Inday TrendingInday Trending
Grabe Kung Pahirapan ng Ginang ang Magandang Kasambahay; Ito ang Igaganti ng Babae sa Huli

Grabe Kung Pahirapan ng Ginang ang Magandang Kasambahay; Ito ang Igaganti ng Babae sa Huli

Agad na napasimangot si Carmela nang mabungaran niya ang kasambahay nila na si Alyssa. Kasalukuyan nitong kakwentuhan ang mayordoma nila na si Nanay Linda.

Minasdan niya ang dalaga. Kahit na nakasuot ito ng simpleng uniporme ay lutang na lutang pa rin ang kagandahan nito.

“Ganyan din naman ako kaganda noong kabataan ko,” sa isip-isip ng ginang habang masama ang tingin sa walang kamalay-malay na dalaga. Sa puso niya ay naroon ay inggit na hindi niya maamin-amin.

“Alyssa!” galit na sigaw niya nang tuluyan siyang makababa.

Agad naman itong lumapit.

“Bakit po, Ma’am?” anito.

“Plantsahin mo ang mga damit ko sa itaas,” utos niya.

“Tigil-tigilan mo nga ang pakikipaghuntahan mo! Hindi kita binabayaran para makipagkwentuhan!” maanghang na pahayag niya pa.

Napatungo naman ito bago tumango.

“Sorry po,” sabi ng babae bago tumalima sa utos niya.

“Ikaw naman Nanay Linda, ‘wag mong hayaan na tunganga lang ang mga tao rito. Binabayaran kayo rito!”

Maging ang mayordoma ay hindi nakaligtas sa sermon niya.

“Sorry, Ma’am Carmela,” hinging paumanhin ng matanda.

Nakairap na tinalikuran niya na lang ang matanda.

Alam niya na “d*monyita” ang tawag sa kaniya ng mga tao sa bahay nila. Ibang-iba kasi siya kung mamahala. Hindi siya gaya ng asawa niyang si Alfred na saks*kan ng bait.

Naniniwala kasi siya na kapag mabait siya ay aabusuhin siya ng iba. Kaya naman hindi niya bibigyan ng pagkakataon ang sinuman na abusuhin siya!

“Hon, ano ka ba naman, ang aga-aga, nakasimangot ka?” puna ni Alfred. Nakabihis na ito at mukhang handa nang pumasok sa opisina.

“Nakakainis si Alyssa! Puro daldal sa trabaho!” sumbong niya.

Napailing na lang ito.

“Ikaw talaga. Ang sungit-sungit mo. Pasalamat ka, mahal kita!” kantiyaw nito, na nagpangiti sa kaniya.

Tila kay bagal ng araw. Ginugol ni Carmela ang araw sa pakikipaglaro sa limang taong gulang nilang anak.

Tirik ang araw at wala siyang kaplano-plano na lumabas.

Nang masulyapan niya ang malagong damo sa hardin ay isang ideya ang pumasok sa isip niya.

“Alyssa!” tawag niya sa kasambahay.

Humahangos naman itong lumapit.

“Bakit po?”

Sinulyapan niya ang mala-porselanang kutis ng dalaga, bago siya pailalim na napangisi.

“Magbunot ka nga ng damo sa labas,” utos niya.

Nanlaki ang mata nito. Tila hindi makapaniwala sa sinabi niya.

“Bakit, may reklamo ka?” taas kilay na usisa niya.

“W-wala naman po, Madam. Kaso po ay tirik na tirik ang araw… Pwede po ba na maya-maya na, kapag bumaba na ang araw?” alanganing hirit nito.

Lalo lang umangat ang kilay ni Carmela. “Bakit? May ginagawa ka ba ngayon?”

Natameme ito.

“W-wala po. Nagpapahinga lang,” sagot nito.

“E ayun naman pala. Hindi ka naman binabayaran dito para magpahinga,” pasaring niya.

Maya-maya ay sumabat si Linda sa usapan. Tahimik pala itong nakikinig sa usapan nila.

“Tulungan na lang kita, hija, para hindi ka naman gaanong masunog sa araw,” alok nito.

“Hindi. Manatili ka rito sa loob,” saway niya sa matanda.

