Dinala ng Binata ang Amang Nag-Uulyanin sa Isang Nursing Home; Hindi Niya Inaasahan ang Isang Lihim na Mabubunyag
Abalang-abala ang arkitektong si Jayson ngunit hindi siya makatutok sa plano na kaniyang ginagawa dahil panay tunog ng kaniyang selpon. Malamang niya ay ang nag-uulyanin na naman niyang amang si Frank ang tumatawag.
“‘Pa, ano na naman po ba ‘yun? ‘Di ba sinabi ko nang kung may kailangan ka ay itanong mo na lang sa kasambahay nating si Jasmin? Kaya ko nga siya binabayaran, e!” bungad ni Jayson nang sagutin niya ang telepono.
“Sir, ako po ito, si Jasmin. Hindi ko na po matatagalan ang papa n’yo. Uuwi na lang po ako sa amin! Kahit huwag n’yo na po akong pasahurin ngayong buwan. Bigyan n’yo na lang po ako ng pamasahe pauwing probinsya!” nagmamakaawang saad naman ng kasambahay.
“Sandali lang, Jasmin, pag-usapan muna natin ito. Huwag ka munang umalis. Dadagdagan ko ang sahod mo! O kaya hintayin mo man lang na makahanap kami ng kapalit mo,” dagdag pa ng binata.
“Buo na po ang desisyon ko, sir, aalis na po ako. Nakabalot na po ang gamit ko,” wika naman ni Jasmin.
Kailangan tuloy ni Jayson na itigil ang kaniyang ginagawa para lang makauwi kaagad. Inis na inis siya sa kaniyang ama dahil ang dami pa niyang kailangang tapusing trabaho.
Pagdating niya sa bahay ay nakita niya ang kawawang ama na mag-isa. Tuluyan na ngang umalis si Jasmin.
“Pang ilang kasambahay na natin si Jasmin, papa. Ano na naman po ba ang ginawa n’yo sa pagkakataong ito?” tanong ni Jayson sa ama.
“Jayson, ang gusto ko lang naman ay huwag mo na akong ipagkatiwala sa iba. Kaya ko naman ang sarili ko. Saka hindi rin naman kumikilos sa bahay si Jasmin. Ikaw na lang ang magbantay sa akin,” pakiusap naman ni Frank.
“‘Pa, hindi nga ho p’wede! Marami akong trabaho sa opisina. Kung narito lang ako sa bahay ay paano tayo magkakaroon ng pera? Hindi ko maibibigay ang lahat ng pangangailangan n’yo kung hindi ako naghahanapbuhay!” giit ng anak.
Ang tanging nais ko lang naman ay narito ka na kasama ko. Nararamdaman ko, Jayson, na hindi na magtatagal pa ang buhay ko. Baka naman p’wedeng makahingi ako sa iyo ng kahit kaunting oras lang,” muling tugon ng ama.
“Ayan na naman kayo sa mga drama n’yo, ‘pa! Tigilan n’yo na nga ‘yan! Kailangan kong magtrabaho at tapos na ang usapang ito. Ilang araw muna kayong walang kasama dito sa bahay. Hinihiling kong sana ay magpakabait naman kayo!” dagdag pa ni Jayson.
Sumasakit na ang ulo ni Jayson kakaisip kung paano maaalagaan ang matandang ama. Wala rin naman silang malapit na kamag-anak na p’wedeng tumingin sa ama.
Kaya naisipan na lang niyang maghanap ng isang nursing home.
“Iisipin ko na lang na mas maaalagaan siya doon at mas maibibigay pa ang kaniyang mga pangangailangan. Isa pa, makakapagtrabaho na ako nang matiwasay. Hindi naman ako magmumukhang masamang anak dahil maayos at mahal ang pasilidad na ito,” wika ni Jayson sa kaniyang sarili.
Lumipas ang dalawang araw at unti-unti nang inililigpit ni Jayson ang gamit ng kaniyang ama.
“Saan ba tayo pupunta, Jayson? Magbabakasyon ba tayo?” tanong ng ama.
Hindi na sumagot si Jayson dahil hindi niya alam kung paano ipapaliwanag sa kaniyang ama ang lahat.
Isinakay niya sa sasakyan ang ama at bakas sa mukha ng matanda ang labis na kaligayahan. Ang buong akala kasi nito ay magbabakasyon nga sila ng kaniyang anak.
Ngunit unti-unting nawala ang mga ngiti na ito sa mukha ng matanda nang mabasa niya ang pangalan ng pasilidad na kanilang pinuntahan.
“Ang akala ko ba ay magbabakasyon tayo, anak? Bakit tayo narito?” tanong ni Frank.
“‘Pa, pasensya na po kayo pero kailangan ko po itong gawin. Kailangan ko lang magkaroon ng sapat na panahon para ayusin ang mga proyekto ko. Pupuntahan ko naman kayo rito kapag may oras ako. Pangako ko po iyan,” paliwanag ni Jayson.
Hinawakan na lang ni Frank ang kamay ng anak at saka dahan-dahan na bumaba sa sasakyan.
“Nauunawaan kita, anak. Tayo na,” saad pa ng matanda.
Habang naglalakad papasok ng naturang pasilidad ay hindi maiwasan ni Jayson na tingnan ng ama. Naaawa siya ngunit kailangan niyang tatagan ang ang kaniyang loob. Mas aasenso sila sa buhay at mas maibibigay niya ang pangangailangan ng ama kung walang abala sa kaniyang trabaho.
