Inday TrendingInday Trending
“Anak-anakan” lang raw ng Nobyo Niya ang Batang Lalaki; Ano ang Totoo at Sino ang Bata?

“Anak-anakan” lang raw ng Nobyo Niya ang Batang Lalaki; Ano ang Totoo at Sino ang Bata?

“Sa pitong na taon niyo ng nobyo mo, hindi mo man lang nasabi sa amin na mayroon na pala siyang anak?”

Napabuntong hininga si Pauline nang mahimigan ang inis sa boses ng kaniyang tatay.

“Meron na nga po. Hindi niya naman po tunay na anak si Tonton,” pagtatanggol niya sa nobyo bago ikinuwento sa mga ito kung sino si Tonton.

Nagkatinginan ito at ang kaniyang ina. Tingin pa lang ay alam niya nang hindi naniniwala ang mga ito sa sinasabi niya.

“Tingnan mo ‘yan. Kung hindi niya naman pala tunay na anak bata, bakit ganun na lang kung alagaan niya? Ni hindi ka man lang niya samahan dito at harapin kami,” dismayadong komento ng kaniyang tatay.

Sinulyapan niya ang nobyong si Manuel, na noon ay abala sa pag-aalaga kay Tonton. Nasa bata ang buong atensyon nito, ni hindi man lang napansin ang pakikipagtalo niya sa mga magulang.

Napayuko na lang siya. Hangga’t maaari ay ayaw niyang madismaya ang mga magulang. Kailangan niya kasing makuha ang loob ng mga ito para payagan na silang magpakasal.

Ito ang dahilan kung bakit sila magkakasama ngayon. Gusto niyang ipakilala sa kaniyang mga magulang ang nobyo para magkausap ang mga ito.

Ang problema, dinala ng lalaki si Tonton dahil wala itong mapag-iiwanan sa anak-anakan.

“Anak, makinig ka sa amin ng tatay mo. Ayaw lang namin na masaktan ka pero hindi ka ba nagtataka? Limang taon na nagtrabaho sa ibang bansa ang nobyo mo. Nang bumalik ay may kasama na bata na apat na taong gulang. Kung iisipin natin nang maigi, posible naman talagang nangaliwa siya at nagkaroon ng anak sa iba. ‘Wag mong sabihin na hindi mo ‘yun naisip?” sansala ng kaniyang ina.

Hindi nakaimik si Pauline.

Ang totoo ay hindi lang isang beses sumagi sa isip niya ang posibilidad na iyon pero pilit niyang iwinaksi iyon.

Hindi ‘yun magagawa ni Manuel sa kaniya. Mahal siya nito at hindi siya kayang lokohin ng nobyo.

Pilit niyang itinatanggi iyon kahit pa nakikita niya kung gaano nito kamahal ang ampon.

Nang hindi siya makasagot ay pagalit na tumayo ang tatay niya.

“Pakisabi na lang sa nobyo mo na hindi kami papayag na makasal kayo hangga’t hindi niya nililinaw ang totoo. Pasensya na, pero hindi kita pinalaki nang maayos para lang maloko ng ibang tao,” pinal na sinabi nito.

Nang makaalis ang kaniyang mga magulang ay napabuntong-hininga na lang si Pauline. Ni hindi niya magawang mainis sa mga ito dahil naiintindihan niya na gusto lang ng mga ito na proteksyunan siya.

Tama naman sila, kailangan niyang makakuha ng sagot mula kay Manuel.

Noon lumapit sa kaniya ang lalaki. Bakas sa mukha nito ang pagtataka habang nakasunod ang tingin sa mga magulang niya na paalis na.

“Mahal? Ano’ng nangyari? Anong sabi ng mga magulang mo? Pasensya na, hindi ko kasi maiwan si Tonton,” sunod-sunod nitong tanong.

Tinitigan niya ang lalaki. Mata sa mata. Pinilit niyang lakasan ang loob para itanong dito ang matagal nang bumabagabag sa kaniya.

