Inday TrendingInday Trending
May Binatang Pabalik-balik sa Tindahan ng Isang Ginang; May Kailangan Pala Ito sa Kaniya

May Binatang Pabalik-balik sa Tindahan ng Isang Ginang; May Kailangan Pala Ito sa Kaniya

Mag-iisang dekada nang nagtitinda ng pares ang ginang na si Amelia sa tapat ng simbahan. Madalang man o malakas ang benta niya sa isang araw, hindi siya nakakalimot na maghulog ng donasyon sa simbahan bilang simbolo ng kaniyang pasasalamat sa naturang biyaya.

Marami man sa mga suki niya ang nagsasabing hindi na niya kailangang maghulog doon dahil nga minsan ay wala pa sa dalawang daang piso ang kinikita niya, palagi niyang sagot sa mga ito, “Ang ginagawa kong pagbibigay ng donasyon sa simbahan ay simbolo lamang ng pagtitiwala ko sa Panginoon. Mabawasan man ang perang kinita ko sa isang araw, nadadagdagan naman ang pag-asa kong may mas magandang biyaya ang darating sa akin bukas,” na talagang lalong ikinahahanga ng kaniyang suki.

Ngunit isang araw, habang sinasabi niya sa mga nabili ang pahayag niyang ito, napansin niyang may isang binatang mag-aaral na tila mausing nakatingin sa kaniya dahilan para tanungin niya ito, “Anong maitutulong ko sa’yo, hijo? Gusto mo bang kumain?” pero imbes na siya’y makatanggap ng kasagutan, nilayasan lamang siya nito.

Naulit ang pagpapakita ng binatang iyon sa kaniya hanggang sa araw-araw na itong dumadaan sa kaniyang tindahan. Doon na siya hindi nakatiis at kaniya na itong nilapitan bitbit-bitbit ang isang plastik ng paninda niyang pares.

“Ito, hijo, kumain ka!” masigla niyang sabi saka iniabot sa binata ang pagkain, “Kung wala ka ring tutuluyan mamayang gabi, pupwede kang manuluyan sa tindahan ko. Umuuwi naman ako tuwing gabi kaya walang tao riyan,” dagdag niya pa.

“Hindi ako nagugutom at may uuwian ako,” masungit nitong tugon saka siya muling nilayasan.

“Iiwan ko ang susi sa ilalim ng basahan na nakalagay sa tapat ng pintuan sa likod, ha!” giit niya pa habang hinahabol ang binata.

“Ang kulit mo, manang!” sigaw nito saka mabilis na tumakbo palayo sa kaniya.

“Naku, ang mga kabataan talaga ngayon, nahihirapan na sa buhay, nagsisinungaling pa!” pailing-iling niyang sabi saka agad na ring nagsara ng kaniyang tindahan.

Maya maya pa, agad na rin siyang nagtungo sa loob ng simbahan upang ihulog ang kaniyang donasyon.

“Panginoon, kumita po ako ng limang daang piso ngayon. Muli, tagkalahati tayo, ha, at Ikaw na ang bahala sa kikitain ko bukas,” dasal niya saka na siya nagpasiyang umuwi sa kaniyang bahay.

Kaya lang, pagkalabas niya ng simbahan, napansin niyang may ilaw na sa loob ng kaniyang tindahan. Siya’y agad na napangiti nang maalala ang binatang pinaanyayahan niyang tumira roon.

Sinilip niya ang binata at nakita niya itong tahimik na gumagawa ng mga takdang-aralin habang kumakain ng iniwan niyang pares.

“Sabi na nga ba’t kailangan mo ng tulong, hijo,” sabi niya dahilan para mapabalikwas ito.

“Ah, eh, pasensya na po kayo kung sinungitan ko pa po kayo kanina. Sa katunayan po niyan, wala na po akong pamilya at matitirhan,” sagot nito na ikinadurog ng puso niya.

“Ganoon ba? Hayaan mo, nandito naman ako para kupkupin ka,” nakangiti niyang wika rito.

“Talaga po?” mangiyakngiyak nitong tanong dahilan para siya’y mapatango-tango, “Pangako po, babawi po ako sa inyo! Isang taon na lang po tapos na ang pag-aaral ko! Magiging mayaman po tayong dalawa!” hikbi nito habang nakataas pa ang kanang kamay.

“Aasahan ko ‘yan, ha? Sige na, bumalik ka na sa pag-aaral,” payo niya na agad naman nitong sinunod.

Simula nang araw na ‘yon, doon na nga nanirahan ang binata. Madalas man itong wala tuwing umaga dahil nga pumapasok ito sa eskwela, tuwing gabi naman ay tinutulungan siya nitong magtinda na talagang nagbigay ng malaking tulong sa kaniya.

Isang taon pa ang lumipas, tuluyan na nga itong nakapagtapos ng pag-aaral at agad na nakakuha ng trabaho. Pinasok din nito ang mundo ng stock market na nagbigay ng agarang pag-angat ng kanilang buhay.

“Totoo ba ito, hijo? May ilang milyong piso ka na sa bank account mo?” pagtataka nito nang ipakita nito sa kaniya ang pera nito sa bangko.

“Opo, lahat po ‘yan para sa inyo! Hindi niyo na po kailangang magtinda ng pares dahil buong buhay niyo, ako naman po ang tutugon sa lahat ng pangangailangan niyo!” sambit nito na ikinapanghina niya.

“Diyos ko, malaking kita lang sa isang araw ang palagi kong dasal Sa’yo pero panghabambuhay na yaman ang pinagkaloob Mo,” iyak niya.

“Napakabuti po kasi ng puso niyo, dapat lang po na bigyan kayo ng ganito kalaking biyaya,” sambit pa nito saka siya mariing niyakap.

Doon na nagsimula ang masagana nilang buhay dalawa pero kahit pa ganoon, hindi pa siya nakalilimot na magbigay ng donasyon sa simbahan na ngayon ay ginagawa na rin ng binatang kinupkop niya.

“Habambuhay ko itong tatanawin na utang na loob, hijo,” bulong niya sa binata habang sila’y nasa loob ng simbahan.

“Habambuhay ko rin po kayong aalagaan dahil sa pagkupkop niyo po sa akin noong mga panahong walang-wala ako,” mangiyakngiyak na tugon nito na kaniya ring ikinaiyak.

Advertisement