Inday TrendingInday Trending
Walang Naniniwala sa Bulag na Ito nang Sabihin Niyang Napagsamantalahan ang Misis Niya; Makamit Pa Kaya Nila ang Hustisya?

Walang Naniniwala sa Bulag na Ito nang Sabihin Niyang Napagsamantalahan ang Misis Niya; Makamit Pa Kaya Nila ang Hustisya?

“Paano mo naman kasi nalamang napagsamantalahan ang asawa mo, eh, parehas naman kayong may kapansanan. Bulag ka, habang pipi naman siya,” sabi ni John sa kaibigang bulag, isang hapon nang sadyain siya nito sa pwesto niya sa palengke.

“Basta, iba ang pakiramdam ko, John! Ramdam na ramdam ko na may ibang taong pumapasok sa bahay namin kapag umaalis ako upang maghanap ng makakain namin,” sagot ni Randy habang mangiyakngiyak.

“Paano mo nga nasabing may pumapasok sa bahay niyo, ha?” inis na tanong nito sa kaniya.

“Ilang araw ko nang nadadatnang nakatali ang asawa ko sa kama namin, nakakapa kong wala sa ayos ang mga gamit namin, at higit sa lahat, may iba akong amoy na naaamoy sa kwarto namin. Sigurado ako, may masama pa silang balak sa asawa ko. Ayaw naman akong pansinin ng mga pulis dahil nga bulag ako at walang maipakitang proweba. Ikaw na lang ang pag-asa ko,” hikbi niya saka kinapa at hinawakan nang mahigpit ang kamay ng kaibigan.

“O, sige, isang beses lang akong magpapaniwala sa kalokohan mong ‘to, ha? Kapag wala akong nakita, tumahimik ka na, huwag mo na akong gagambalain!” sagot nito sa kaniya.

“Salamat! Salamat!” paulit-ulit niyang sabi.

Nawawalan na ng pag-asa ang lalaking si Randy na mabibigyan niya pa ng hustisya ang pambababoy na nararanasan ng kaniyang asawa sa tuwing siya’y lalabas ng kanilang bahay upang maghanap ng kanilang makakain.

Nais man niyang buong araw itong bantayan, hindi niya magawa dahil hindi niya rin matiis na marinig ang pagkalam ng sikmura nito.

Marami na siyang nilapitan na awtoridad at personalidad, pero ni isa sa mga ito, walang nagbigay atensyon sa kaniyang nilalakad na kaso dahil nga bukod sa bulag na siya, wala pa siyang maipakitang proweba.

Hanggang sa sumagi sa isip niya ang nag-iisang kaibigan na maaaring makasaksi sa ginagawang pambababoy sa kaniyang asawa na pupwede niyang gawing proweba.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya labis na matuwa nang mapapayag niya itong hulihin sa akto ang mga nananamantala sa kaniyang asawa. Lalo pa siyang nagkaroon ng pag-asa nang sabihin nitong, “Kukuhanan ko ng bidyo para mayroon ka nang saksi, mayroon ka pang maipapakitang proweba.”

Pagkatapos nilang mag-usap, agad na nagsara ng tindahan ang kaibigan niyang ito upang siya’y samahang umuwi. Malayo pa lang sa kanilang bahay, natanaw na nitong may isang lumang sasakyan ang nakaparada sa tapat ng kanilang bahay.

“Sa’yo ba ang sasakyang iyon?” tanong nito na ikinataranta niya.

“Hindi! Malamang sa mga masasamang loob ‘yan! Magmadali tayo, kawawa naman ang asawa ko!” sigaw niya.

“Teka, kumalma ka! Hintayin mo na lang ako rito. Ako nang bahala. Kung maghuhunos dili ka, hindi natin sila mahuhuli sa akto at mapapasawalang-bahala na naman ang reklamo mo! Ang gawin mo ngayon, tumawag ka ng tulong sa mga tanod, pulis o kahit sa tambay d’yan sa kanto at magtiwala ka sa akin,” payo nito na kaniya nga namang sinunod.

Pagkatapos na pagkatapos nilang mag-usap, siya’y agad na naglakad nang mabilis habang kakapa-kapa sa paligid upang humingi ng tulong.

Mabuti na lang, may isang patrol ng mga pulis ang nagroronda sa kanilang lugar. Ayaw mang maniwala ng mga ito noong una sa kaniya, naawa ang mga ito nang siya’y lumuhod at magmakaawa dahilan para siya’y samahan ng mga ito umuwi.

Pagkarating nila roon, saktong palabas ng kanilang bahay ang dalawang lalaki na agad na pinadapa ng mga kapulisan. Agad siyang pumasok sa kanilang bahay at rinig na rinig niya ang mga ipit na hikbi ng pipi niyang asawang nagtatago sa kanilang aparador.

“Pasensya na, mahal, natagalan na naman ako,” iyak niya sabay yakap dito.

“Ang mahalaga, may proweba na kayo para sa kasong isasampa niyo, nahuli pa sila sa akto ng mga pulis,” paliwanag ng kaniyang kaibigan na ikinatuwa nilang mag-asawa.

At dahil nga sa nangyari, agad na nakulong ang dalawang lalaki. Pilit mang tumanggi ang mga ito, wala na silang takas dahil sa bidyong nakuhanan ng kaniyang kaibigan na labis niyang pinasalamatan.

Simula noon, muli nang naging komportable ang buhay nilang mag-asawa. Hindi man madaling tanggalin ang bangungot na naranasan ng kaniyang asawa sa isipan nito, araw-araw niya itong pinapasaya sa maliliit na bagay na kaya niya.

“Pangako, mahal, habang buhay kitang poprotektahan kahit na may kapansanan tayong dalawa dahil sa pagmamahal, walang imposible,” sabi niya rito habang ito’y nakahiga sa kaniyang bisig.

Advertisement