Inday TrendingInday Trending
Tingin ng Dalaga sa Ama ay Pabigat; Napaluha Siya sa Pagsisisi nang Malaman ang Pasanin Nito

Tingin ng Dalaga sa Ama ay Pabigat; Napaluha Siya sa Pagsisisi nang Malaman ang Pasanin Nito

“Anak, baka naman pwedeng ikaw na muna ang sumagot sa kuryente natin ngayong buwan? Medyo kulang kasi ang sinuweldo ko,” pakiusap ng ina ni Mariel.

Agad siyang lumapit dito. Pinanood niya ito habang nagkukwenta ng mga gastusin at nagba-budget ng kita nito para kumasya sa buong buwan.

“Ayos lang naman, Nanay. May naitabi pa naman ako. Ano pa po bang kailangan natin? Ako na rin d’on,” pagpiprisinta niya.

Isang ngiti na may kasamang iling ang isinukli sa kaniyang ina.

“Ayos na, anak. Gastusin mo ang natitira mong pera para sa sarili mo. ‘Wag mo na kaming alalahanin. Nagkataon lang talaga na kulang ang budget ko ngayon kasi kailangan na mag-therapy ng tatay mo. Alam mo na, may kamahalan,” anito.

Napairap siya sa narinig. Tinitigan niya nang mabuti ang suot ng kaniyang ina. Punit-punit na iyon dahil sa kalumaan. Nagtatrabaho ito buong linggo pero hindi man lang ito makabili ng sariling gamit. Ang sinusweldo kasi nito napupunta sa pambili ng pagkain, pambayad ng kuryente at tubig at ang pinakamalaking parte ay para sa therapy na kailangan daw ng kaniyang ama.

“‘Nay, hindi ko pa rin talaga naiintindihan kung bakit hanggang ngayon patuloy pa rin kayo sa pagte-therapy na ‘yan. Gastos lang ‘yan. Alam naman nating kahit na anong mangyari hindi na gagaling at makakalakad ulit si tatay. Tanggapin niyo na lang kasi na habang buhay na siyang baldado,” hindi maiwasang pahayag niya.

“Anak, ‘wag kang ganyan. Habang may buhay, may pag-asa. Makakabalik din sa dati ang tatay mo. Kita mo nga dati hindi siya makatayo mag-isa. Ngayon, nakakalakad na siya kahit papaano,” pagtatanggol nito sa asawa.

“Iba naman po ‘yun. Makakalakad, oo. Pero hindi na siya makakabalik pa sa dati niyang buhay. Gastos lang ‘yan. Ganun ‘din naman,” bwelta niya.

Wala pa siyang muwang sa mundo nang masangkot sa isang aksidente ang kaniyang tatay. Kinailangan itong operahan nang ilang beses para maisalba ang mga binti nito. Dahil sa nangyari, hindi na ito nakabalik ulit sa pagtatrabaho. Kinailangan ng kaniyang ina na kumayod para sa kanila.

Saksi siya kung gaano kahirap ang naging buhay ng ina. Ito ang nagtatrabaho para sa pamilya, nag-aalaga sa kanilang magkakapatid, at umaasikaso sa kanilang ama na hindi makatayo mag-isa.

Dahil musmos pa, tumatak sa isip niya na pabigat ang kaniyang tatay sa kanila. Imbes na sila ang alagaan nito, ito pa ang naging alagain.

Hindi niya man ginusto, habang lumalaki siya ay unti-unting sumama ang loob niya sa ama. Kung nag-ingat lang sana ito, hindi sila maghihirap nang ganoon. Iyon ang nasa isip niya.

Sa paglipas ng panahon ay lumamig ang pakikitungo niya sa ama. May pagkakataon pa ngang tinatanggi niya ito sa ibang tao dahil kinahihiya niya ito.

“Anak, medyo abala ako ngayon sa trabaho. Hindi ko masasamahan ang tatay mo sa doktor niya. Pwede bang ikaw na lang muna ang sumama, tutal libre ka naman?” isang araw ay tanong ng ina.

Tatanggi sana si Mariel, ngunit nang maisip niyang hindi ito mapapalagay kapag hindi siya pumayag ay napipilitan siyang tumango.

“Sige po, Nanay. Ako nang bahala,” sagot niya.

Wala tuloy siyang nagawa kundi samahan ang ama. Kahit papaano naman ay nakakagalaw ito nang mag-isa. ‘Yun nga lang tila pagong ito kung maglakad. Umismid na lang siya sa inis dahil sa abalang dulot nito sa kaniya.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng dalaga.

“Anak, hindi mo na ako kailangan samahan. Narinig ko ang usapan niyo ng nanay mo kahapon. Tama ka, kahit na ilang taon pa ang gugulin ko sa pagpapagamot, hindi na ako makakabalik sa dati kong buhay kaya gusto ko na ring huminto at sumuko…” malungkot na sabi nito.

