Matapang na Sinuplong ng Binata ang Nangupit na Kahera; Paniwalaan Kaya Siya ng Manager ng Bangko?
Katapusan na ng buwan, katulad ng ibang empleyadong makakahawak na muli ng pera mula sa pinaghirapan at pinagpaguran nilang trabaho, gayak na gayak na rin ang binatang si Joey na makuha ang kaniyang sweldo.
Sakto namang wala siyang pasok sa trabaho noon dahilan para pagkagising na pagkagising niya, agad siyang nagpunta ng bangko upang mag-withdraw ng pera sa ATM.
“Salamat naman at sasahod na rin ako! Ilang araw nang kumakain ng mga frozen goods ang mga kapatid ko. Makakabili na ako ngayon ng manok o kaya isda para naman magkaroon ng sustansya sa katawan ang mga iyon!” tuwang-tuwa niyang sabi sa sarili habang naglalakad patungo sa bangko.
Magtatatlong taon na niyang mag-isang tinataguyod ang kaniyang tatlong nakababatang kapatid. Tatlong taon na rin nang sabay na mawalan ng buhay ang kaniyang mga magulang dahil sa isang aksidente sa dati nilang tindahan sa palengke. Simula noon, siya’y nagbanat na ng buto upang may mapakain sa mga kapatid na hanggang ngayon, hindi pa rin makausad sa sakit ng pagkawala ng kanilang mga magulang.
Kahit pa ganoon, hindi niya hinayaang mawalan siya ng pag-asa sa buhay. Sabi niya pa sa mga kapatid noong unang araw na mawala ang kanilang mga magulang, “Nandito pa si kuya, wala kayong dapat ikapag-alala.”
Doon siya nagsimulang maghanap ng trabaho. Dahil sa taglay niyang katalinuhan at galing sa pagsasalita ng Ingles, siya’y agad na nakapasok sa isang call center company.
Simula noon, wala na siyang ibang hinihintay na araw sa isang buwan kung hindi ang kinsenas at katapusan dahil ito ang dalawang araw na nabibilhan niya ng masasarap na pagkain at iba pang mga pangangailangan ang kaniyang mga kapatid.
Pagkadating niya sa bangko noong araw na iyon, napakamot na lang siya ng ulo nang makitang hindi gumagana ang ATM.
“Pila na lang po kayo, sir, at sa loob po kayo ng bangko kumuha ng pera,” payo sa kaniya ng guard na nakakita ng kaniyang pagkadismaya at dahil nga kailangan niyang makakuha ng pera, kahit napakahaba ng pila, kaniya itong tiniis.
Pagkalipas ng halos dalawang oras, sa wakas, siya rin ay nakapasok na sa loob ng bangko. Habang naghihintay na tawagin ang numero niya, napansin niya ang isang matandang nag-abot ng isang bag ng pera sa kahera. Ngunit napansin niyang may kinuhang pera mula rito ang naturang dalaga at agad na sinilid sa bag na nasa paanan nito na kaniyang ikinapagtaka.
“Kwarenta mil ‘yan, hija,” sambit ng matanda.
“Bilangin ko lang din po, ma’am,” nakangiting sabi nito saka inilagay sa makina na nagbibilang ng pera ang lahat ng perang nasa bag ng matanda, “Naku, trenta mil lang po ito, ma’am,” dagdag pa nito na ikinailing niya.
“May ganito pala talagang kahera, ano? Kawawa naman ang matanda,” bulong niya sa sarili saka agad na lumapit sa kahera. Kinuha niya ang bag na nasa ilalim nito saka dinukot ang pera ng matandang naroon.
“Hoy! Anong ginagawa mo sa bag ko?” sigaw nito saka agad na inagaw sa kaniya ang bag.
“Kinuha ko lang naman, miss, ang perang hindi naman talaga sa’yo,” sagot niya saka inabot sa matanda ang perang nakuha niya.
“Guard! Palabasin niyo nga ang lalaking ito! Nanggugulo rito!” sigaw nito dahilan para siya’y agad na puntahan ng mga guard doon.
“Bakit hindi niyo rin palabasin ang manager niyo para magkaalaman tayo?” matapang niyang tugon, sakto namang biglang dating ng manager doon at dininig ang kaniyang hinaing.
Mabuti na lang, tapat sa trabaho ang manager ng bangkong iyon. Wala itong kinampihan sa kanilang dalawa at agad na tiningnan ang kuha ng CCTV na nakakalat sa loob ng bangko.
Doon nito napatunayan na tama ang sinasabi niya. Mabilis man ang pagkuha nito ng pera mula sa bag ng matanda, nakita pa rin ito sa bidyo na talagang ikinainis nito.
“Hindi ko inakalang magagawa mo ‘to sa isang matanda, miss, magpasa ka na ng resignation letter kaysa naman sapilitan kitang tanggalin,” galit na sabi nito sa kahera, “Maraming salamat po, sir, isang katulad mo ang kailangan namin sa bangkong ito,” wika nito sa kaniya saka siya binigyan ng application form.
“Mas mataas po ba ang sasahurin ko rito kaysa sa call center?” tanong niya rito na ikinangiti ng manager.
“Opo, makakaasa po kayong ibabalik namin ang ginawa niyong kabutihan sa bangkong ito at sa matandang kliyente namin,” sambit nito na muling nagbigay ng malaking pag-asa sa kaniya.
Agad niya na ring kinuha ang pera niya pagkatapos ng usapang iyon saka dali-dali nang nagpasa ng resignation letter sa kumpanyang pinagtatrababuhan.
“Pasensya na kayo, kailangan ko ng mas malaking pagkakakitaan para sa mga kapatid ko,” sabi niya sa sarili habang sabay-sabay silang magkakapatid na kumakain ng lechong manok.
Simula noon, bahagyang umalwan ang buhay nila. Kung dati’y paminsan lang sila nakakakain ng mga gulay at karne, ngayo’y madalas na silang makakain nito, may prutas pa silang nakahanda!