lupa ang kaniyang mga paa simula nang siya’y yumaman sa pamamagitan ng kaniyang sipag at tiyaga na nagbigay sa kaniya ng isang malaking kumpanya na kilala na ngayon sa buong bansa.

Noon, pangarap niya lamang ang magkapagpatayo ng isang maliit na kainan sa tapat ng kanilang bahay. Hindi niya lubos akalaing hahantong sa isang nakapalaking kumpanya ng iba’t ibang restawran ang maitatayo niya paglipas ng panahon na talagang nagbigay ng labis na saya sa kaniya.

Maliit man ang nilusutan niyang butas ng karayom, hindi ito kahit kailan nagbigay ng rason sa kaniya upang sumuko. Bagkus, ito pa ang nagpaliyab sa kagustuhan niyang magkaroon ng magandang buhay ang kaniyang buong pamilya.

Ngunit, nang makabili na siya ng maraming mga lupain, bahay, sasakyan, kung anu-anong materyal na bagay, at nang makilala na siya sa buong bansa, ganoon na lang naging madali sa kaniya na ibaba at husgahan ang mga taong nangangarap na maging isang negosiyante katulad niya.

Sa katunayan, marami sa kaniyang mga kaanak at kaibigan ang pilit na lumalapit sa kaniya upang manghingi ng tulong. Ngunit kahit isa sa mga ito, moral o pinsyal na tulong man, wala siyang binibigyan. Lagi niya pang bukang bibig, “Makuntento na kayo sa buhay niyo. Hinding-hindi niyo maaabot ang tayog ng lipad ko ngayon. Mangarap kayo ng isang bagay na kaya niyo lang abutin,” dahilan upang ganoon na lang magalit ang mga ito sa ito.

Ilang beses man siyang sinasabihan ng kaniyang ina na hindi maganda ang ugaling pinapakita niya dahil lamang sa yamang mayroon siya ngayon, imbis na makinig, pabalang niya pa itong sinasagot o kung minsan pa, tinatakot niya itong papalayasin kaya siya’y hinayaan na lamang nito.

Isang araw, habang siya’y abala sa pagrerebisa ng ilang dokumento tungkol sa plano niyang pagtatayo ng ilang restawran sa ibang bansa, may isang binatang nagpumilit na pumasok sa opisina niya.

“Pasensya na po kayo, sir, ayaw niya po talagang magpaawat, eh,” sambit ng guard na panay pa rin ang awat dito.

“Anong kailangan mo? Hindi mo alam ang salitang paggalang at respeto?” masungit niyang sabi habang nagrerebisa pa rin ng mga dokumento.

“Alam ko po, sadyang desperado na po talaga akong makausap kayo,” tugon nito na ikinataas ng kilay niya.

“At bakit?” masungit niyang sagot.

“Gusto ko po ipakita sa inyo ‘tong teknolohiyang nagawa po namin ng mga kaibigan ko. Pupwede niyo po itong gamitin sa restawran niyo! Ilalagay lang po natin ang mga pagkaing binebenta niyo sa makinang ito at pupwede na nilang makita sa hangin ang lahat ng pagkaing binebenta niyo! Makabagong teknolohiya na po ito!” paliwanag nito saka ipinakita sa kaniya ang isang tila de-remote na makina.

“Kalokohan, huwag mong sayangin ang oras ko. Hindi papatok ang gan’yang klaseng basura,” walang habas niyang wika na ikinalingid ng luha nito, “Guard, ilabas mo na ‘yan!” sigaw niya sa sekyu dahilan para sapilitan na itong ilabas ng kaniyang opisina.

Ang binatang iyon na ang huling nagtangkang humingi ng tulong sa kaniya na talaga nga namang ikinatuwa niya dahil wala nang nang-iistorbo sa kaniya.

Kaya lang, paglipas ng anim na buwan, bago siya bumiyahe patungong ibang bansa upang tingnan ang restawrang pinapatayo niya roon, may napanuod siyang isang balita na tungkol sa limang kabataan na nakaibento ng isang kakaibang teknolohiya na ngayon ay kinilala na sa isang bansa at mayroon nang sandamakmak na investors mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nang tingnan niya ang mukha ng lider ng grupo, roon na siya napahawak sa kinauupuan niya.

“Hanapin mo ang lalaking ‘to!” utos niya sa kaniyang sekretarya. Nakuha nga nito ang numero at tirahan ng binata ngunit ayaw na nitong magpunta sa opisina niya.

Dito na siya nagpasiyang sadyain ito sa bago nitong biling gusali ilang kilometro lamang ang layo sa kumpanya niya.

“Hindi pa ba maliwanag sa’yo, sir? Ayaw na naming makisosyo sa’yo,” bungad nito sa kaniya.

“Ah, eh, hindi ko naman alam na…” hindi na siya nito pinatapos at siya’y agad na tinawanan.

“Ayon na nga, sir, eh, porque mababang uri lang kami ng tao noon, ayaw mo kaming pakinggan o kahit bigyan ng oras. Pero ngayong nakuha na namin ang pansin ng buong mundo, saka mo lang kami bibigyan ng atensyon. Pera-pera lang ba talaga ang laban ngayon? Kasi kung ganoon, asahan mong malalaos ang kumpanya mo,” sambit nito na talagang nagpagising sa maling paghawak niya ng negosyo. Ilang beses man siyang magmakaawa rito, hindi na talaga siya pinagbigyan ng binata.

Ilang buwan lang ang binilang niya, nagsilipatan na sa kumpanya ng binata ang mga kasosyo niya sa trabaho na nagbigay ng malaking pagkalugi sa kaniya.

“Bakit ngayon ko pa napagtanto na hindi lang puro pera ang pagnenegosyo? Bakit ngayon ko pa natutuhan na kailangan ko ring makipagkapwa at makinig sa maliliit na negosiyante?” hikbi niya.

Hindi man niya agarang nabawi ang lahat ng pagkalugi, natutuhan na niya ngayon ang tamang diskarte upang mapatagal ang pinaghirapan niyang kumpanya.

Advertisement