Gustong-gusto na rin niyang wakasan ang kaniyang pagdududa at ito na ang pagkakataon para roon.

“Manuel, tapatin mo nga ako. Sino ba talaga si Tonton sa buhay mo? Kahit kailan hindi mo ipinaliwanag sa akin kung paano mo siya nakilala. Basta’t isang araw umuwi ka na lang dito na may kasamang bata. Hindi ko alam kung ano ang totoo, kaya hindi ko mapigilan ang sarili kong magduda,” tahasan niyang pag-amin sa nobyo.

Kitang-kita niya ang pag-iiwas nito ng tingin.

“Hindi lang naman ako. Halos lahat ng tao sa paligid natin, iisa lang ang iniisip sa tuwing makikita kayo ni Tonton…” patuloy na litanya niya.

“Bakit? Ano ba’ng nasa isip niyo?” marahan na tanong nito.

“Na baka hindi totoong ampon lang siya. Baka tunay mong anak kaya mahal na mahal mo siya. Iniisip pa nga ng iba na baka nagkaroon ka ng iba habang nasa ibang bansa ka. Minsan kasi ay kinakain na ako ng pagdududa. Pwede bang sabihin mo na sa akin ang totoo?” nagsusumamo niyang tanong habang nangingilid ang luha.

Bumakas ang lungkot sa mukha nito. Ayaw na ayaw kasi nito na umiiyak siya.

Bumuntong-hininga ito. “Pasensya ka na at hindi ko alam na ganyan pala ang iniisip mo.”

Nagsimula itong magkwento. Ibang-iba ang kwento nito sa inaasahan ni Pauline.

“Habang nagtatrabaho kasi ako sa ibang bansa, nagkaroon ng malaking sunog sa dormitoryo kung saan kami tumutuloy ng mga kasamahan ko. Sa ikasampung palapag ang kwarto ko kaya huli ko na nalaman ang nangyayari…”

Gulat na gulat siya. Iyon kasi ang unang beses na narinig niya ang istorya na iyon.

“Nang magising ako, balot na ng usok ang kwarto kaya nahirapan akong huminga. Ako na lang ang natitira sa building at malaki na ang apoy. Hindi na kaya pang pasukin ng mga bumbero ang unit ko, pero sumigaw ako nang sumigaw hanggang sa may isa sa kanilang nakarinig. Si Sir Jericho,” pagpapatuloy nito.

“Kahit na alam niyang mapanganib at kahit pinipigilan siya ng mga kasamahan, pumasok pa rin siya para tulungan ako. Inaakay niya na ako nang biglang bumigay ang kisame, at siya ang nadaganan. Hindi siya nakaligtas.”

Narinig niya ang pagsigok ng nobyo. Marahil ay sariwa pa sa alaala nito ang nangyari.

“Hindi ko malilimutan ang huli niyang sinabi bago siya mawalan ng buhay. May anak siyang maiiwan, Tonton ang pangalan.”

Noon naunawaan ni Pauline ang tunay na istorya.

“Walang kabayaran ang utang ko kay Tonton, mahal. Kinuha ko ang Tatay niya. Kaya kung kinakailangan, tripleng pagmamahal ang ibubuhos ko sa kaniya. Sana ay maunawaan mo…” pakiusap nito habang minamasdan ang inosenteng bata.

Bumuhos naman ang masagana luha niya dahil sa nalaman. Iyon pala ang tunay na kwento. Tila nawala ang mabigat na kung ano sa dibdib niya.

“Pasensya na kung hindi ko sinabi agad. Hanggang ngayon kasi ay mahirap pa rin sa akin na pag-usapan ang nangyari. Sariwang-sariwa pa sa alaala ko ang bawat detalye,” anito.

Niyakap niya ang nobyo nang mahigpit. Humingi siya ng tawad dahil pinagdudahan niya ito.

“Ngayon na nailabas mo na ang masakit na kwento, pwede mo na itong unti-unting kalimutan. Magsisimula tayo ng bagong pamilya na kasama natin si Tonton,” pangako niya sa kasintahan.

Advertisement