Inday TrendingInday Trending
Hindi Naniningil sa mga Pasyente ang Doktor na Ito; Nakakaiyak ang mga Naging Balik Nito sa Kaniya

Hindi Naniningil sa mga Pasyente ang Doktor na Ito; Nakakaiyak ang mga Naging Balik Nito sa Kaniya

Walang ibang pangarap ang mga magulang ni Paul kung hindi sumunod siya sa yapak ng kaniyang ama na isang kapita-pitagang doktor. Matalino naman ang binata at mukhang may ibubuga sa larangan ng medisina. Dahil sa labis na pagmamahal niya sa ama ay sumunod siya sa mga payo nito na maging isang doktor.

Nag-aaral pa lang ng medisina si Paul nang makilala niya ang dalagang si Marga. Sa ngiti at tingin pa lang ng dalaga ay labis nang nahulog ang binata. Kung sa itsura ang pagbabasehan ay hindi siya ang tipo ni Marga. Ngunit nang malaman nitong nag-aaral ng medisina ang binata at may kaya ito sa buhay ay agad niya itong sinagot.

Hindi nagtagal ay nakatapos nga ng pag-aaral si Paul at naging isang ganap na doktor. Noong taon din na nakapasa siya sa medisina ay niyaya na niya ang kasintahang si Marga na magpakasal. Agad namang pumayag ang dalaga.

Buong akala ni Marga ay magiging maganda ang kaniyang buhay dahil nga doktor ang kaniyang naging asawa, ngunit kabaligtaran ang nangyari.

Dahil masyadong minahal ni Paul ang kaniyang propesyon ay nakilala siya bilang doktor ng masa. Madalang siyang magpabayad ng konsultasyon lalo na sa mga matatanda at mga salat sa buhay. Labis itong ikinaiinis ni Marga.

Isang araw ay nagtungo si Marga sa kilinika ng asawa upang maghingi ng pera. May lakad kasi silang magbabarkada at ayaw naman niyang magpahuli.

Dumeretso siya sa assistant ni Paul dahil alam niyang narito ang lahat ng bayad ng araw na iyon.

“Limang daan? Iyan lang ang kinita ni Paul? Aba’y pambayad lang ‘yan sa’yo, a? Ilabas mo na ang lahat ng bayad sa kaniya nang makaalis na ako. Ikaw na lang ang magsabi na kumuha ako!” sambit ni Marga sa assistant na si Sarah.

“Madam, wala po talagang kita si dok ngayong araw. Itong limang daan nga po na ito ay tinanggap ko lang dahil iginiit ng nagpakonsulta. Nahihiya na raw kay Dok Paul,” sambit naman ng assistant.

Kinuha ni Marga ang logbook at nakita niyang nasa dalawampu na ang pasyente ng asawa.

“Sampung libo na dapat ang lahat ng ito. Ilabas mo na ang pera kung hindi ay mag-eskandalo ako rito!” wika pa ni Marga.

Ngunit talagang walang mailabas si Sarah kaya kahit na abala sa pagtingin sa pasyente itong si Paul ay sinugod siya ng asawa sa kaniyang klinika.

“Paul, anong sinasabi ni Sarah na wala ka raw kinita? Pahingi akong pera at kailangan ko nang umalis. Ayaw akong bigyan ni Sarah dahil wala ka pa raw kinikita!” bulyaw ng misis.

“Marga, huwag ka naman ditong mag-eskandalo. Nakakahiya sa pasyente,” pigil ni Paul.

“Nahihiya ka sa mga pasyenteng iyan, e,mga wala namang pambayad ‘yan! Anong gagamitin kong pera ngayong may lakad kami ng barkada ko? Paul, doktor ka pa naman pero wala kang pera!” dagdag pa ni Marga.

Inabot na lang ni Paul ang kaniyang credit card sa asawa.

“Ito na lang ang gamitin mo, Marga. Mamaya na tayo mag-usap sa bahay,” sambit muli ng doktor.

Padabog na hinablot ni Marga ang credit card ng asawa at saka nagmamadaling umalis.

Humingi naman ng pasensya si Paul sa pasyente dahil sa nakitang pagtatalo nila ng asawa.

Hatinggabi na nang makauwi ang doktor sa kanilang bahay. Bukod kasi sa konsultasyon sa kaniyang klinika ay may tanggap rin itong trabaho sa isang pampublikong ospital.

Nagulat siya nang makita ang lahat ng mga pinamiling mamahaling bag ng kaniyang asawa.

“Huwag mong sabihin sa akin na wala akong karapatang bumili ng mga ito, Paul! Bumili ang mga kaibigan ko at ayaw kong mapahiya!” sambit ni Marga.

“Ayos lang naman sa akin, Marga, kaso napakadami nito at natitiyak kong mahal. Baka mamaya ay wala tayong ibayad sa mga ‘yan,” malumanay na saad ng mister.

“Puro ka na lang ganiyan! Lagi na lang hindi p’wedeng gumastos dahil nagtitipid. Bigyan mo naman ako ng konting kahihiyan at pagtingin, Paul. Mabuti pa ang mga pasyente mo ay nililibre mo samantalang akong asawa mo ay laging nganga!” saad pa ng asawa.