Sa huli ay walang nagawa si Alyssa kundi mag-isang suungin ang mainit na sikat ng araw para magawa ang inuutos niya.

Hindi doon natapos ang pagpapahirap niya sa dalaga. Madalas niya itong bigyan ng mabibigat na trabaho. Natutuwa kasi siya kapag nakikita niyang naghihirap ito.

“Ano itong naririnig ko na may kasambahay tayo na pinapahirapan mo?” isang araw ay usisa ng asawa niya.

Umiling siya.

“Wala ‘yun. Nilalagay ko lang siya kung saan siya dapat,” balewalang sagot niya.

Ilang buwan pa ang matulin na lumipas. Inakala niya na susuko at aalis si Alyssa dahil sa pagpapahirap niya, ngunit nagkamali siya. Nanatili ito na matatag at pursigido.

Ang hindi niya alam ay parating na pala ang unos na babago sa buhay niya.

Ilang linggo na rin ang lumipas simula noong mapansin niya ang panlalamig ni Alfred. Likas itong malambing at madikit sa kaniya kaya naman pansin na pansin niya ang pagbabago nito.

Ilang beses niya na rin nahuli na may ka-text ito. At higit sa lahat, madalas na itong umaalis sa tuwing araw ng Linggo, hindi gaya noon na magba-bonding lang sila sa bahay, o ‘di kaya ay pupunta silang mag-anak kung saan.

Kaya naman isang araw ay hindi siya nag-atubili na sundan ang asawa. Lalong tumindi ang pagdududa niya nang tumungo ito sa isang maliit na bahay.

At nang bumukas ang pinto, isang pamilyar na babae ang sumungaw roon. Si Alyssa!

Humalik pa ito sa labi ni Alfred bago nito hinila papasok ang asawa niya.

“Ang mga walanghiya…” nanginginig na bulong niya.

Walang pagdadalawang-isip na kinatok niya ang bahay. Si Alfred ang nagbukas ng pinto. Wala na itong suot na pang-itaas.

“H-hon…”

Tila ito nakakita ng multo. Sa likod nito ay si Alyssa. Walang mababanaag na ekspresyon sa mukha ng dalaga.

“Mga hayop!” mariing bulalas niya. Pigil niya ang sarili na sugurin ang kabit.

Sinubukang magpaliwang ni Alfred, ngunit ano ang ipapaliwanag nito? Maliwanag pa sa sikat ng araw na isa itong taksil!

“H-hon, inakit niya lang ako…”

Nang sulyapan niya si Alyssa ay nakita niya ang pagngisi nito. Tila ito ibang tao. Malayo ang itsura nito sa mahinhin na kasambahay na kilala niya.

“Bakit mo sinira ang pamilya ko? Wala kang karapatan!” bulyaw niya.

Mas lalong tumapang ang itsura ng dalaga.

“E ikaw? Bakit mo ako pinapahirapan? Wala naman akong ginawang masama sa’yo. Hindi makatarungan ang ginagawa mo sa akin. Ito ang parusa ko sa lahat ng ginawa mong pagpapahirap!” bwelta nito.

Natigagal si Carmela. Rumagasa sa isip niya ang lahat ng ginawa niya sa dalaga. Wala siyang maisagot dahil totoo ang sinabi ng dalaga.

“Ito lang ang nakita kong paraan para gumanti. Ang sama-sama mo sa akin. Ang mga gaya mo ay dapat turuan ng leksyon,” sabi pa ng babae.

Laglag ang balikat niya na nilisan ang bahay ng babae. Alam niya na malaki rin ang kasalanan niya sa nangyari. Marahil ay hindi aabot sa ganoon kung itinrato niya lang nang maayos si Alyssa. Ang galit nito ang anay na sumira sa pamilya nila.

Sinubukan ni Alfred na makipag-ayos ngunit alam niya na hindi niya rin ito mapapatawad. Tinuldukan nila ang masayang pagsasama.

Sising-sisi si Carmela, ngunit isang napakalaking leksyon ang itinuro ng pangyayaring iyon sa kaniya. Itrato nang tama ang kahit na sino—dahil hindi natin alam ang tumatakbo sa isipan nila.

Advertisement