
Nais ng Lalaki na Gawing Magarbo ang Binyag ng Kaniyang Anak; Paano Kung Kailanganin Nila ang Pera sa mas Matinding Pangangailangan?
“Joan, nakasahod na ako sa apat na paluwagan na sinalihan ko. Makakapaghanda na tayo para sa enggrandeng binyagan ni Junior natin,” tuwang-tuwang balita ni Fidel sa kaniyang kinakasamang si Joan.
“Fidel, palagay ko dapat itabi mo na lang muna ‘yang mga sinuweldo mo sa paluwagan. Hindi naman natin kailangan na magarbo ang binyagan. Mairaraos natin iyan kahit na hindi mala-piyesta ang handaan. Isa pa, bawal pa yata ang magdaos ng malaking pagtitipon dahil sa pandemya,” sansala ni Joan sa kaniyang kinakasama.
Sumama ang mukha ni Fidel sa mabilis na pagkontra ng kaniyang live-in partner.
“Hayan ka na naman eh. Puro ka kontra sa lahat ng mga diskarte ko. Ano na lang ang sasabihin ng mga kamag-anak at kaibigan ko kapag nalaman nilang hindi tuloy ang enggrandeng binyagan ni Junior natin? Mapapahiya ako,” giit pa ni Fidel.
“Fidel, matutuloy naman ang binyagan. Ang punto ko lang dito, bakit kailangan nating ubusin ang pera para sa isang seremonya na puwede namang maging simple na lang? Ilaan na lang natin ang pera sa mas mahigpit na pangangailangan. Wala pang mga kinakailangang bakuna si Junior, at palagay ko, iyon ang dapat unahin natin lalo na sa panahon ngayon, uso ang mga sakit,” paliwanag naman ni Joan sa kaniyang kinakasama.
“Bahala ka na nga. Ikaw naman lagi ang nasusunod,” nasabi na lamang ng nagtatampong si Fidel.
Magkaibang-magkaiba ang pag-uugali ng live-in partner na sina Fidel at Joan. Si Fidel ay happy-go-lucky at walang pakialam sa paggastos sa pera. Hindi niya iniisip kung may gagastusin pang pera sa kinabukasan. Mahalaga sa kaniya, kung ano ang ngayon.
Si Joan naman ay matipid pagdating sa pera, palibhasa, alam niya kung paano pinaghihirapan ang pera. Madalas silang nagtatalo ni Fidel sa mga usaping pera.
Isa nga sa mga pinagtatalunan nila ay ang pagpapabinyag sa kanilang anak na si Junior. Gusto kasi ni Fidel na gawing magarbo ang binyagan habang si Joan naman, mas nais niyang simple na lamang ang lahat.
Hanggang isang araw, nagulat na lamang sila nang lagnatin si Junior.
“Ang taas ng lagnat ni Junior. Bakit kaya?” kinakabahang tanong ni Joan kay Fidel.
“Bakit mo naman pinababayaan ang anak natin? Iyan na nga lang ang gagawin mo hindi mo pa magawa nang maayos,” sumbat sa kaniya ni Fidel.
“Aba naman Fidel, magdahan-dahan ka sa pananalita mo ah. Hindi ko naman pinababayaan ang anak natin, kahit na abala ako sa mga gawaing-bahay, tinitiyak ko pa rin na nababantayan at naaalagaan ko siyang mabuti. Hindi ko naman kontrolado ang kalusugan niya kung tatamaan siya ng sakit,” depensa naman ni Joan.
Nang umabot sa 39 degrees ang lagnat ng bata, nagpasya na ang dalawa na itakbo na ito sa ospital. Napag-alaman nila na ang anak pala ay may dengue. Mabuti na lamang daw at naagapan, kung hindi ay baka lumala ang kondisyon ng anak, na dumating pa sa puntong kailangan siyang salinan ng dugo.
Ginamit nilang panggastos sa ospital at pambili ng gamot ang mga nakuha ni Fidel mula sa paluwagan, na gagastusin sana nila para sa magarbong binyagang nais ni Fidel para sa anak.
“Oh kita mo na. Malaking tulong ang paluwagan mo para sa emergency na ito para kay Junior. Kung itinuloy natin ang magarbong binyagan gaya ng sinasabi mo, eh di nganga tayo ngayon sa mga gastusin dito sa ospital,” sabi ni Joan kay Fidel.
“Oo nga ‘no, Joan. Tama ka. Minsan talaga kailangang huwag maging padalos-dalos lalo na sa paggastos sa pera. Kailangang maging matalino sa paggasta nito, lalo na at hindi natin alam ang mga biglaang gastusin na puwedeng dumating sa buhay natin,” napagtanto na lamang ni Fidel.
Makalipas lamang ang isang linggo at tuluyan na ngang gumaling si Junior mula sa dengue.
Itinuloy na rin nila sa wakas ang pagpapabinyag dito subalit mas pinili nilang gawin na lamang itong simple at makahulugan. Makahulugan dahil alam nilang nabigyan ng panibagong buhay ang anak mula sa pagkakasakit.
Nairaos naman ang binyagan na walang nagsasabi o nagku-kuwestyon sa kanila kung bakit simple lamang ang seremonya.
“Maraming salamat, Joan, at napaintindi mo sa akin na hindi kailangang maging magarbo sa mga bagay-bagay,” pasasalamat na lamang ni Fidel kay Joan.
Simula noon ay unti-unti na ngang nagbago sa kaniyang pag-uugali si Fidel. Mas pinahalagahan na niya ngayon ang perang kinikita niya at inilalaan na niya ngayon sa mas matinding pangangailangan, para sa kaniyang pamilya.