Inday TrendingInday Trending
Hindi Nakaligtas sa Bingit ng Kapahamakan ang Ina ng Batang Pinaanak ng Doktor sa Eroplano; Hindi Niya Inaasahang Swerte pala ang sa Kaniya’y Dala Nito

Hindi Nakaligtas sa Bingit ng Kapahamakan ang Ina ng Batang Pinaanak ng Doktor sa Eroplano; Hindi Niya Inaasahang Swerte pala ang sa Kaniya’y Dala Nito

Nagpa-panic na ang mga tao sa loob matapos biglang maghilab ang tiyan ng buntis na isa sa mga pasahero sa eroplanong iyon na siyang sinasakyan din ni Dr. Arellano. Dahil doon ay mabilis namang tumayo ang doktor upang sumaklolo.

“Doktor ako, tutulungan kita!” mabilis na aniya sa babaeng tila ba hirap na hirap na sa kaniyang iniinda. Ganoon pa man ay tumango ito at ginawa ang lahat upang mailabas niya nang maayos ang kaniyang anak hanggang sa bigla na lamang itong malagutan ng hininga.

“Maraming salamat po, doktor, sa pagtulong na mailuwal ko ang anak ko nang maayos…” hirap man ay sambit ng naturang babae bilang pasasalamat, ngunit ipinagtaka ng doktor ang susunod na sinabi nito. “K-kayo na po sana ang bahala sa anak ko, doktor. Kayo na po sana ang bahalang magsabi sa kaniya na siya ay mahal na mahal ko at hindi ako nagkamaling ilabang mailabas siya sa mundong ito. Maraming salamat po sa inyong tulong.”

Hindi nito kinaya ang hirap ng panganganak, kaya naman ganoon na lang ang panlulumo ng mga tao at ganoon na rin ni Dr. Arevallo.

Naging laman ng napakaraming balita ang kabayanihang ginawa ni Dr. Arevallo, dahilan upang pagtuunan ng pansin ng mga awtoridad ang paghahanap sa pamilya ng nasabing mag-ina. Iyon nga lang, kalaunan ay lumabas sa imbestigasyon na nag-iisa na pala sa buhay ang ina ng sanggol dahil sa pagkawala ng asawa nito sa isang sakit. Dahil doon ay nalaman nilang isang ulilang lubos na pala ang naturang sanggol na binabalak nilang ipaampon na lamang sa mga naghahanap ng aampunin.

“Paano po kaya, Dr. Arevallo, kung kayo na lang ang umampon sa bata, ’tutal ay sa inyo naman siya ibinilin ng kaniyang ina,” minsan ay suhestiyon ng isa sa mga reporter na nag-interview sa kaniya tungkol sa nangyari.

“Hindi ko pa alam, pero pag-iisipan ko itong mabuti,” sagot naman ni Dr. Arevallo rito.

Ang totoo, noong una ay wala naman siyang balak na sundin ang sinasabi ng mga tao na siya na lang ang umampon sa bata, ngunit nakaramdam ng matinding awa si Dr. Arevallo sa sitwasyong iyon ng nasabing sanggol. Bukod doon ay tila naalala niya rin ang kaniyang sarili noon sa katauhan nito lalo pa at hindi sila nagkakalayo ng kuwento ng buhay. Sa pagkakataong iyon ay napagpasiyahan ni Dr. Arevallo na siya na lamang ang aampon sa naturang bata. Tutal ay wala naman siyang pamilya, dahil hindi niya na naisipang mag-asawa pa matapos mawala ng nag-iisang babaeng pinakamamahal niya sa mundo noon, dahil din sa panganganak. Ang kaibahan nga lang ay hindi rin nakaligtas ang sanggol na ipinagbubuntis nito.

Masiyado siyang nasaktan sa pangyayaring iyon ng kaniyang buhay kaya naman simula noon ay pinili na niyang ikulong ang kaniyang sarili sa nakaraan bilang pag-alala sa kaniyang mahal na asawa’t anak na hindi man lang niya nasilayan noon.

Pinangalanan niyang Joaquin ang batang lalaki. Pagkatapos ay ipinagamit niya rito ang kaniyang apelyido at binigyan ito ng magandang pangangalaga, sa tulong ng kasambahay na itinalaga niya para dito. Ngunit ang hindi inaasahan ni Dr. Arevallo ay ang biglang pagbabago ng kaniyang buhay dahil sa pagdating nito. Paano kasi, kung noon ay halos tumira na siya sa ospital upang abalahin ang sarili sa pagtupad ng tungkulin niya bilang doktor, ngayon ay madalas na siyang nasasabik na umuwi dahil alam niyang mayroong batang naghihintay sa kaniyang pagdating. Isang batang sa wakas ay matatawag niyang pamilya at nagbibigay kasiyahan sa kaniyang nalulungkot na buhay.

Lumaki sa kaniyang poder si Joaquin na kalaunan ay pinili ring sundanang kaniyang yapak. Sa kabila ng pagiging murang edad nito ay alam na nitong gusto nitong maging doktor katulad ng kaniyang kinagisnang ama…

“Daddy, paglaki ko po ay gusto kong maging doktor katulad n’yo na magliligtas ng napakaraming buhay ng mga nangangailangan. Isa ka po kasing hero, ang sabi ng teacher ko. Gusto kong maging katulad mo, daddy, kahit hindi mo ako kadugo. Ikaw ang tunay na hero ng buhay ko,” makabagbag-damdaming ani Joaquin sa ama na ngayon ay halos mapunit na ang labi sa pagkakangiti.

“Nagkakamali ka, anak… dahil ikaw ang hero ko. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa aking buhay dahil simula nang dumating ka ay naging suwerte ako. Mahal na mahal kita, anak,” sagot naman ni Dr. Arevallo sa bata na niyakap naman siya nang mahigpit.

Advertisement