Kahit Binigyan na ng Babala ay Naging Matigas Pa Rin ang Ulo ng Binata; May Magiging Kapalit Pala ang Pagsuway Niya
“Kuya, kaninong kotse ‘yung nasa garahe? Ang ganda!” bulalas ni Raymart nang makauwi sa kanilang bahay.
Ang sasakyan na nakaparada sa tapat ng bahay nila ang unang-una niyang napansin lalo na’t agad niyang nakilala ang modelo noon. Isa iyon sa mga pangarap niyang bilhin, ‘yun nga lang wala pa siyang sapat na ipon para roon.
“Sa akin. Second hand lang ‘yan, kaya nakuha ko nang mas mura,” sagot nito.
Nanlaki ang mata niya at halos mapasuntok sa hangin dahil sa narinig. Hindi niya tuloy maalis ang tingin sa sasakyan. Kung dati ay imposible para sa kaniya na masubukan ang modelo, ngayon ay pwedeng-pwede na na!
“Ayos! Pwede bang pasubok? Siguradong maiinggit sa akin sila Ryan kapag nakita nila ‘to eh!” Isipin niya pa lang kung anong magiging reaksyon ng mga kaibigan niya ay napapangisi na siya.
Ngunit sunod-sunod na iling lang ang naging tugon ng kapatid niya.
“Hindi pa pwede. Hindi pa natin sigurado kung maayos ba ang lahat. Kailangan ko pang patingnan muna sa talyer,” katwiran nito.
“‘Wag na ‘wag mong gagamitin! Sa susunod mo na gamitin,” mahigpit nitong paalala nang mapansin na hindi mapuknat ang tingin niya sa sasakyan.
Napasimangot siya.
“Bukas ko na kailangan. Sigurado akong maayos ‘yan, Kuya. Ibebenta ba naman kung hindi? Sige na, Kuya, susubukan ko lang,” pagpupumilit niya. Alam niya naman na hindi siya matitiis ng kapatid.
Likas na mabait ang kapatid sa kaniya palibhasa malaki ang agwat ng edad nila. Kung ituring nga siya nito ay para pa rin siyang bata, kahit na bente-dos anyos na siya.
Umaasa siya na papayag ito, kaya ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang sa huli ay nanindigan ito.
“Sinabi ko na sa’yo, Raymart. Hindi muna. Kilala kita, matigas ang ulo mo! Makinig ka sa akin dahil baka mapahamak ka,” seryoso nitong sinabi.
Natahimik na lang siya pero labis na sumama ang loob niya sa kapatid. Hindi rin niya maalis sa isip ang bagong kotse sa garahe. Kaya naman isang plano ang nabuo sa isip niya.
Pasikreto niyang inalam kung saan itinago ng kapatid ang susi ng sasakyan. Kinabukasan, nang masigurado niyang nakaalis na ito ay kinuha niya iyon sa lagayan at naghandang umalis para pumunta sa lakad nilang magkakaibigan.
Sabik na sinubukan niyang paandarin ang sasakyan at gaya ng inaasahan, maayos naman ito at maganda ang takbo ng makina. Maging ang tunog noon ay walang kaabe-aberya.
“Sabi ko na nga ba! Wala namang problema. Masyado lang praning si Kuya,” nakangisi niyang bulong bago pinasibad ang sasakyan.
Gaya ng inaasahan, hindi magkamayaw sa paghanga ang mga tropa niya nang makita ang sasakyan.
Tuwang-tuwa naman si Raymart nang makita ang nakabalatay na inggit sa mukha ng kaniyang mga kaibigan. Upang “binyagan” ang sasakyan ay maghapon silang nag-joyride.
Gabi na nang magdesisyon siyang umuwi. Alam niya kasing malapit nang umuwi ang Kuya niya. Kailangan niya itong maunahan para hindi siya mapagalitan.
Nagmamaneho siya pauwi nang makarinig siya ng kakaibang tunog mula sa sasakyan. Para iyong pumupugak-pugak. Ngunit hindi niya matukoy kung saan nanggagaling ang kakatwang tunog.
Noong una ay hindi niya pinansin ngunit maya-maya ay napansin niyang bumilis ang andar ng sasakyan. Sinubukan niyang pumreno ngunit hindi iyon kumagat. Tila biglaang nagloko ang sasakyan matapos gamitin buong araw.
Nanlamig si Raymart sa kaba. Pilit niyang pinahinto ang sasakyan, lalo na nang mamataan niya mula sa malayo ang isang batang lalaki na nakasakay sa isang bisikleta.
Grabe ang nerbiyos niya habang pilit na pinapagana ang kaniyang isipan. Kapag hindi niya nahinto ang sasakyan, tutumbukin niya ang direksyon ng bata. Habang papalapit ang sasakyan sa bata ay napapikit na lang siya at umusal ng panalangin.
Ngunit hindi umepekto kahit ang biglaang dasal niya. Nakarinig na lang siya ng malakas na kalabog nang bumangga ang sasakyan sa kung ano. Doon pa lang huminto ang sasakyan sa wakas.
Nang makabawi sa pagkabigla ay agad niyang binuksan ang pinto para tingnan kung ano ang nangyari. Napaiyak siya sa takot nang makita ang batang nakahandusay sa damuhan sa ‘di kalayuan. Marami itong sugat na tinamo sa katawan. Walang pag-aatubili siyang tumawag ng tulong para maisugod sa pagamutan ang biktima.
Nanginginig sa takot niyang tinawagan ang kapatid para sabihin dito ang nangyari. Agad itong sumugod sa ospital kung saan niya dinala ang batang nabangga.
“Anong nangyari? Ayos ka lang ba?” nag-aalala nitong tanong nang maabutan siyang tulala at umiiyak dahil sa nangyari. Hindi maalis ang kaniyang takot, pag-aalala, at pagsisisi.
“Ayos lang ako, Kuya, pero paano ‘yung bata? Baka kung anong mangyari sa kaniya!” nanlalaki ang mata niyang bulalas.
Kabado nilang hinintay ang resulta ng pagsusuri na ginawa rito. Sa wakas, nilapitan sila ng doktor para ipaliwanag ang nangyari.
“Wala naman tayong dapat na ipag-alala. Bukod sa mga sugat at pasa na tinamo ng pasyente, wala namang ibang pinsala,” anito.
Nang marinig ang sinabi ng doktor ay doon pa lang siya nakahinga nang maluwag, kasabay ng pagtulo ng mas marami pang luha. Hindi niya yata kakayanin kung sakali mang may nangyaring masama dito dahil sa kapabayaan niya.
Nang masigurong ayos na ang lahat ay hinarap niya ang kapatid para humingi ng tawad dahil sa pagsuway niya dito.
“Sabi ko naman sa’yo, makinig ka sa akin. Kita mo na ngayon kung bakit?” tanong nito na may halong panenermon.
Para siyang maamong tupa na tumango sa sinabi nito. Alam niya kasing tama ito sa pagkakataong iyon.
“Sorry, Kuya.”
Ngumiti ito at tumango. Alam niya alam na nitong natuto na siya at hindi niya na kailangan pang daanin sa salita.
“Ayos na ‘yun. Ang mahalaga ay ligtas kayong dalawa sa peligro,” anito bago tinapik ang balikat niya.
Natutunan ni Raymart ang isang mabigat na aral sa ‘di inaasahan at nakakatakot na paraan. Sigurado siyang hindi na siya susuway pa sa babala at payo ng nakatatanda, lalo na’t iniisip lang naman nito ang kapakanan niya.