Inday TrendingInday Trending
Natuklasan ng Babae na Siya ay may Sakit at Hindi na Maaaring Magkaanak Pa; Pakasalan Pa Kaya Siya ng Nobyo Niya?

Natuklasan ng Babae na Siya ay may Sakit at Hindi na Maaaring Magkaanak Pa; Pakasalan Pa Kaya Siya ng Nobyo Niya?

Hindi buwan-buwang dinadatnan ng buwanang dalaw ang dalagang si Pink simula nang siya’y magdalaga. Kung ang normal na dalaga ay nagkakaroon na ng buwanang dalaw simula sa edad na labing dalawang taon hanggang labing walong taong gulang, siya ay nakaranasan ng kaniyang unang dalaw noong siya’y bente anyos na.

Ilang buwan din ang kailangang lumipas bago siya muling magkaroon ng dalaw na buong akala niya ay normal lamang dahil nga kamakailan lang siya nagkaroon nito.

Ngayong dalawampu’t siyam na taong gulang na siya at mayroon na siyang nobyo, siya’y naging mapagmasid na sa kaniyang dalaw upang masigurong hindi muna siya magdadalang-tao dahil wala pa silang ipon at wala pa iyon sa kanilang plano.

Ngunit, simula nang huling beses nilang paglalambingan ng nobyo niya, hindi pa siya muling dinadatnan. Bukod pa roon, bahagya ring lumalaki ang kaniyang tiyan kasabay ng pagtaas ng kaniyang timbang.

“Baka buntis ka, bespren? Magpatingin ka na kaya?!” payo ng kaniyang kaibigan nang minsan niyang ikwento ang pinagdadaanan niya.

“Naku, huwag naman sana! Bukod sa hindi pa ako handa, wala pa kaming ipon ng nobyo ko!” pag-aalala niya habang iiling-iling.

Upang makasiguro, agad siyang nagpatingin sa ospital kinabukasan. Ilang araw pa raw ang kailangang lumipas bago lumabas ang resulta ng mga laboratoryong isinagawa sa kaniya. Kaya lang, siya’y biglang nakaramdam ng labis na pananakit ng puson dahilan para madaliin ang pag-aanalisa ng resulta upang siya’y mabigyan ng gamot at lunas.

Buong akala niya’y siya nga ay nagdadalantao na labis niyang ikinakatakot, kaya lang, nang lumabas ang resulta, lalong bumigat ang puso niya.

“May sakit ka sa matres, hija. Malala na ito at kailangan kang operahan. Matanggal man ang bukol sa matres mo, tiyak, hindi ka pupwedeng magdalantao dahil malalagay ka lang sa alanganin pati na ang batang maninirahan sa bahay-bata mo,” diretsahan sabi ng kaniyang doktor na labis niyang ikinapanghina.

“Natatakot pa ako na baka buntis ako, hindi pala pupwedeng mangyayari ‘yon,” malungkot niyang sabi saka agad nang nagpunta sa botika upang bilhin ang lahat ng gamot na inireseta sa kaniya.

Gusto niya mang sabihin sa nobyo ang lahat ng ito, hindi niya magawa dahil kinakabahan siyang baka siya ay hiwalayan nito kapag sinabi niyang hindi siya pupwedeng magdalantao.

Nagulat pa siya nang siya’y alukin nito ng kasal nang sila’y magkita. Dahil nga ayaw niyang madamay pa ito sa problema niya at siya pa ang iwan nito, agad niya itong tinanggihan.

“Pasensya ka na, wala akong balak ikasal. Kung ikakasal ako at magkakapamilya, paniguradong mapapabayaan ko ang trabaho’t sarili kong pamilya. Kung ako sa’yo, maghanap ka na lang…” hindi pa siya tapos magsalita, agad na itong tumawa nang tumawa.

“Ano bang sinasabi mo? Wala namang kakwenta-kwenta ang dahilang sinasabi mo! Kahit na may sakit ka sa matres, wala akong pakialam! Ano naman kung hindi tayo magkaanak? Pupwede naman tayong mag-ampon!” sabi nito na talagang ikinaluwa ng kaniyang mga mata.

“Pa-paano mo nalaman?” nagtataka niyang tanong.

“Imposibleng hindi ko malaman, mahal. Baka nakakalimutan mong sa ospital na iyon ako nagtatrabaho! Tanggapin mo na ang alok kong kasal, lalabanan nating dalawa ang sakit mo,” sambit pa nito saka agad na kinuha ang kaniyang kamay at nilagay sa kaniyang daliri ang singsing na binili nito dahil para mangiyakngiyak niya itong mayakap.

Doon niya labis na napagtanto kung gaano siya kamahal ng lalaking ito.

“Hindi man buo ang pagiging babae ko, salamat dahil mahal na mahal mo pa rin ako,” hikbi niya rito.

“Walang makapagpapabago no’n, mahal, magkasakit ka man o magkakulubot sa mukha, ikaw pa rin ang babaeng minamahal ko!” sabi pa nito kaya siya’y lalong napaluha.

Kasabay ng paghahanda nilang dalawa sa kasal, siya rin ay naghanda para sa nalalapit niyang operasyon. Ilang araw lang ang nagdaan, siya nga ay tuluyan nang naoperahan. Magdamag siya nitong inalagaan at sinamahan simula noon na lalong nagpalalim sa pagmamahalan nilang dalawa.

Nang tuluyan na niyang mabawi ang lakas nawala, sila ay agad na ring nagpakasal.

“Pangako, habambuhay akong nasa tabi mo. Malusog ka man o mahina,” sabi nito sa harap ng altar na talagang nagpabuhos ng luha niya.

Sila rin ay agad na nag-ampon ng isang batang mula sa ampunan na tunay na nagbigay ng saya at nagpatibay lalo sa kanilang pagmamahalan.

Kapag tunay talaga ang pagmamahalan, walang makakahadlang dito kahit sakit man o kapansanan.

Advertisement