Inday TrendingInday Trending
Minaliit ng Babae ang Dalagitang Mahirap na Bumibili ng Mamahaling Bag; Natameme Siya sa Kwento Nito

Minaliit ng Babae ang Dalagitang Mahirap na Bumibili ng Mamahaling Bag; Natameme Siya sa Kwento Nito

Lihim na napangiti si Mara nang apat na empleyado ang sumalubong sa pagpasok niya sa mall.

Suki kasi siya roon at kung mamili siya ay libo-libo, kaya naman dapat lang na makakuha siya ng special treatment!

Kasama niya ang labinlimang taong gulang na anak na si Sabrina.

“Mommy, may bagong labas na bag ‘yung paborito nating brand. Ibibili mo ako, ‘di ba?” agad na ungot nito nang makapasok sila.

“Oo, anak. Kunin mo lahat ng gusto mo,” nakangiting sagot sa dalagita.

Agad itong lumapit at dumampot ng kung ano-ano.

Napapailing na nilapitan niya ang anak.

“Ako, baka gusto mo akong bilhan ng bag?” biro niya na may halong katotohanan. Malapit na kasi ang kaarawan niya.

Napasimangot siya nang matawa si Sabrina.

“Mommy naman! Bakit ka sa akin magpapabili, eh wala akong pera?” anito.

Taas kilay na pinukol niya ng tingin ang anak.

“Anong walang pera? Ang laki-laki ng allowance mo!” giit niya.

Ito naman ang napasimangot.

“Anong malaki, Mommy? Ang liit-liit nga lang na binibigay niyong pera, hindi ko tuloy mabili ang mga gusto ko,” himutok nito.

Hindi makapaniwalang nilingon niya ang anak.

“Ano pa bang bibilhin mo? E lahat ng pinapabili mo, binibili naman namin ng Daddy mo?” kastigo niya sa anak.

Umirap ito bago padabog na ibinagsak ang hawak na bag. Kilala niya ang anak. Mukhang nawala na ito sa mood.

“Basta! Lagi na lang kayo ganyan! Hindi niyo ako binibigyan ng pera!” bulalas nito bago nagma-martsang umalis.

Dismayadong-dismayado si Mara sa inasal ng nag-iisang anak. Masyado niya yata itong na-spoil kaya naman grabe ito kung umasta.

Wala sa loob na ipinagpatuloy niya na lang ang pagsa-shopping. Kinuha niya na rin ang bag na hawak ng anak kanina para naman mawala ang tampo nito.

Maya-maya ay isang bag ang umagaw sa atensyon niya. Kulay itim iyon, at nag-iisa na lamang.

Naglalakad na sana siya palapit sa bag nang isang dalagita ang lumapit doon at kinuha iyon. Mukhang galing ito sa eskwelahan dahil nakasuot pa ito ng uniporme. Sa palagay niya ay kaedaran lamang ito ng anak niya.

Tumaas ang kilay niya at sinita niya ang babae.

“Hija, bakit mo kinuha ang bag? Kukunin ko ‘yan, bibilhin ko,” mataray na sita niya.

“Ay, bibilhin ko po kasi. Nauna naman po ako…” kiming katwiran nito.

Pagak siyang natawa bago sinipat ang itsura ng dalagita. Patpatin ito at halos naninilaw na ang uniporme nito sa kalumaan. Maging ang sapota nito ay pudpod na at tila anumang oras ay bubuka na.

“Bibilhin mo? Nakita mo na ba ang presyo? Anim na libo ‘yan, hija, ‘wag kang magpatawa!”

Tila napahiya naman ito. Sasagot na sana ang dalagita nang dumating ang isa sa mga saleslady.

“May problema po ba rito?” marahan nitong sabat, tila nakatunog na nagtatalo sila ng dalagita.

“Inunahan kasi ako nung bata sa bag. Nag-iisa na lang ‘yun. Mukhang wala naman siyang pambili,” kwento niya sa saleslady.

Napangiwi naman ito. Tila hindi inaasahan ang katwiran niya.

“Madam, kung siya po ang nauna, wala po tayong magagawa. Kung gusto niyo po, kapag may supply na ulit kami ng kaparehong bag, tatawagan po namin kayo…” magalang na suhestiyon nito.

“Hindi na!” matigas na tugon niya sa saleslady. “Titingnan ko na lang kung may pambayad nga ang batang ‘yan!” aniya bago sinundan ito sa pagbabayad sa kalapit na kahera.

Naghahalukipkip siyang nanatili sa tabi ng dalagita habang nakataas ang kilay.

Nang ito na ang magbabayad, nagulat siya nang ilabas nito ang isang bungkos ng pera na naka-plastik—mayroong tigbebente, singkwenta at isang daan.

Tahimik itong nagbilang ng ibabayad sa kahera.

“Ang dami mo namang pera, hija,” natutuwang puna ng kahera.

Ngumiti ang dalagita.

“Pinag-ipunan ko pa po ‘yan. Nag-tutor po ako ng mga kaklase ko. Isang taon ko rin pong pinaghirapan ‘yan,” nagmamalaking kwento nito.

“Wow! Ang galing mo naman. Hayan, may bago ka nang bag!” naaaliw na komento ng kahera.

Umiling ang dalagita.

“Naku! Hindi po ito sa akin. Para po ito sa nanay ko. Araw-araw po kasi siyang napasok sa pabrika, pero butas ang bag niya. Surprise ko po ito sa kaniya dahil birthday niya,” kwento ng dalagita.

Si Mara na kanina pa nakikinig ng usapan ay tila natulos sa kaniyang kinatatayuan.

Maging ang kahera ay tila naantig sa istorya ng dalagita.

“Naku, napakabait mo namang bata ka. Ang swerte-swerte ng nanay mo!”

Matamis na ngumiti ang dalagita.

“Hindi po ba’t dapat lang tayo maging mabait sa mga nanay natin? Utang po natin ang buhay natin sa kanila,” sabi ng dalagita.

Bago umalis ang dalagita ay bumaling pa ito sa kaniya.

“Sorry po talaga. Sana po makahanap po kayo ng bag na katulad ng binili ko para sa nanay ko…” anito bago tuluyang naglakad palayo.

Malungkot na naiwan si Mara habang tinatanaw ang papalayong dalagita. Nagsisisi siya sa pangmamaliit dito.

Napagtanto niya na hindi sa lahat ng pagkakataon ay mas mapalad ang may pera. Alam niya kasi na gaano man karami ang pera niya, hinding-hindi siya magkakaroon ng bag na kagaya ng binili ng dalaga para sa ina nito.

Ang isang bag na mahal, hindi dahil sa presyo nito, kundi dahil naglalaman ito ng purong pasasalamat at pagmamahal.

Advertisement