Inday TrendingInday Trending
Ininsulto ng Babaeng Ito ang Kaibigan Niyang Mahilig Mag-Selfie; Hindi Niya Akalaing May Malalim Palang Dahilan Iyon

Ininsulto ng Babaeng Ito ang Kaibigan Niyang Mahilig Mag-Selfie; Hindi Niya Akalaing May Malalim Palang Dahilan Iyon

Napangiwi si Malou habang nakatingin sa kaibigan niyang si Yna. Paano kasi ay nagse-selfie na naman ito at naiinis na siya dahil doon.

“Tingnan mo ’yang si Yna. Kanina pa picture nang picture ’yan, hindi na nagsawa sa pagmumukha niya!” naiinis na bulong pa niya sa isa pang kaibigan nilang si Sandra.

“Hayaan mo na. ’Yan naman kasi talaga ang kasiyahan ni Yna, hindi ba? Minsan na lang ngang lumabas ng bahay ’yan, e. Kaya siguro selfie nang selfie,” natatawang sagot naman sa kaniya nito na ikinaikot lang ng mga mata ni Malou.

Ang totoo ay hindi lang naman iyon ang ikinaiinis niya. Paano kasi ay hindi niya magawang mag-selfie nang mag-selfie katulad ni Yna, dahil hindi naman siya photogenic. Hindi katulad nito na talagang makaagaw pansin, kapag inilagay nito sa social media accounts nito ang kaniyang mga litrato. Maganda kasing talaga si Yna, at iyon ang pinakapinanggagalingan ng inis ni Malou. Iyon nga lang, kahit sa sarili niya ay ayaw niya iyong aminin.

“Nakakainis na kaya ’yan. Hindi niya ba alam na hindi nakakatuwang makita palagi ang pagmumukha niya sa news feed ko? Wala na siyang ginawa kundi mag-post nang mag-post. Hindi na siya nagsawa!” dagdag pa niya na ikinangiwi naman ni Sandra.

“Alam mo, Malou, kung ayaw mong makita ang mga selfies ni Yna, i-unfollow mo na lang siya. Wala ka nang pakialam sa gusto niyang gawin, ’no!” inis pang sagot naman sa kaniya ni Sandra na nagpangiwi pang lalo kay Malou.

“Bakit ba kamping-kami ka d’yan sa Ynang ’yan? Totoo naman nakakainis na siya kasi gandang-ganda siya sa sarili niya!” bulyaw naman niya kay Sandra. Sinadya niyang lakasan ’yon upang marinig ni Yna. Hindi naman siya nabigo dahil agad itong napalingon sa kanila.

“Ako ba ang pinag-aawayan n’yong dalawa?” naitanong ni Yna.

“Halata ba?” sagot naman ni Malou.

“Huwag mong intindihin ’yang inggiterang ’yan, Yna. Halata namang naiinggit lang siya kasi napakaganda mo sa mga litrato mo, Yna,” singit naman ni Sandra.

“Huwag mo na ngang lokohin ’yang kaibigan nating ’yan, Sandra. Bakit kasi hindi mo na lang aminin sa kaniya na hindi naman siya talaga maganda? Nakakainis at nakakasawa na ngang makita ang mga litrato niya, ’no! Kaya p’wede ba, Yna, itigil mo na,” tatawa-tawa pang sabi ni Malou kay Yna na agad namang napayuko sa narinig na sinabi niya.

“Sa totoo lang, naisip ko na rin ’yan, Malou…pero may dahilan kasi ako kung bakit ko ginagawa ito,” sagot naman nito na ikinataas ng kilay ni Malou. Ganoon pa man ay hindi na lang siya sumagot at hinintay na magpatuloy si Yna sa sinasabi.

“Tatlong taon na buhat nang maaksidente ang papa ko. Tatlong taon na rin siyang natutulog at binubuhay na lang ng makina. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin akong gigising siya at kapag nangyari ’yon ay ipakikita ko sa kaniya ang lahat ng litrato ko sa nagdaang tatlong taon para kahit papaano ay hindi niya maramdaman ang mga oras na nasayang sa amin. Ako kasi ang nag-iisang anak niya, hindi ba?” maluha-luha pang sabi ni Yna habang pilit na ngumingiti upang itago ang nararamdaman niyang hapdi. “Kaya pasensiya ka na kung panay ang kuha ko ng litrato, Malou.”

Matapos sabihin iyon ni Yna ay biglang nagbago ang ekspresyon ni Malou. Bigla siyang nakaramdam ng matinding hiya sa kaniyang sarili lalo na nang humalukipkip sa kaniyang harapan ang galit na si Sandra.

“Kaibigan ang tawag mo sa sarili mo, Malou? Alam mo, kung may nakakainis man sa pagitan n’yo ni Yna, hindi siya ’yon kundi ikaw. Alam mo kung bakit? Dahil alam kong ang pinanggagalingan lang naman ng inis mo ay ang sobrang inggit mo kay Yna!” sabi pa nito at doon ay hindi na nakatanggi pa si Malou.

Napayuko siya at napahiya. Tama ang sinabi ni Sandra at nahihiya siya ngayong alam na niya ang tunay na kwento sa likod ng napakaraming litrato ni Yna.

“Pasensiya na kayo sa akin, lalo ka na, Yna. Inaamin kong totoo ang sinabi ni Sandra kaya ko nasabi ang mga bagay na ’yon kanina. Patawarin mo ako kung nagpakain ako sa inggit ko sa ’yo,” sinserong paghingi pa niya ng tawad sa mga kaibigan na agad namang tinanggap ng mga ito.

Dahil sa nangyaring iyon ay napagtanto ni Malou na mali pala ang manghusga ng tao dahil lang hindi natin gusto ang ginagawa nila, sapagkat minsan, may mga bagay na ginagawa ang ibang tao, na may malalim na dahilan.

Advertisement