Inday TrendingInday Trending
Inireklamo ng Mayamang Negosyante ang Serbisyo ng Barista sa Kapihang Iyon Kahit Wala naman Itong Ginagawang Mali; May Dahilan pala Siya kung Bakit

Inireklamo ng Mayamang Negosyante ang Serbisyo ng Barista sa Kapihang Iyon Kahit Wala naman Itong Ginagawang Mali; May Dahilan pala Siya kung Bakit

“Nasaan ang manager n’yo, gusto kong makausap?!”

Nagulat ang lahat sa naging pagsigaw na iyon ng isa sa mga kostumer sa naturang kapihan na siyang pinagtatrabahuhan ni Joana bilang isang barista. Malakas ang pagkakasabi nito roon kaya naman mabilis na nakuha n’on ang atensyon ng lahat. Dahil doon ay agad na kumalabog ang dibdib ni Joana. Kani-kanina lang ay napagalitan na siya ng kaniyang boss, ngayon ay mukhang mauulit na naman ’yon!

Dali-daling dinaluhan ni Joana ang naturang kostumer, na kung titingnan pa lang ay halatang mayaman na. Nakasuot kasi ito ng isang magarang damit pang-opisina na nakadaragdag pang lalo sa nakakatakot nitong awra.

“Ma’am, p’wede pong malaman kung ano’ng problema?” magalang na tanong ni Joana sa nasabing kostumer kahit pa kulang na lang ay mailuwa niya ang puso niya sa sobrang kaba, ngunit hindi siya nito sinagot. Nanatili itong nakatingin sa ibang direksyon hanggang sa dumating na ang kanilang manager.

“Ma’am, ako po ang manager sa coffee shop na ito. May problema po ba?” tanong nito sa naturang kostumer.

“Mali ang pagkakatimpla nitong kape ko!” reklamo ng naturang kostumer. Napabuntong-hininga naman ang kanilang manager at pasimpleng tinapunan ng masamang tingin si Joana.

Samantala, napakunot naman ang noo ni Joana sa narinig. “Pero, ma’am, sinunod ko po ang lahat ng bilin n’yo,” katuwiran niya ngunit agad siyang sinaway ng kanilang manager.

“Tumahimik ka na lang. Palalalain mo lang ang sitwasyon! Hindi mo ba kilala kung sino ang nasa harapan mo ngayon? Isa siyang business tycoon, Joana! Isang salita lang mula sa kaniya ay maaaring bumagsak ang negosyong ito!” galit namang bulong ng kaniyang manager kay Joana na nagpayuko naman sa kaniya.

“Pasensiya na po, sir,” tanging naisagot niya.

Muling bumaling ang kanilang manager sa nasabing kostumer nila. “So, Mrs. Chan, ano po ba ang p’wede naming gawin para makabawi sa kapalpakan ng barista namin? Pasensiya na po kayo, baguhan pa lang kasi siya.”

“I want her fired. Gusto kong tanggalin n’yo na siya sa trabahong ’to, ngayon na!” sagot naman ng nasabing kostumer at halos ikapanlumo ni Joana ang naging sagot doon ng kanilang manager.

“Wala pong problema!” anito sabay baling sa kaniya.

“Narinig mo ba, Joana? Ito na ang huling araw mo. Hintayin mo na lang ang huling sweldo mo mamaya,” sabi pa sa kaniya ng kaniyang manager.

“Pero kailangang-kailangan ko po ngayon ng trabaho—” Akma pa sana siyang magpoprotesta ngunit tinalikuranna siya ng kaniyang manager.

Halos manlambot si Joana pagkatapos n’on. Matapos iabot sa kaniya ng kaniyang manager ang kaniyang huling sahod ay agad na siyang naglakad palayo sa kapihang iyon. Ngunit sa pagtataka ni Joana ay isang pamilyar na sasakyan ang huminto sa kanyang harapan… si Mrs. Chan!

“M-may kailangan po ba kayo?” takang tanong ni Joana na bahagyang may inis sa kaniyang boses.

Natawa naman ang kaharap bago ito bumaba sa kaniyang sasakyan. “Alam kong galit ka dahil sa ginawa ko sa ’yo kanina sa coffee shop, pero sana, hayaan mo akong magpaliwanag,” sagot naman nito nang nakangiti sa kaniya. Hindi sumagot si Joana ngunit hinintay niya ang susunod na sasabihin nito.

“Ginawa ko ’yon para makawala ka na sa malupit mong boss. Narinig ko kanina ang pag-uusap n’yo habang pinagagalitan ka niya dahil nag-a-advance ka para sa pang-maintenance ng mama mong may sakit, pero ayaw niyang ibigay ’yon sa ’yo. Naisip ko na kapag naman nag-resign ka ay maaari niyang i-hold ang sahod mo kaya ’yon na lang ang ginawa kong strategy para tulungan ka…” paliwanag naman nito na ikinagulat ni Joana. “Alam kong kailangang-kailangan mo ng trabaho kaya naman dahil gustong-gusto ko ang kapeng itinimpla mo para sa akin kanina ay gusto kitang i-hire bilang personal assistant ko. Kapag tinanggap mo ang trabahong ito ay bibigyan kita ng initial bonus na ten thousand pesos,” dugtong pa nito na halos ikalaglag ng kaniyang panga!

Hindi makapaniwala si Joana at ilang sandali pa ang lumipas na nakatitig lang siya kay Mrs. Chan! “Grabe! Maraming salamat po, Mrs. Chan!” mangiyak-ngiyak niyang bulalas nang maya-maya ay makabawi siya sa pagkabigla.

“Natutuwa ako sa ’yo, Joana, dahil nakikita ko sa ’yo ang sarili ko noong nag-uumpisa pa lang ako at dahil doon ay gusto kitang tulungan,” sagot naman nito sa kaniya at walang ibang naisagot si Joana kundi ang matinding pasasalamat. Hindi niya akalaing ang kanina’y taong nagpatanggal sa kaniya sa trabaho ay ang siyang magbibigay din sa kaniya ng mas magandang oportunidad para makatulong sa kaniyang pamilya! Salamat sa Diyos at nakilala niya ang taong ito!

Advertisement