Malakas ang Kutob ng Ginang na may Kalaguyo ang Kaniyang Asawa; Nang Sundan Niya Ito’y Malaking Eskandalo ang Nangyari
Pagod na pagod si Cynthia na umuwi ng kanilang bahay galing sa opisina. Naabutan niya ang kaniyang mister na si Arthur na nakaupo sa sofa sa sala at ubod nang laki ng ngiti nito habang nakatitig sa kaniyang selpon. Kakauwi lang nito mula sa dalawang taong kontrata sa ibang bansa bilang isang seaman.
Nang mapansin ni Arthur na nariyan na ang misis ay agad niyang tinago ang kaniyang telepono at saka sinalubong ng halik ang asawa.
“Nariyan ka na pala, mahal, maghahain lang ako nang makakain ka na. Kanina pa ako kumain kasi kailangan kong pumunta kina Pareng Ralph. Nakapangako kasi ako sa kaniya ng inuman,” saad pa ng ginoo.
“Inuman na naman? Napapadalas ata ang pagkikita at pakikipag-inuman mo riyan sa Pareng Ralph mo. Kakauwi mo pa lang, Arthur, hindi ka na mapirmi dito sa bahay! Pilit ko pa namang tinapos ang mga trabaho ko sa opisina nang makauwi na ako agad. Tapos ay aalis ka rin lang? Hindi mo pa ako masabayan man lang sa pagkain,” sambit pa ni Cynthia.
“Pagpasensyahan mo na ako, mahal. Matagal rin ako sa ibang bansa at marami kaming dapat pag-usapan ni Ralph. Pag-uwi ko ay maghanda ka na dahil tayo naman ang makukwentuhan,” pabiro pa ng mister.
Inis na inis si Cynthia habang mag-isa sa kanilang bahay. Habang kumakain mag-isa ay hindi niya maiwasan na mag-isip. Madalas kasi niyang mahuli ang kaniyang mister na tila may ka-chat sa kaniyang selpon. Ibang klase nga ang ngiti nito. Ngunit sa tuwing napapansin nitong nariyan na ang misis ay agad niyang tinatago ang kaniyang selpon.
Madalas rin itong magpaalam at sa tuwing tatanungin niya kung sino ang kasama ay laging sinasabi nito na ang kaibigan niyang si Ralph.
Dahil nga napa-praning na kakaisip itong si Cynthia ay tinawagan niya ang kaniyang kaibigan na si Doris.
“Ayokong sa akin magmula ngunit sa mga sinasabi mo ay parang may ibang babae ang asawa mo. Dalawang taon ding nawala si Arthur. Hindi mo alam kung sino ang mga nakakasama at nakakasalamuha niya sa ibang bansa,” wika pa ng kaibigan.
“Pero madalas naman niya akong tawagan. Lagi rin niyang sinasabi sa akin kung ano ang ginagawa niya. Nasa barko lang naman siya, paano pa siyang makakapambabae?” sambit muli ni Cynthia.
“Sa tingin ko ay kailangan mo na lang siyang bantayan nang mas mahigpit, Cynthia. Pero sinasabi ko sa iyo na hindi nagkakamali ang kutob nating mga babae. Lalaki pa rin ang asawa mo. Kapag gusto niyang magloko ay magloloko ‘yan!”
Kaya mula noon ay naging bantay sarado na ni Cynthia ang mga kinikilos ng kaniyang asawa.
Araw-araw ay hawak nito ang kaniyang selpon. Sa tuwing pupunta sa palikuran ay dala pa rin niya ito. Madalas itong may ka-chat ngunit sa tuwing tinatanong ni Cynthia ay naglalaro lang daw ito.
Isang gabi ay nagplano itong si Cynthia na pakialaman ang selpon ng asawa. Ngunit nang makita niya ito ay nakasara ito. Nang kaniyang buksan ay nanghihingi ito ng password.
Sinubukan niya ng ilang beses na paganahin ang selpon ni Arthur ngunit hindi siya nagtagumpay. Hanggang sa napilitan siyang ibalik na lang ito sa lalagyan dahil naalimpungatan na ang asawa.
Kinabukasan ay maagang nakagayak si Arthur at tangkang aalis. Nais sanang komprontahin na ni Cynthia ang asawa ngunit may naisip siyang mas magandang ideya.
“Akala mo ay maloloko mo pa ako, Arthur. Humanda ka ngayon sa akin! Pag-uuntugin ko kayo ng babae mo!” nangagalaiting sambit ng ginang.
Sinundan niya ang asawa. Una itong nagtungo sa kaibigang si Ralph. Sinundo niya ito saka nagpunta sa isang mamahaling restawran.
