Matabang daw ang Pagkaing Inihain ng Kusinero sa Bisita ng Kaniyang Amo; Ngunit Tila Mas Natuwa pa ito sa Kaniya
“Mukhang masarap ito, a!” bulalas ni Mr. Sy, ang bisita ng kaniyang amo matapos ihain ng kusinerong si Jay ang mga pagkaing inihanda niya para dito.
“Talagang masarap ’yan. Matagal na sa amin itong si Jay at hindi pa siya pumalya sa pagluluto ng masarap na putahe sa aming pamilya. Kaya naman gusto kong subukan mo ito, pare,” pagyayabang naman ng kaniyang among si Mr. Avelino sa kumpare nitong balita niya’y malapit na rin nitong maging kasosyo sa negosyo.
Ngunit dahil sa pagyayabang na iyon ng kaniyang amo ay napalunok si Jay. Alam niyang sa pagkakataong ito ay hindi niya sigurado kung magugustuhan pa ba ng mga ito ang kaniyang inihain. Sa unang subo pa lang ni Mr. Sy sa pagkaing inihain ni Jay sa kanilang harapan ay hindi maikakailang napangiwi ito at hindi nito nagustuhan ang natikman. Dahil doon ay kinakabahang napayuko si Jay.
“S-sandali… bakit ang tatabang ng mga pagkaing ito, Jay?” kunot ang noong tanong ng kanyang amo matapos nitong tikman ang mga putaheng inihain niya para sa bisita nito. “Gusto mo ba akong ipahiya sa kumpadre ko?!” may galit na sa tonong tanong pa nito.
“H-hindi po sa gan’on, sir! A-ang totoo po n’yan ay narinig ko kasi ang pag-uusap n’yo ni Mr. Sy sa telepono kahapon… nalaman ko pong mayroon siyang sakit sa bato kaya hindi siya maaaring kumain ng mamantika at maaalat na pagkain,” kinakabahan man ay katuwiran pa rin ni Jay sa mga ito.
“Ano kamo?! Hindi ka lang basta nakinig sa usapan namin ng kumpadre ko kundi nagdesisyon ka rin nang walang utos mula sa akin?!” naiinis pang tanong sa kaniya ni Mr. Avelino bago ito napailing sa inis.
Bumaling pa si Mr. Avelino sa kumpadre niyang si Mr. Sy at humingi ng tawad. “Pasensiya ka na, kumpadre. Hindi ko alam kung ano ang naisip ng kusinero kong ’yan at ginawa niya ang bagay na ito. Kahit ako ay dismayado—”
“Sa totoo lang, pare, ay natutuwa ako sa kusinero mo,” ngunit putol ni Mr. Sy sa kaniyang amo.
“Ano kamo? Bakit naman?” takang tanong naman nito na napapakamot pa sa ulo.
“Kung tutuusin ay maaari naman niyang ihain ang mga pagkaing gusto kong malasahan para sa kaniyang papuri, ngunit kahanga-hangang mas pinili niya pang ihain ang kung ano’ng makabubuti sa akin, kahit pa kapalit n’on ay ang pagkapahiya niya bilang isang magaling na kusinero. Napakamaalalahanin niya, kumpadre,” tila naaantig ang damdaming sagot naman ni Mr. Sy sa kaniyang amo na ikinabigla ang naging pagtingin nito sa sitwasyon.
“Kung sa bagay ay tama ka…” Napaisip din si Mr. Avelino. “Sa totoo lang ay ngayon ko lang napagtantong isa ang mga pagkaing inihahain ni Jay sa dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nananatili akong malakas at malusog kahit pa sa totoo lang ay tumatanda na talaga ako,” dugtong pa nito bago muling bumaling sa kaniyang kusinero.
“Paano mo naisipang gawin ito, Jay? Hindi ko napansin ’yon sa tagal ng panahong naninilbihan ka sa amin bilang kusinero,” ngayon ay mas kalmado nang sabi nito. Wala na ang kanina ay galit sa tono ng kaniyang boses. Napalitan na iyon ng malumanay na pagsasalita.
“Noong nag-aaral pa lang po akong magluto ay may sinabi sa akin ang ama ko na siyang nagsisilbing guro ko sa ginagawa kong ito. Ang sabi niya, ang trabaho raw po ng isang kusinero ay hindi lang basta maghain ng pagkain, kundi panatilihing masustansya, malinis at masarap ang kinakain ng aming mga pinaghahainan,” sagot naman ni Jay na ikinangiti ng kaniyang amo at ng kumpadre nito.
“Wala na tayong magagawa, pare. Kung ang naghahain nga ng ating pagkain ay iniingatan ang kalusugan natin, tayo pa kayang siyang may-ari ng katawang ito? Sino tayo para tanggihan ang grasyang inihain sa harap natin ng isang magaling na kusinero?” nakangiti pang sabi ni Mr. Sy kay Mr. Avelino.
Maya-maya pa ay nilantakan na ng mga ito ang pagkaing inihain niya na kataka-takang habang tumatagal ay sumasarap pala lalo na at nasasanay sila sa lasa nito! Talagang kahanga-hanga ang nasabing kusinero, at dahil doon ay napagpasiyahan ng dalawang negosyante na bigyan ito ng pagkakataong magtayo ng sarili niyang kainan. Tutal ay magkasosyo na sila sa negosyo ngayon ay naging madali lang para sa kanila ang magpatayo ng isang restawran na ipinaubaya nila sa pamamalakad ni Jay, kalaunan.