Inday TrendingInday Trending
Maigting na Kalaban ang Turing Niya sa Kapatid; Isang Bote ng Gatas ang Nakapagturo sa Kaniya ng Leksyon

Maigting na Kalaban ang Turing Niya sa Kapatid; Isang Bote ng Gatas ang Nakapagturo sa Kaniya ng Leksyon

Noon pa man, maigiting na katunggali na ang tingin ni Julio sa kaniyang nakatatandang kapatid. Normal man ang away bating relasyon sa magkakapatid lalo na kung sila’y nasa murang edad pa lamang, iba ang dating nito sa kaniya dahilan para simula pa lang noon, nagtanim na siya ng galit dito.

Tandang-tanda niya pa ang unang matinding away nilang magkapatid nang dahil lamang sa tsinelas. Hinihiram ng kaniyang kapatid ang tsinelas niya dahil nasira ang tsinelas nito sa paglalaro ng tumbang preso pero dahil nga gusto niya ring sumali sa laro, hindi niya ito pinahiram at ininggit-inggit niya pa ito.

Agad itong nagsumbong sa kanilang ina dahilan para siya’y pagalitan at hindi palabasin maghapon dahil sa ugaling pinakita niya. Alam man niyang siya ang may kasalanan, nagtanim pa rin siya ng galit lalo pa nang makitang pinahiram ng kaniyang ina ang tsinelas niya sa kapatid at ito’y hinayaang magpatuloy sa paglalaro.

Nasundan pa nang nasundan ang away nilang iyon magkapatid hanggang sa sila’y tumanda na. Ilang beses man silang pagbatiin ng kanilang mga magulang upang mapagtulungan nila ang kumpanyang maiiwan ng mga ito, hindi niya pa rin magawang kalimutan ang nakaraan at tanggalin ang galit sa puso niya.

“Bakit hindi niyo na lang iwan at ipamana sa magaling niyong anak ang kumpanya? Dadamay niyo pa ako, panigurado namang wala akong mapapala sa pagtatrabaho sa inyo dahil siya ang magaling sa paningin niyo noon pa man,” nakangisi niyang sabi sa kanilang mga magulang, isang araw nang siya’y dumalaw sa opisina ng mga ito.

“Diyos ko, Julio, ang tanda-tanda mo na! Sige nga, paano ko ipagkakatiwala sa’yo mag-isa ang kumpanya kung gan’yan ang ugali mo?” inis na sabi ng kaniyang ama.

“Kaya nga sa kaniya niyo na lang iwan ang kumpanya, eh, hindi ba kayo makaintindi?” pabalang niyang tugon dito na ikinailing na lamang nito.

“Ah, ganoon? O sige, masusunod, hijo,” sabi nito matapos bumuntong-hininga na bahagya niyang ikinagulat dahil buong akala niya’y pipilitin pa siya nitong hawakan ang kumpanya.

Dahil sa sinabi niyang iyon, halos pitongput limang porsyento ng kumpanya ang ipinangalan sa kaniyang kapatid habang ang natitirang porsyento ay hinati sa kaniya at sa iba pang investors na lalong nagpasama ng loob niya.

“Kunwari pa kayong gusto niyo na pantay ang makuha naming porsyento!” dismayado niyang sabi nang makita ang hatiang ginawa ng kaniyang ama.

Sa sobrang inis niya, napagdesisyonan niyang umuwi sa kanilang bahay kung saan namamalagi ang kanilang mga magulang. Naabutan niyang naroon ang kapatid niyang panganay dahilan para agad na mag-init ang ulo niya.

“Napakasipsip mo talaga kila mama at papa, ‘no?” galit niyang bungad dito.

“Anong sinasabi mo riyan? Dito naman talaga ako nakatira, ikaw lang naman ang umalis, eh,” tugon nito, bigla namang tumunog ang selpon nito dahilan para siya’y iwan nito, “Hoy, huwag mong gagalawin ‘yang gatas sa bote, ha,” bilin nito na ikinatawa niya.

“Napakasakim mo talaga. Gatas lang ipagdadamot mo pa sa akin? Iinumin ko ‘to hangga’t gusto ko!” bulong niya sa hangin saka agad na dinampot ang bote ng gatas.

Kaya lang, pagkabukas na pagkabukas niya sa babasaging bote, malakas itong sumabog sa mukha niya!

“Julio! Sabi sa’yo huwag mong gagalawin ‘yan! Ilang araw na ‘yang nabilad sa araw!” sabi ng kaniyang kapatid na naalarma sa pagsabog.

Agad siya nitong dinala sa ospital dahil sa mata siya pinakanapuruhan. Kabadong-kabado siya na baka hindi na siya makakita.

“Pangako, aalisin ko na ang lahat ng galit sa puso ko, hayaan niyo lang ako muling makakita!” sigaw niya sa mga nars at doktor na gumagamot sa kaniya.

“Kumalma lang po kayo,” mahinahong sabi ng doktor.

Habang may ginagawang laboratoryo sa kaniya, wala siyang ibang magawa kung hindi ang magdasal na sana muli siyang makakita. Mangiyakngiyak siyang humingi ng tawad sa kaniyang mga magulang at kapatid nang muli niyang makita ang itsura ng mga ito.

“Ayan lang pala ang makapagtatanggal ng galit sa puso mo. Sana pala noon pa ako nag-iwan ng gatas sa ilalim ng araw,” biro ng kanilang ama na ikinatawa nilang lahat.

Sinabi rin nitong pantay ang porsyentong mayroon sila sa kumpanya at kasinungalingan lamang ang una nitong sinabi sa kaniya.

“Hindi ko naman hahayaang habambuhay kayong may samaan ng loob dahil lang sa yaman. Kaya, kayo nang bahala sa kumpanya kapag nawala kami ng mama niyo, ha?” bilin pa nito na sabay nilang sinang-ayunang magkapatid.

Simula noon, tuluyan nang nawala ang galit sa puso niya. Sa mahirap na paraan man siya natuto, siya’y lubusan pa ring nagpapasalamat dahil sa wakas, wala na siyang mabigat na binibitbit sa dibdib.

Advertisement