“Siguro ay narito ang kinakatagpo niyang babae. Sinabi ko na nga ba at kasabwat itong si Ralph. Oo nga naman, kung mahuli ko si Arthur na may kasamang babae ay p’wede niya itong ikaila at ituro ang kaibigan niya! Magaling kang mag-isip, Arthur, pero hindi mo pa rin ako malalamangan!” muling saad ni Cynthia sa sarili.
Ilang minuto pa ang nakalipas at may isang babae ngang dumating sa naturang restawran. Nagtungo ito sa mesang kinauupuan ng magkaibigan. Kitang-kita ni Cynthia ang ngiti sa mukha ng kaniyang asawa habang papalapit ang naturang dalaga.
Dito na nagngitngit ang kalooban ng ginang. Bahagya siyang naluha dahil kahit kailan ay hindi pa niya nakita nang ganoong kasaya ang kaniyang asawa. Nagniningning kasi ang mga mata nito at abot tenga ang ngiti.
Nakapagdesisyon si Cynthia na tuluyan nang sugurin ang asawa at ipamukha rito ang panlolokong ginagawa.
“Sabi ko na nga ba, Arthur, may kalokohan kang ginagawa! Akala mo siguro ay hindi kita mabibisto? Hindi mo na mabibilog pa ang utak ko dahil bistado ka na! Walang kasing sakit ang ginawa mong ito sa akin! Hindi porket wala tayong anak ay may karapatan ka nang mambabae!” patuloy ang pagtalak ni Cynthia.
“Huminahon ka, mahal, mali ang iniisip mo. Hayaan mo muna akong magpaliwanag!” depensa naman ng ginoo.
“Ano pa ang ipapaliwanag mo? Sasabihin mo sa akin na hindi mo babae ang dalagang ito at kasintahan siya nitong kaibigan mong si Ralph? Ikaw naman, Ralph, akala ko ba ay matino kang kaibigan? Bakit hinahayaan mong gamitin ka nitong asawa ko para mapagtakpan ang kalokohan niya?” bulyaw pa ng ginang.
“Kumalma ka nga, Cynthia, mali ang lahat ng iniisip mo! Wala akong babae at higit sa lahat ay hindi ko ginagamit itong si Ralph para lang sa gan’yang sitwasyon!” sagot pa ni Arthur.
“Kung gano’n ay ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito?”
“Gusto ko sana itong gawing sorpresa sa ating anibersaryo pero nabisto mo na ako, e! Ilang taon din akong nag-ipon para rito, mahal ko. Sa wakas ay maibibigay ko na sa’yo ang matagal ko nang pangako. Magkakabahay na tayo! Sa lalong madaling panahon ay makakalipat na tayo!” masayang ibinalita ni Arthur ang puno’t dulong dahilan ng lahat ng ito.
“B-bahay? Lilipat? H-hindi ko naiintindihan ang lahat! Hindi ka nambababae? Hindi mo kalaguyo ang dalagang ito?” wika pa ni Cynthia.
“Hindi po ako kalaguyo ng asawa mo o nino man. Isa po akong ahente ng lupa. Kakilala ko po itong si Sir Ralph. Sa akin din po siya bumibili ng mga bahay at lupa. Natuwa nga rin po ako nang sabihin ng asawa n’yo na ibibigay niya ang bahay na binili niya bilang regalo sa inyong anibersaryo. Kaya agad po namin itong nilakad at ngayon ay sa inyo na talaga ang bahay,” wika ng dalaga sabay abot ng mga papeles kay Cynthia.
Tiningnan ni Cynthia ang titulo at nabigla siya nang makita na nakapangalan nga ang bahay at lupa sa kaniya. Ngayon ay hindi niya alam ang gagawin. Labis siyang nahihiya sa lahat ng mga tao sa restawran dahil sa kaniyang pag-e-eskandalo.
“Patawarin mo ako, mahal. Hindi mo rin kasi ako masisisi dahil ilang araw na kitang napapansin na may kakaiba sa ikinikilos mo. Matagal kang nawala at ang tanging nais ko lang naman ay mapunan ang mga sandaling hindi tayo magkasama. Pasensya ka na rin, miss, kung napaghinalaan kita. Ikaw rin, Ralph, pasensya na sa lahat ng masasamang nasabi ko sa iyo. Pasensya na kayo sa akin,” paghingi ni Cynthia ng paumanhin.
“Huwag kang mag-isip ng kahit anong masama, mahal. Magkalayo man tayo ay mananatili ka rito sa puso ko. Nangako ako sa Diyos at sa iyo na pananatilihin ko ang magandang samahan natin, ‘di ba? Ngayon ay mas makakabuo na tayo ng pamilya sa bagong bahay natin!”
Niyakap nang mahigpit ni Cynthia ang kaniyang asawa. Walang paglagyan ang kaniyang tuwa dahil may bago na silang bahay. Ngunit higit pa roon ay labis siyang masaya dahil napatunayan niya na tapat sa kaniya ang asawang si Arthur.