Ulilang-lubos na ang magkapatid na Sebastian at Romullo kaya naman nag-usap silang dalawa kung paano maipagpapatuloy ang buhay ngayong wala na ang kani-kanilang mga magulang, na halos magkasunod lamang na binawian ng buhay.
“Walang-wala na tayong pera, Romullo, kaya kailangan nating mag-isip kung paano kikita ng pera,” saad ng panganay na si Sebastian, 20 taong gulang.
“Kailangan ko bang huminto sa pag-aaral, kuya?” namumugto pa ang mga mata ni Romullo, 15 taong gulang. Hindi pa rin siya makapaniwalang parehong wala na ang kanilang Mama at Papa.
“Hindi. Hindi ako papayag na hihinto ka sa pag-aaral. Kung nabubuhay pa sina Mama at Papa, tiyak na hindi sila papayag na mangyari iyan. Ang sinasabi ko lang, sana pagbutihin mo ang pag-aaral mo at kung may panahon ka naman, sana magtulungan tayo sa mga gawaing-bahay. Ako na ang bahalang mag-isip ng mapagkakakitaan,” paliwanag ni Sebastian sa kaniyang bunsong kapatid.
Literal na ginawang araw ni Sebastian ang kaniyang mga gabi. Bukod sa pamamasukan bilang service crew sa isang fast food chain, hindi rin siya nahiyang magtrabaho bilang student assistant ng kanilang propesor sa kolehiyo.
Dumating sa puntong nagkakasakit na siya subalit hindi maaaring tumigil sa paghahanapbuhay. Maraming gastusin sa paaralan, gayundin sa pag-aaral ng kaniyang kapatid na ayaw niyang mapahinto.
Sa gabi, nag-isip siya ng paraan kung paano kikita ng pera. Naisip niyang magsagawa ng online selling ng mga halaman. Tutal, marami silang tanim na halaman sa bakuran. Ito ang kinahiligang gawin ng kanilang Mama noong nabubuhay pa ito. Kahit paano naman ay nakatulong ang kita rito.
“May naiisip akong gawin, Romullo. Sana tulungan mo ako,” minsan ay nasabi ni Sebastian sa kaniyang kapatid.
“Ano ‘yun, kuya?” tanong ni Romullo sa kaniyang kuya. “Sabihin mo lang kung paano ako makatutulong sa iyo at gagawan natin ng paraan.”
“Balak kong magtayo ng mobile coffee shop gamit ang motorsiklo ko. Kailangan lang nating lagyan ng side car ang motorsiklo ko nang sa gayon ay makapaglako tayo.”
At gayon na nga ang ginawa ng magkapatid. Masarap magtimpla ng kape si Sebastian kaya naman pumatok sa mga parukyano ang kanilang panindang kape, at nagustuhan din ng mga ito ang kanilang mobile coffee shop. Tuwing Sabado at Linggo lamang nila ito ginagawa dahil wala naman silang mga pasok sa paaralan.
Nang makapag-ipon-ipon, kinausap muli ni Sebastian si Romullo.
“Napag-isip-isip ko, maluwag naman ang harapan natin, May kaunting ipon na rin naman tayo, naisip kong magtayo ng sariling sari-sari store sa harapan ng bahay natin. Kailangan nating magnegosyo para sa atin din ang balik ng ating kita, at para hindi na ako magpakapagod din bilang service crew sa fastfood chain.”
Sumang-ayon naman si Romullo sa mungkahi ng kaniyang kuya. Magkatulong nilang ginawa ang harapan ng kanilang bahay mula sa mga materyales na naiwan ng kanilang Papa bilang isang maestro karpintero. Namili rin sila ng kanilang mga paninda sa isang maliit na grocery sa palengke upang mas makatipid-tipid sa presyo.
Matapos ang ilang linggo, naitayo na nga ng magkapatid ang kanilang sariling sari-sari store. Hanganga-hanga ang mga kapitbahay nila sa dedikasyon at kasipagang ipinakikita ng magkapatid.
Kaya naman sinusuportahan nila ang magkapatid sa mga paninda nila. Alam kasi nilang kailangang-kailangan nila ang suporta nila lalo pa’t wala na ang mga magulang ng mga ito.
Dumating na ang pagtatapos ni Sebastian mula sa kolehiyo habang si Romullo naman ay nakatapos na rin ng Senior High School. Noon, ang kanilang sari-sari store ay naging mini grocery na. Nagbitiw na rin bilang service crew si Sebastian upang mas makapagpokus sa kanilang mini grocery. Itinuloy pa rin niya ang mobile coffee shop gayundin ang pagtitinda ng mga halaman tuwing gabi.
Mula sa mga negosyong ito, napagtapos niya ng pag-aaral sa kolehiyo si Romullo makalipas ang apat na taon. Ang mini-grocery ay naging malaking convenience store na habang ang kanilang mobile coffee shop ay nabigyan na rin ng sariling puwesto. Hindi na nila kinailangang maglako pa. Dinagdagan na rin nila ng milk tea ang kanilang paninda. Lalo ring lumago ang kanilang online selling ng mga halaman na pinapatrabaho na nila sa iba.
Tuwang-tuwa ang magkapatid sa naging bunga ng kanilang mga pagsisikap. Hindi sila makapaniwala na ang kanilang mga pagtitiyaga ay inaani na nila ngayon.
“Kuya, maraming salamat sa lahat ng mga pagtitiyaga at pagsisipag. Huwag kang mag-alala, ibabalik ko sa iyo ang lahat.”
“Romullo, ano ka ba… okay lang iyan. Magkapatid tayo kaya walang sumbatan. Pinaghirapan nating pareho kung anuman ang mayro’n tayo ngayon,” sabi ni Sebastian sa kaniyang bunsong kapatid.
Pinagmasdan ng magkapatid na Sebastian at Romullo ang mga negosyong kanilang pinaghirapan at nakaramdam na lamang sila ng matinding kasiyahan at pagmamalaki. Sigurado silang masayang-masaya ang kanilang mga magulang habang ginagabayan sila ng mga ito mula sa langit.

Nais ng Lalaki na Gawing Magarbo ang Binyag ng Kaniyang Anak; Paano Kung Kailanganin Nila ang Pera sa mas Matinding Pangangailangan?
