Inday TrendingInday Trending
Agad Siyang Nagpakasasa sa Alak at Babae nang Mawala ang Asawa, Nagising Siya sa Sinabi ng Anak at Matandang nasa Sementeryo

Agad Siyang Nagpakasasa sa Alak at Babae nang Mawala ang Asawa, Nagising Siya sa Sinabi ng Anak at Matandang nasa Sementeryo

Nang nilisan ng kaniyang asawa ang mundong ibabaw, hindi nakatiis sa tawag ng laman ang biyudong si Romel kahit wala pang isang buwan itong nawawala.

Tila ba naging dahilan ang pagkawala nito upang magawa niya ang mga bagay na dati niya pa gustong magawa katulad ng pag-iinom sa bar kasama ang kaniyang mga kaibigan at iba’t ibang babae, paggamit ng pinagbabawal na gamot, at pag-uwi sa kanilang bahay kung kailan niya lang gusto nang walang natatanggap na kahit anong sermon o pagbubunganga.

Sa katunayan, ni minsan, hindi niya nagawang bantayan ang burol ng asawa, hindi niya nagawang asikasuhin ang libing nito at lalo’t higit, hindi man lang siya nagbabang luksa para sa pagkawala nito na labis na ikinasasama ng loob ng tatlo nilang anak na pawang mga binata’t dalaga na.

Tadtaran man siya ng tawag at mensahe ng mga ito, palagi niya itong ipinagsasawalang-bahala dahil katuwiran niya, siya’y malaya na ngayon kaya karapatan na niyang gawin kung ano man ang gusto niya.

Kaya lang, isang gabi, siya’y sinundo ng kaniyang bunsong anak na lalaki sa bar na kinawiwilihan niya. Kahit pa naabutan siya nitong may kaakbay na bayarang babae, ni hindi siya kumawala rito.

“Forty days ni mama ngayon, baka naman may kauting konsensya ka pa, hinihintay ka ng buong pamilya natin sa bahay upang masimulan na ang misa,” seryosong sabi nito nang hindi man lang tumingin sa babaeng kaakbay niya.

“Diyos ko, kayang-kaya niyo na naman ‘yon! Ang dami-dami niyo roon, hihintayin niyo pa ako? Anong kaartehan ‘yon?” patawa-tawa niyang sabi saka hinalikan sa pisngi ang babaeng kaakbay.

“Kaartehan? Tingin mo ba kaartehan lang lahat ng ‘to? Para sabihin ko sa’yo, nanay ko at asawa mo ang binawian ng buhay! Gaano kakapal ang mukha mo para gawin sa kaniya lahat ng ito nang hindi man lang nagluluksa? Hindi ka man lang nahiya!” sigaw nito na labis niyang ikinagulat.

“Bastos ka, ha! Baka nakakalimutan mo kung sino ang kausap mo!” bulyaw niya rito.

“Sino ka ba? Hindi gan’yan ang ugali ng tatay na kinamulatan ko! Ang tatay ko, mahal na mahal ang nanay ko kahit na bungangera at may sakit siya! Samantalang ikaw, hindi mo man lang sinilip ang mama noong nasa kabaong siya!” sigaw pa nito saka tinaob ang lamesang nasa harapan niya, sasapukin niya na sana ito ngunit sabi pa nito, “Sana, ikaw na lang ang nawala, hindi na si mama dahil wala kang kwentang tatay!” saka siya dinuraan na talagang ikinadurog ng puso niya.

Nagtagal man siya sa bar na ‘yon, walang ibang tumakbo sa isip niya kung hindi ang mga salitang binitawan ng kaniyang anak na talagang ikinakonsensya niya dahilan para kinabukasan, siya’y dumalaw sa puntod ng kaniyang asawa. Siya’y lumuhod sa harapan nito at labis na humingi ng tawad.

Aalis na sana siya sa sementeryong iyon nang mapansin niyang may isang matandang sinusulatan ang puntod ng yumaong asawa gamit ang uling.

“Wala kasi akong pampagawa ng lapida, hijo, pero mahal ko ang asawa ko kaya halos linggo-linggo ko itong sinusulatan para hindi ko nalimot ang pangalan, kaarawan at araw ng pagkawala niya,” nakangiti nitong sabi nang mapansin siyang nakatingin.

Lalo siyang nakonsensya sa sinabi ng matanda at hindi na niya napigilang maiyak sa harap nito.

“Mahirap talagang mawalan ng mahal sa buhay. Swerte ka na nga na may pera at mga anak ka pang natitira,” wika pa nito saka siya niyakap.

Doon niya labis na napagtanto ang kagag*hang ginawa niya, hindi lang sa kaniyang asawa kung hindi pati na rin sa kaniyang mga anak. Kaya naman, siya’y labis na nangako sa sarili simula noon na babawi sa kaniyang mag-iina. Agad niyang sinama ang matanda sa pagawaan ng lapida. Todo tanggi man ito, sabi niya, “Binuksan niyo po ang isip ko, tatang, hayaan mo akong bumawi sa’yo,” dahilan para agad itong pumayag sa kagustuhan niya.

Siya rin ay humingi na ng tawad sa kaniyang mga anak pagkatapos noon. Hindi man niya agad nakuhang muli ang loob ng mga ito, pinakita niyang siya talaga’y bumalik sa dating tatay na kinamulatan ng mga ito.

Pinaghahandaan niya ang mga anak ng pagkain, siya’y buong araw na nasa bahay lang, at nagtayo pa siya ng negosyo na nakapangalan sa yumao niyang asawa na ikinatuwa ng mga ito hindi kalaunan.

“Makakaasa kayong hindi ko na muling gagawin ang mga kasalanang tiyak, ikakagalit ng nanay niyo. Pangako, patuloy ko pa rin kayong mamahalin ng nanay niyo,” hikbi niya sa mga anak nang isang araw, tuluyan na siyang kausapin ng mga ito.

Advertisement