Inday TrendingInday Trending
Nang Mawala ang Kaniyang Ina, Nakakilala Siya ng Isang Binata sa Lansangan; Ito pala ang Makapagbibigay Saya sa Kaniya Habambuhay

Nang Mawala ang Kaniyang Ina, Nakakilala Siya ng Isang Binata sa Lansangan; Ito pala ang Makapagbibigay Saya sa Kaniya Habambuhay

Umibig ang dalagang si Sue sa isang binatang nakilala niya sa lansangan. Tandang-tanda niya pa ang amoy at itsura ng binatang ito na binigyan niya lang ng isang pirasong tinapay. Masakit man sa ilong ang amoy nito na halatang ilang linggo nang hindi pa nakakaligo at marami mang nagtitinginan dahil sa pagtabi at pakikipag-usap niya rito, hindi niya binigyang pansin ang mga ito dahil gusto niya lamang may makausap noong gabing iyon.

Noong gabing iyon nawala ang kaniyang ina dahil sa isang malubhang sakit na halos isang taon niyang inilaban. Ngunit hindi na ito nakayanan ng kaniyang ina dahilan para mangyari ang kinatatakutan niyang paglisan nito.

At dahil nga wala na siyang iba pang kinikilalang kapamilya, siya’y naglibot-libot sa parke. Roon niya nakita ang isang binatang nakatungo lang sa isang tabi. Sabi niya pa, “Ang lungkot ng buhay, ‘no?”

“Oo nga, eh, gusto ko na ngang lumisan sa mundong ‘to,” wika nito saka tinanggap ang tinapay na binigay niya.

“Hindi naman porque mahirap ang buhay, susuko ka na. Malungkot man ang araw na ito, pero hindi ibig sabihin noon, malungkot na ang buong buhay mo,” pangaral niya rito na ikinatungo nito.

“Sana nga,” buntong-hininga nito.

“Halika, maglakad-lakad tayo sa palaruan! Gusto ko ulit maging bata, eh!” yaya niya rito dahilan para sapilitan itong sumama sa kaniya.

Kaya lang, nang lumalim na ang kanilang usapan habang naglalaro sa palaruan, may isang magarang sasakyang ang tumigil sa kanilang harapan at sila’y pinalibutan ng sandamakmak na mga kalalakihan.

“Sir, matagal na po kayong hinahanap ng mommy niyo. Sumama na po kayo sa amin,” sambit ng isang lalaking nakapormal na damit.

“Ayoko,” sagot nito, “Pagbilang ko ng tatlo, tatakbo tayo patalikod, ha?” bulong pa nito sa kaniya saka agad na bumilang dahilan para sila’y tumakbo palayo habang nagtatawanan.

Iyon na ang naging simula upang mahulog nang tuluyan ang loob niya sa binata. Hindi man niya alam ang tunay na pagkatao nito, minabuti niya pa rin itong patuluyin sa bahay nila ng yumao niyang ina upang doon linisan at pakainin.

“Bakit ang bait mo sa akin?” tanong nito.

“Siguro dahil parehas tayong sinaktan ng tadhana?” hindi niya siguradong sabi na ikinailing nito habang nakangiti.

Ilang araw din ang tinagal ng binata sa kanilang bahay at ang mga araw na ‘yon ang talagang nagpaalis sa kalungkutang nararamdaman niya.

Nang ikwento niya rito kung gaano niya kamahal ang yumao niyang ina, nagdesisyon na itong umuwi sa sariling bahay. Wika pa nito, “Salamat, binuksan mo ang mata ko sa tunay na halaga ng isang ina at kung paano tayo, bilang isang anak, magparamdam ng pagmamahal. Hayaan mo, ipapakilala kita sa nanay ko at papakasalan kita,” na talagang ikinalaki ng kaniyang mga mata.

Sandamakmak na kalalakihang nakapormal na damit ang sumundo rito sa kanilang bahay na labis niyang ikinagulat.

“Ganoon ba talaga siya kayaman? Diyos ko, nahihibang na ba siya? Pakakasalan niya ang isang katulad ko?” natataranta niyang sabi sa sarili.

Ilang araw lang ang lumipas, siya nga ay nakatanggap ng imbitasyon sa isang ginang. Siya’y pinapapunta nito sa bahay.

“Kailangan nating mag-usap,” sabi nito sa mensahe na talagang ikinakaba niya.”Naku, pasensya na po kayo, sa ayaw at gusto niyo, ikakasal kami ng anak niyo!” kinakabahan niyang sigaw sa kaniyang selpon habang binabasa ang mensahe.

Maya maya lang, may tatlong sasakyan na ang sumundo sa kaniya at siya nga ay dinala sa isang mansyon sa kabilang probinsya. Halos lumuwa ang kaniyang mata nang makita kung gaano ito kalawak. “Maganda ba ang bahay namin?” tanong sa kaniya ng ginang.

“Opo, hindi man po ganito kalaki ang bahay na tinitirhan ko at wala po akong maraming pera, alam at sigurado po akong mahal ko po ang anak niyo,” seryoso niyang sagot dito.

“Hindi ko naman sinasabing hindi mo mahal ang anak ko, hija. Halika, pumasok na tayo, naghihintay na ang pinakamamahal mo sa loob. Pag-uusapan natin ang kasal niyong dalawa,” tugon nito saka siya hinawakan sa kamay at hinila papasok ng mansyon.

“Te-teka po, hindi po kayo tutol sa pagmamahalan namin?” naguguluhan niyang tanong dito.

“Bakit ko naman tututulan? Ikaw ang nakapagpabalik sa akin sa anak ko at ang tanging babaeng nagpalambot sa puso niya,” nakangiting sabi pa nito saka siya niyakap na talagang ikinaiyak niya dahil sa tuwa.

Wala pang isang buwan, agad na nga silang ikinasal ng binata na labis niyang ikinatuwa.

“Mama, nawala ka man, may isang pamilyang tumanggap sa akin at ngayo’y pinapasaya nila akong lahat,” bulong niya sa hangin habang naglalakad patungong altar kung nasaan ang binatang iyak nang iyak sa kaligayahan dahil sa kaniyang presensya.

Advertisement