“Nangangailangan ang mga taong iyon, Marga. Hindi nila kayang magbayad ng mahal para lang magpagamot kaya ko sila tinutulungan,” paliwanag muli ng ginoo.

“Bulag ka ba? Pinagsasamantalahan ka na ng mga pasyente mo! Akala ko ba ay matalino ka? Kung may pambayad sila ay tiyak kong hindi sila sa iyo magpapagamot. Tama na ang usapang ito! Bukas na bukas ay isasauli ko ang mga bag na ‘yan! Naturingan ngang doktor ang asawa ko, mahirap din naman ako!” galit na sambit pa ni Marga.

Nasaktan si Paul sa sinabi ng kaniyang asawa, ngunit mas pinili pa rin niyang suyuin ito para tuluyan na silang magkaayos. Simula noon ay naging malamig na ang trato sa kaniya ng misis.

Isang araw ay napag-alaman ni Paul na siya naman ang may malubhang karamdaman.

“C@ncer? Paanong nangyari ‘yun, e, doktor ka, ‘di ba? Paano ka magkakasakit?” sambit ni Marga sa mister.

“Mabuti nga ay doktor ako kaya maaga kong natuklasan ang aking sakit. Pero hinihiling ko lang sa iyo ngayon, Marga, ay konting pang-unawa at malasakit sa akin. Kailangan kong magpagamot at hindi biro ang gamutan sa aking karamdaman. Kailangan nating magtipid,” wika pa ni Paul.

“Bakit kasi hindi ka na lang maningil sa mga pasyente mo? Alam mo, milyonaryo na sana tayo ngayon kung ginagamit mo lang ang utak mo! Nakakalibot sa iba’t ibang bansa at nakakabili ng mamahaling gamit. Pero mas pinili mo ang magkawanggawa! Ngayong may sakit ka ay paano na tayo ngayon? Hindi ko kayang mag-alaga ng maysakit. Lalo pa’t hindi ko kaya ang maghanapbuhay para lang matustusan ang pagpapagamot mo! Humingi ka na lang ng tulong sa mga kamag-anak mo pero sinasabi ko sa iyo, tapos na tayo!”

Labis na ikinasama ng kalooban ni Paul ang lahat ng sinabi ng kaniyang asawa. Imbes kasi na nasa tabi niya ito dahil sa matindi niyang pinagdadaanan ay mas pinili pa nito ang iwan siya.

Tuluyang iniwan ni Marga ang kaawa-awang mister. Mag-isang nakipagbuno sa malubhang karamdaman si Dok Paul. Kahit na mayroon siyang sakit ay patuloy pa rin ang kaniyang panggagamot sa mga taong nangangailangan. Hindi pa rin siya naniningil kahit na kailangang kailangan niya ng pera.

Hanggang sa matuklasan ng isang malapit na pasyente ang kaniyang kalagayan. Agad niya itong ipinamalita at hindi nga nagtagal ay kumalat sa buong lugar ang tungkol sa kinakaharap na karamdaman ng mabuting doktor.

“Sarah, bakit ang daming laman ng kaha natin? Bakit mo sinisingil ang mga tao? Wala na silang pera. Hayaan mo nang ipambili nila ng gamot ang bayad nila sa akin!” galit na sambit ni Paul.

“Dok, bawat isa po sa kanila ay nagpupumilit na magbayad. Saka may isang pasyente po na nag-abot ng isang tseke. Pasasalamat daw po dahil noong walang wala siya ay hindi kayo nag-atubili na tulungan siya,” saad naman ng assistant.

Halos manlambot ang tuhod ni Dok Paul nang makita niya ang napakalaking halaga na nakasulat sa tseke.

“Limang daang libong piso? Hindi ko matatanggap ito! Isauli mo ito sa kaniya!” sambit pa ng doktor.

“Tanggapin n’yo na, Dok Paul, kailangan n’yo pong magpagaling. Marami pong tao ang umaasa sa inyo. Huwag n’yo po kaming biguin,” naiiyak na sagot naman ni Sarah.

Nabigyan si Paul ng matinding pag-asa na lumaban sa kaniyang buhay. Dahil nalaman din ng asosasyon ng mga doktor sa bansa ang kaniyang ginawa ay pinarangalan siya bilang pagiging tapat sa serbisyo. Higit pa roon ay nagtulong-tulong din sila upang maipagamot ang mabuting doktor.

Hindi nga nagtagal ay tuluyang gumaling si Dok Paul mula sa matinding karamdaman. Ang lahat ay nagdiriwang dahil natupad na ang kanilang mga panalangin. Hindi lubos maisip ni Paul na ganoong karami ang nagmamahal sa kaniya.

“Nawala man sa akin ang aking asawa ay narito naman ang sambayanan na nagmamahal sa akin. Pangako ko na magiging mabuti akong doktor at gagawin ko ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya,” wika ni Paul.

Naging sikat ang istorya ni Dok Paul sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ngayon ay kinikilala siyang “doktor ng masa”. Marami ang nagbibigay ng tulong sa kaniya upang manatili siyang manggamot nang libre sa mga mahihirap.

Tunay ngang ang lahat ng kabutihan na iyong itinanim ay iyo ring aanihin. Iniwan man ng asawa itong si Dok Paul ay nakahanap naman siya ng puwang sa larangan na tunay niyang minahal.

Advertisement