Hindi niya napigilang madismaya.

“At ano, Tatay? Sasayangin mo ang sakripisyo ni Nanay? Kung sinasabi niyo ‘yan ngayon pagkatapos ng ilang taon, bakit hindi pa noon? Kung susuko rin naman pala kayo, bakit hinayaan niyo pa si Nanay na magkandakuba kakatrabaho?” galit niyang tanong.

Nakita niya ang pagtulo ng luha sa mga mata nito.

“Anak, hindi ko naman ginusto ang nangyari sa akin,” umiiyak nitong wika.

Ngunit nanatiling matigas ang puso ni Mariel.

“Wala nang dahilan para pag-usapan pa natin ‘to. Siguraduhin niyo na lang na gagaling kayo para magkaroon ulit kayo ng pakinabang,” maanghang niyang patutsada bago nagpatiuna sa paglalakad.

Nang makarating sila sa ospital ay hindi niya mapigilan ang mamangha. Halatang pribadong ospital ang lugar. Hindi na nakapagtataka kung mahal ang bayad.

Ginulat siya ng pagsalubong ng isang doktor. Tila malapit ito sa ama niya.

“Ito na ba si Mariel?”

Tumango ang tatay niya.

“Ang laki mo na pala! Huling kita ko sa’yo, bata ka pa!” baling ng doktor sa kaniya.

Alanganin siyang ngumiti. Hindi makahanap ng isasagot sa doktor na noon niya lamang nakita. Mas lalo siyang nagulat sa sunod na pakiusap nito.

“Pasensya ka na hija, pero pwede ba na makita ko ang paglakad mo? May gusto lang akong makita,” anito.

Takang-taka man sa nangyayari ay sinunod niya ang sinabi nito.

“Normal na normal naman ang lahat. Mabuti na lang at mukhang tuluyan nang gumaling ang binti mo. Ni walang makapagsasabi na muntik ka nang malumpo dahil sa nangyari,” komento nito kapagkuwan.

Kumunot ang noo niya. Hindi naman kasi siya kailanman nasangkot sa anumang aksidente. Magtatanong sana siya ngunit maagap nang sumabat ang tatay niya.

“Dok, wala siyang alam…” pigil ng kaniyang ama sa anumang sasabihin ng doktor.

Tumahimik naman ang doktor. Sa tingin na pinukol nito sa tatay niya ay tila humihingi ito ng paumahin sa nasabi.

“A-ano pong n-nangyari?” naguguluhang usisa niya.

Nang walang sumagot sa dalawa ay muli siyang nagtanong. Sa pagkakataong iyon, may diin na ang bawat katagang binitiwan niya.

Marahil ay napagtanto ng dalawa na hindi siya papayang na hindi malaman ang totoo. Sa huli ay ang doktor ang nagkwento.

“Ikaw at ang tatay mo ang mga una kong pasyente sa ospital na ‘to. Pareho kayong sangkot sa aksidente. Muntik ka na kasing mam*t*y nang masagasaan ka ng isang rumaragasang sasakyan…”

Nanlamig si Mariel. Hindi niya alam na nangyari pala iyon noong bata pa siya!

Ngunit ang tunay na bumasag sa puso niya ang kadugtong ng istorya.

“Mabuti na lang at dumating ang tatay mo. Niligtas ka niya. Siya tuloy ang nagtamo ng matinding pinsala, imbes na ikaw. Ito ang rason kung bakit nabaldado ang tatay mo…”

Awtomatikong bumukal ang luha sa mga mata ni Mariel. Halo-halo ang emosyon niya, ngunit isa ang nangingibabaw. Pagsisisi.

Paulit-ulit na sumisiksik sa isip niya kung paano niya tinrato ang ama. Inalala niya rin ang mga salitang sinabi niya dito.

Sinisi niya ito gayong siya pala ang tunay na may kasalanan?

Nang lingunin niya ang ama ay nakita niya na lumuluha ito. Mas lalo siyang nabalot ng matinding pagsisisi.

“Sorry, ‘Tay. Kasalanan ko ang lahat. Bakit hindi niyo na lang sinabi sa akin noon?” tanong niya.

Isang ngiti ang sumilay sa labi nito bago pinunasan ang luha niya.

“Dahil ayaw kong sisihin mo ang sarili mo. Hindi mo kasalanan. Handa akong ulitin itong muli kung kailangan. Kahit pa kapalit ay buhay ko. Dahil anak kita, at mahal kita,” simpleng sagot nito.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay niyakap niya ito nang mahigpit. Napagtanto niya na tunay ngang walang papantay sa pagmamahal ng magulang sa anak.

Advertisement