Nagagalit ang Ginang na Ito Tuwing Nagbibigay ng Habilin ang Anak; May Dahilan Pala Kung Bakit Ito Ginagawa ng Dalaga

Nagagalit ang Ginang na Ito Tuwing Nagbibigay ng Habilin ang Anak; May Dahilan Pala Kung Bakit Ito Ginagawa ng Dalaga

FamilyMysteryStories

“Mama, kapag nawala na ako sa mundong ito, huwag na huwag kayong mag-aaway ni papa sa pera, ha? May pera akong iiwan para sa inyong dalawa, paghatian niyo nang pantay ‘yon para walang tampuhan,” bilin ni Grace sa kaniyang ina, isang hapon habang nagdidilig sila ng mga halaman sa kanilang likod bahay. 

“Diyos ko! Ayan ka na naman, Lydia! Halos araw-araw na lang, para bang huling araw mo na sa mundong ito kung makapaghabilin ka! Nahihibang ka na ba? Gustong-gusto mo na bang mawala, ha?” galit na sagot ni Choleng habang tinitingnan nang masama ang anak. 

“Hindi naman sa ganoon, mama. Gusto ko lang pong sabihin ang mga dapat niyong gawin kapag nawala na ako. Hindi naman kasi natin alam kung kailan tayo malalagutan ng hininga,” katwiran nito na lalo niyang ikinainis. 

“Ay, naku, tumigil ka sa kakagan’yan mo! Hindi mo dapat iniisip ‘yang mga gan’yang bagay! Pwera na lang kung may…” hindi nito pinatapos ang kaniyang sasabihin at siya’y agad na niyakap. 

“Tapos, mama, ‘yong mga damit ko, iukay-ukay mo, ha? Mamahalin ang mga ‘yon, tiyak makakaipon ka!” patawa-tawang sabi pa nito. 

“Ewan ko sa’yo! Isa pang habilin, sasampalin na kita!” banta niya rito saka niya ito binasa ng isang tabong tubig dahilan para mapatakbo ito papasok ng kanilang bahay. 

Palagi na lang naiinis ang ginang na si Choleng sa tuwing magsasalita ng mga habilin ang kaniyang anak na dalaga na para bang huling araw na nito. 

Pakiwari niya kasi, iniinis lang siya nito at nais lang na siya’y mag-alala. Simula kasi noong bumukod ito ng bahay sa kanilang mag-asawa, hindi na niya nito nagagawang makumusta dahil nga bukod sa abala siya sa pagtitinda ng kaniyang mga halaman, panatag pa ang loob niyang ayos lang ito dahil magaling at madiskarte ito sa buhay. 

Kaya naman, sa tuwing dadalaw ito sa kanilang mag-asawa at magsisimulang magbilin ng kung anu-anong bagay, kung hindi niya ito pagsasalitaan ng hindi maganda, kaniya itong pinagbubuhatan ng kamay na tinatawanan lang ng dalaga dahilan para kaniya talagang maisip na nagbibiro lang ito. 

Nang araw na ‘yon, matapos niyang basain ng tubig ang anak, agad na ring itong nagpaalam na uuwi na. May trabaho pa kasi itong mamayang gabi at kailangan pang magpahinga kaya’t tinanguan niya lang ito nang magpaalam ito sa kaniya. 

Kaya lang, wala pang isang oras itong nakakaalis sa kanila, siya’y nakatanggap ng tawag mula rito dahilan para mapailing na naman siya.

“Tingnan mo ‘tong anak mo, wala pang isang oras na nahiwalay sa atin, tumatawag naman ngayon! Panigurado, kung anu-anong habilin na naman ang sasabihin nito!” inis niyang sabi sa asawa saka pinakita ang selpon na tinatawagan ng anak.

“Sagutin mo na lang, mahal, naglalambing lang ‘yan. Ikaw talaga, o,” malumanay na payo nito kaya kaniyang sinagot ang tawag kahit lingid sa kagustuhan niya. 

“Ito po ba ang mga magulang ni Ms. Grace? Gusto ko lang pong sabihin sa inyong nasa ospital po siya ngayon. Inatake po siya habang nagmamaneho kanina, mabuti na lang po at may dumaang ambulansya roon,” balita ng isang hindi pamilyar na boses.

“Naku, ha, kaibigan ka ng anak ko, ano? Huwag mo kaming lokohin, hija, walang sakit ang anak ko! Ang lusog-lusog no’n!” sigaw niya rito. 

“Totoo po, ma’am, magpunta na lang po kayo rito para mapatunayan niyo,” payo nito dahilan para mataranta silang mag-asawa na magpunta sa ospital. 

Pagkarating nila roon, saktong labas ng doktor na kaibigan ng kaniyang anak mula sa emergency room kung nasaan ang kanilang anak. Malalim na hininga ang sinalubong nito dahilan para siya’y labis na kabahan kasabay ng panghihina ng kaniyang mga tuhod. 

“Buhay ang anak namin, ‘di ba, hijo?” mangiyakngiyak niyang tanong dito. 

“Pasensya na po sa inyo, wala na po siya. Matagal na po ang sakit niya. Matagal na rin namin siyang kinukumbinsing magpaopera pero imbis na magpaopera po siya na milyon ang magagastos at walang kasiguraduhan kung magtatagumpay, pinili niya na lang na ilagay ang pera sa bangko niyo para raw makabawi siya sa inyo kahit na maaga siyang mawala sa mundong ‘to. Huli niya pong hiling, sundin niyo ang mga bilin niya,” anang naturang doktor saka siya mariing na niyakap.

Hindi siya makapaniwala sa nangyayari, napaupo na lang siya roon at napahagulgol habang pinapanalanging panaginip lang ang lahat.

“Kung alam ko lang anak, sinulit ko sana ang bawat araw na kasama kita at pinakinggan ang mga habilin mo kahit paulit-ulit pa,” iyak niya habang pinagmamasdan ang magandang anak na ngayo’y lulan na ng kabaong.

Bilang pag-alala at paggalang sa mga kagustuhan ng sumakabilang buhay na anak, taos-pusong sinundo ng mag-asawa ang lahat ng habilin ng pinakamamahal nilang anak.

More Stories