
Binigyan ng Sorbetes ng Binatang Ito ang Isang Batang Pulubi, Nawindang Siya nang Makita ito sa Social Media
“Kuya, kuya, kuya! Pahingi naman ako ng ice cream na binebenta mo! Matagal na akong hindi nakakakain niyan, eh!” daing ng batang si Jay sa isang mamang sorbeterong nakapwesto sa parke.
“Tumahimik ka nga riyan! Itong pulubing ‘to, nakikisabay pa sa mga bumibili! Nakakataranta ka lalo, eh!” sigaw ng tindero na lalong nagpakulit sa bata.
“Sige na, kuya, kahit ‘yong pinakamaliit na baso lang! Inggit na inggit na ako sa mga batang nakain ng ice cream mo, eh!” pangungulit pa nito habang pilit na sinisilip ang mga sorbetes na nakalagay isang malamig na lalagyang nakasakay sa isang kariton.
“Kung hindi ka tatahimik d’yan, tatawag na ako ng tanod para ikulong ka na sa barangay! Nakakaperwisyo ka na!” bulyaw pa nito sa bata dahilan para bahagya itong mapatahimik, “O, ano sa’yo?” tanong nito sa mamimiling nasa unahan ng pila.
“Ah, eh, isang basong ice cream po, ‘yong tig bebente,” sagot ni Cris saka agad na iniabot ang bente pesos niyang pera.
“Wow! Sa malaking baso ‘yon, kuya! Ang dami no’n!” manghang-manghang sabi ng bata na ikinangiti niya.
“Oo nga, eh, ubusin mo ‘yon, ha!” sabi niya rito na ikinapagtaka nito.
“Talaga po? Sa akin ‘yon?” tanong nito habang tinuturo ang sorbetes na tinatakal ng tindero, tumango-tango lang siya at ito’y malakas na sumigaw, “Yehey!” saka yumakap sa kaniya.
Kahit na pamasahe na lang ang laman ng bulsa ng binatang si Cris nang mapadaan siya sa isang mamang nagbebenta ng sorbetes at ito’y may binubulyawang batang pulubing nanghihingi, hindi siya nagdalawang-isip na pumila sa mahabang pila ng mga taong gustong bumili para maibili niya ang batang iyon at matahimik na ang naturang matanda.
Alam niya kasi kung gaano kahirap sikmurain ang pagiging isang pulubi na walang makain dahil siya’y nanggaling din sa krisis na ito noon.
Kasing edad niya ang batang iyon nang magsimula siyang magpagala-gala sa lansangan upang makahanap ng sarili niyang pagkain. Ilang bugb*g din ang inabot niya mula sa mga batang barumbadong nangunguha ng nalimos niyang pera at ilang araw din na palaging isang pandesal at tubig mula sa poso ang pinapanlaman tiyan niya.
Mabuti na lang talaga, may matandang naawa sa kaniya. Kinupkop siya nito at pinakain. Nang nasa tamang edad na siya at mahina na ang matandang kumupkop sa kaniya, siya’y nagpasiya nang magtrabaho kapalit nang maliit na halaga para may maipangtustos sa matandang nagbigay pag-asa sa kaniya.
Kaya naman, ganoon na lang ang awang naramdaman niya nang marinig kung paano sinisigawan ng mamang iyon ang naturang bata.
Pagkatapos niyang makuha ang biniling sorbetes, binigay niya agad ito sa naturang bata na talon nang talon sa sobrang saya saka siya naupo sa isang tabi.
“Maupo ka, baka matapon ‘yan,” sabi niya rito dahilan para maupo ito sa tabi niya.
Hindi niya maiwasang hindi mapangiti habang pinagmamasdan itong kumain. Kaya naman, napagdesisyunan niya itong kuhanan ng litrato gamit ang luma niyang selpon.
Kaya lang, dahil nga palyado na ang selpon niyang ito, imbis na sa kamera siya mapunta upang kuhanan ng litrato ang bata, sa social media siya napunta at laking gulat niya nang makitang kamukha ng batang kasama niya ang batang nawawala na naka-post sa social media.
“Bata, anong pangalan mo?” tanong niya rito nang may halong kaba.
“Jay!” masiglang sabi nito habang patuloy sa pagkain ng sorbetes.
“Nawawala ka ba? Nasaan ang mga magulang mo?” pang-uusisa niya pa.
“Hindi ko po alam kung nasaan sila mommy, eh, basta bigla ko na lang silang hindi nakita,” kwento nito dahilan para agad niyang padalhan ng mensahe ang taong nag-post ng larawang iyon.
Kahit kumakalam na ang sikmura niya, hinintay niya pa ring dumating ang nakausap niyang babae na palagay niya, nanay ng batang iyon.
Ilang oras pa ang lumipas, may isang magarang sasakyan ang tumigil sa harapan nila na agad nakilala ng bata.
“Mommy? Sasakyan namin ‘yan, kuya! Nand’yan na ang mommy ko?” makulit na sabi nito habang nagtatatalon at lalo itong nagsisisigaw nang isang yayamaning ginang ang bumaba, “Mommy!” sabi pa nito saka niyakap ang umiiyak na ginang.
Walang humpay na pasasalamat ang binigay ng naturang ginang sa kaniya. Sinama pa siya nito sa isang mamahaling restawran at binigyan ng malaking halaga ng pera bilang pabuya na ayaw niyang tanggapin.
“Biyaya ‘yan, hijo, oras na para maging maalwan ang buhay mo,” sabi pa nito na ikinaiyak niya sa sobrang tuwa.
Wala siyang sinayang ni isang sentimo sa perang kaniyang nakuha. Agad niyang pinaayos ang bahay ng matandang kumupkop sa kaniya, pinatingin niya ito sa doktor, at nagtayo ng tindahan para may paglibangan ito.
“Salamat, hijo, ha? Talagang pagpapalain ka sa kabutihang naninirahan d’yan sa puso mo,” sabi nito sa kaniya.
“Hindi po, papang, ikaw ang nagturo sa aking maging mabuti simula pa lang noong kupkupin mo ako,” sagot niya saka ito mariing niyakap.