Magiliw silang tinanggap ng pamunuan ng pasilidad.
Dahil nga naitawag na ni Jayson ang kondisyon ng kanilang ama ay mabilis na ang naging usapan.
“Siya nga po pala, sir, anong klaseng kwarto ang kukunin n’yo para sa inyong ama?” tanong ng ginoo na si Lucio.
“Ibigay n’yo sa papa ko ang pinamalaki. ‘Yung may veranda para naman may mapaglibangan siya,” saad ni Jayson.
“Hindi na kailangan ang malaki, anak. Ako lang naman mag-isa,” saad naman ni Frank.
“‘Yung pinakamalaki na, papa. Kaya ko naman pong bayaran ‘yun,” wika pa ng binata.
“May air conditioner po ba o wala?” tanong muli ng ginoo.
“‘Yung may air conditioner para kapag mainit ang panahon.”
“Anak, hindi ko na kailangan pa ng air conditioner. Hindi sanay ang katawan ko sa lamig,” tutol muli ng ama.
Ngunit nagpumilit si Jayson.
“Kailangan n’yo ‘yun dahil mainit ang klima dito, papa. Huwag na kayong tumutol dahil kaya ko naman itong bayaran,” sambit muli ni Jayson.
Wala nang nagawa pa si Frank. Nang matapos na ang pagpirma sa mga kontrata ay agad nang nagpaalam si Jayson upang umalis.
“Dadalawin mo ako rito, anak, ha. Hihintayin kita,” saad ng ama.
“Opo, ‘pa. Hahanap ako ng oras nang sa gayon ay mas madalas ko kayong madalaw,” tugon naman ni Jayson.
“Tara na po, Sir Frank. Marami tayong pag-uusapan. Ipapakita ko rin sa inyo ang kwarto n’yo,” saad ng ginoo.
Pinanood na lang si Jayson ang paglayo ng kaniyang ama.
Kinabukasan ay napakasarap ng pakiramdam ng binata dahil walang tawag nang tawag at nangungulit sa kaniya. Nakapokus lang siya sa kaniyang gagawin. Simula nang ilagay niya sa pasilidad ang kaniyang ama ay nakaramdam siya ng kaginhawaan sa buhay.
Lumipas ang isang linggo at nagbigay ng mensahe sa kaniya ang pamunuan ng nursing home. Sinasabi nitong hinihintay raw siya ng kaniyang ama. Ngunit sinagot lang ni Jayson na abala pa siya.
Panay ang text at tawag ng pamunuan ng pasilidad kaya nainis na naman itong si Jayson.
“Ano pa ang silbi ng paglalagay ko sa nursing home ng papa ko kung tatawagan n’yo lang rin ako nang tatawagan?” sambit ni Jayson.
“Sir, nais lang po naming ibalita sa inyo na wala na po ang papa n’yo. Yumao po siya habang siya ay tulog. Hindi na po siya gumising pa,” sambit ng ginoo.
Nagulantang si Jayson sa balita kaya dali-dali siyang pumunta sa nursing home upang tingnan ang nangyari. Doon nga ay naabutan niya ang ama na wala nang buhay. Hinawakan na lang niya ang malamig na kamay nito habang patuloy ang pag-agos ng kaniyang luha.
Ang daming tumatakbo sa kaniyang isip. Bumalik sa kaniyang isip ang sinabi nitong nararamdaman na nitong hindi na magtatagal ang kaniyang buhay.
Ngunit kailangan na niyang tanggapin dahil matanda na rin naman ang kaniyang ama.
“Ikinalulungkot ko ang nangyari sa inyo. Sinisigurado naman namin na ginawa namin ang lahat. Alagang-alaga siya rito. Kahapon nga lang ay nagkukwentuhan pa kami,” saad ni Lucio kay Jayson.
“Siya po pala, ginoo, napansin ko po kasi noong unang araw na ihatid ko dito ang ama ko ay parang kilala n’yo siya. Sa paraan ng inyong pag-uusap ay parang matagal na kayong magkakilala,” puna pa ng binata.
“Sa katunayan ay kilala ko nga si Ginoong Frank. Napakabuti niyang tao. Tatlumpu’t limang taon na kasi ang nakakaraan, noong hindi pa nursing home ang lugar na ito. Klerk pa lang ako noon dito. Pabalik-balik si Ginoong Frank dito at talagang mahal siya ng mga bata. Dati kasi itong bahay-ampunan. Noon din ay nag-ampon siya ng isang bata. Ang sabi pa nga siya sa akin ay sisiguraduhin niyang ang batang iyon ay hindi makakaramdam na wala siyang magulang. Bibigyan niya ito ng magandang buhay hanggang sa makakaya niya,” pahayag pa ng ginoo.
Napagtanto ni Jayson ang sinabi ng ginoo. Siya nga ang batang inalis ng kaniyang ama sa bahay-ampunan upang gawing sariling anak.
Natigilan si Jayson nang mga sandaling iyon. Muli niyang binalikan ang wala nang buhay na kaniyang ama at saka niya ito niyakap.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin, ‘pa? Hindi ko naramdaman na kahit isang saglit ay hindi ikaw ang tunay kong ama! Patawarin mo ako! Patawarin mo ako, ‘pa!” pagtangis ng binata.
Labis ang pagsisisi sa puso ni Jayson. Ngayong wala na ang kaniyang ama ay hindi na niya maibabalik pa ang mga sandaling dapat ay magkasama sila.