Inday TrendingInday Trending
Hindi Pumayag ang Ama ng Babae na Maging Inhinyero Siya Dahil Gawaing Panlalaki Umano Ito; Susundin Ba Niya ang Dikta Nito at Kalilimutan ang Sariling Pangarap?

Hindi Pumayag ang Ama ng Babae na Maging Inhinyero Siya Dahil Gawaing Panlalaki Umano Ito; Susundin Ba Niya ang Dikta Nito at Kalilimutan ang Sariling Pangarap?

Habang naghahapunan ang pamilya Amparo, isa-isang tinanong ni Mang Telesforo, ang padre de pamilya, ang kanilang mga anak kung ano ang nais nilang maging paglaki.

“Ako pa, gusto kong maging doktor,” agad na tugon ni Percival, ang bunso. “Gusto ko talagang manggamot po eh, saka astig kasi.”

“Good. Sige. Kahit mahal ang med school, sususportahan kita. Ikaw naman Nelia?” baling ni Mang Telesforo sa ikalawang anak na babae.

“Gusto ko pong maging abogado, ‘Pa. Alam naman ninyo, mahilig akong makipag-argumento. Kaya mukhang bagay sa akin ang propesyon na iyan,” malinaw na tugon ni Nelia sa kanilang ama.

Tumango-tango naman si Mang Telesforo.

“Ikaw naman Merlinda? Ano naman ang pangarap mo?”

“’Pa, gusto ko pong maging inhinyero. Gusto ko po kasing makabuo ng mga gusali at iba pang mga establishment.”

“Merlinda, hindi bagay sa iyo bilang babae ang maging inhinyero. Ikaw ang panganay sa magkakapatid. Iba ang nakikita kong dapat mong tahakin. Dapat ikaw ang mamahala sa mga negosyo natin dahil nga ikaw ang panganay. Iyan ang nais ko para sa iyo, ang maging matagumpay na negosyante ka,” saad ni Mang Telesforo sa kaniyang panganay na anak.

Napatingin na lamang si Merlinda sa kanilang inang si Aling Nancy. Nakipagtitigan ito sa kaniya. Parang sinasabi nitong sundin na lamang niya ang sinasabi ng ama.

“’Ma… bakit ganoon si Papa? Bakit pagdating sa akin, napakahigpit niya? Dahil ba sa ako ang panganay? Parang wala na akong sariling desisyong ginawa sa buhay ko,” paglalabas ng kaniyang hinanakit ni Merlinda sa kanilang ina.

“Anak, ganoon talaga ang Papa mo. Ganyan kasi ang pagpapalaki sa kanila ng lolo at lola mo. Malaki ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ng mga panganay. Para din naman sa ikabubuti mo ang nais ng Papa mo. Kapag siguro napagbigyan mo na siya sa nais niyang mangyari, palagay ko ay puwede mo nang gawin ang talagang gusto mo,” nasabi na lamang ni Aling Nancy.

Dahil likas naman ang pagiging masunurin ni Merlinda, pinagbigyan niya ang kahilingan ng kanilang ama. Business Administration ang kinuha niyang kurso sa kolehiyo.

Pinagbuti niya ang kaniyang pag-aaral, at nagustuhan na rin naman niya ang kursong pinili ng ama para sa kaniya. Hindi siya nagsayang ng oras. Kaya hindi kataka-takang nagtapos siya bilang Magna Cum Laude.

Dahil sa karangalang natamo, agad siyang natanggap sa kompanya nila at nagsimula siya sa pinakamababang posisyon hanggang sa siya na ang naging Vice President ng kanilang kompanya.

Nang mga sandaling iyon, isa na ring ganap na doktor at abogado ang kaniyang mga kapatid.

Kinausap ni Merlinda ang kanilang ama.

“’Pa, sana payagan mo akong magtayo ng sarili kong negosyo. Huwag kang mag-aalala, hindi naman kita kukumpetensyahin,” paghingi ng permiso ni Merlinda sa kaniyang papa.

“Anak, gawin mo na ang anumang bagay na nais mong gawin, hindi kita pipigilan. Napakalaki na ng naitulong mo sa kompanya, at wala na akong mahihiling pa.”

Kaya naman, mula sa kaniyang mga ipon at koneksyon, ipinagpatuloy ni Merlinda ang propesyong matagal na niyang inaasam-asam—ang pagiging inhinyero. Bakit hindi pagsamahin ang negosyo at pagiging inhinyero?

Nagpasya siyang magtayo ng construction company na kinabibilangan ng mga inhinyero na makatutulong sa kaniya para sa iba’t ibang mga proyekto.

Dahil sa kaniyang koneksyon sa negosyo, nakakuha siya ng mga kliyente na pinili ang kaniyang bagong tayong construction company upang gawin ang pagpapatayo ng kani-kanilang mga gusali. Ginamit ni Merlinda ang kaniyang natututuhan niya sa pagnenegosyo upang maisakatuparan ang lahat ng ito.

Makalipas lamang ang tatlong taon, lumaki nang lumaki ang construction company ni Merlinda. Hindi na lamang mga pribadong kliyente ang nagtiwala sa kaniya kung hindi maging ang ilang mga proyektong pampamahalaan ay ipinagkatiwala na rin sa kaniya.

Isa sa mga pinakamalaking proyektong nagawa ng construction company ay ang tulay na magdurugtong sa Luzon, Visayas, at Mindanao na talaga namang pinuri hindi lamang dito sa Pilipinas, kung hindi maging sa buong mundo!

Nakatanggap si Merlinda ng parangal dahil sa proyektong ito. Tuwang-tuwa ang kaniyang pamilya dahil sa malaking karangalang natamo niya mula rito.

“Napakahusay mo talaga, Merlinda. Mali ang sinabi ko noon sa iyo na hindi ka magtatagumpay sa propesyong panlalaki. Nagawa mong pagsamahin ang natutuhan mo sa negosyo sa propesyong gustong-gusto mo. Ipinagmamalaki ka namin!” tuwang-tuwang sabi ni Mang Telesforo.

“Salamat din po, Papa, dahil kung hindi ninyo ako sinabihan na pasukin ang negosyo, baka pangkaraniwang inhinyero ako ngayon at hindi ako nabigyan ng pagkakataon para magawa ang mga nagawa ko, salamat po!” pasasalamat ni Merlinda sa kaniyang ama.

Lalo pang dumagsa ang mga proyekto ng construction company ni Merlinda dahil na rin sa kaniyang kasipagan, kahusayan, at dedikasyon sa kaniyang ginagawa.

Advertisement