
Pinagbabawalan ng Ginang na Ito ang Anak na Lumapit sa mga Pulubi, Sundin Naman Kaya Siya Nito?
“Anak, kapag may lumapit sa’yong pulubi sa labas ng school niyo, huwag na huwag mong bibigyan ng kahit anong limos, ha? Kapag kinausap ka, dedmahin mo lang, okay?” bilin ni Felice sa kaniyang anim na taong gulang na anak, isang umaga habang hinahanda niya ang babaunin nitong pagkain.
“Bakit naman po, mama? ‘Di po ba sabi niyo dapat po akong maging matulungin at mabait para may reward po ako?” walang muwang na tanong nito sa kaniya.
“Oo nga, pero kailangan mong umiwas sa mga taong iyon dahil masasama sila. Nanakawin nila ang pera at pagkain mo. Baka nga kuhanin ka pa nila at ibenta ang mga laman mo para magkapera sila! Gusto mo ba ‘yon?” sabi niya rito na talaga nga namang ikinatakot nito.
“Ayaw po, mama,” agad nitong sagot.
“O, pwes, makinig ka kay mama. Maging matulungin at mabait ka lang sa mga taong maganda ang pananamit katulad ng guro mo, mga tiyahin mo sa abroad, at ilan mong kaklase na mayayaman, dahil sigurado, kapag natuwa sila sa’yo, bibigyan ka nila ng reward!” payo niya pa na agad na ikinangiti nito.
“Sige po, mama, masusunod po!” masiglang sabi nito saka agad nang lumabas ng kanilang bahay nang marinig na nito ang busina ng traysikel na susundo rito.
Alagang-alaga ng ginang na si Felice ang kaniyang nag-iisang anak na babae. Ni ayaw niyang madapuan ito ng lamok o kahit mapawisan nang hindi niya napupunasan. Ayaw niya ring mapalapit ito sa mga marurusing na bata sa kanilang lugar sa paghihinalang may dalang sakit ang mga ito.
Sa katunayan, lingid sa kaniyang kagustuhan ang pagpapaaral dito sa isang pampublikong paaralan dahil bukod sa hindi siya bilib sa pagtuturo rito, hindi pa siya sigurado kung ligtas ang anak niya rito.
Kaya lang, dahil kulang ang perang pinapadala ng asawa niyang nagtrabaho sa ibang bansa para makapag-aral ito sa isang pribadong paaralan, siya nga nama’y talagang napilitan kaysa hindi makapag-aral ang anak niya.
Nang araw na ‘yon, pag-alis ng kaniyang anak, agad siyang nakibalita sa tricycle drayber na pinagkakatiwalaan niya. Nang malaman niyang ligtas itong nakapasok sa paaralan siya’y agad nang nagsimulang maglinis sa kanilang bahay. Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan nang nakauwi ang kaniyang anak. Masaya siya nitong sinalubong ng yakap at mga halik. Agad din nitong sinabing may mga takdang-aralin ito dahilan para siya’y magdali-daling tingnan ang mga sulat nito sa kwaderno.
No’ng makita niyang kailangan itong hanapin sa internet, pinaghandaan niya muna ito ng pagkain at siya na ang gumawa ng takdang-aralin nito.
Kaya lang, pagkabukas niya ng kaniyang selpon, sandamakmak na notipikasyon ang kaniyang natanggap mula sa social media niya dahilan para kaniya itong tingnan.
At halos lumuwa ang mga mata niya sa gulat nang makita ang isang bidyo ng kaniyang anak na nagpapakain ng isang matandang pulubi sa tapat ng paaralan nito.
Agad niyang sinermunan ang anak niyang kumakain at pinakita ang bidyong agad na sumikat sa social media.
“Mama, wala naman pong masamang tumulong sa mga katulad nila, eh. Mababait po sila, mama, hindi po ako sinaktan ng lolong ‘yan,” hikbi nito.
“Kahit na! Paano kung kinukuha lang niyan ang loob mo? Ayaw mong makinig kay mama, ha? Hindi talaga kita hahanapin kapag kinuha ka niyan!” sigaw niya rito na lalo ikinaiyak ng bata.
Hihinga-hinga niyang binasa ang mga komentong iyon at siya’y bahagyang kumalma nang mabasang maraming natuwa sa kaniyang anak. “Maganda ang pagpapalaki sa kaniya ng kaniyang magulang!”
“Sana lahat ng bata gan’yan!” “Karangalan ng nanay at tatay mo ‘yan, hija, good job!”
Ilan lang ito sa mga komentong nagbigay saya at pangongonsenya sa kaniya dahil alam niyang hindi niya tinuruan ang anak niya sa pagtulong sa pulubi bagkus, pinapalayo niya pa ito.
Doon niya agad na inamo ang anak at humingi ng tawad sa maling ginawa niya. Yumakap lang ito sa kaniya at sinabing, “Subukan mo rin sila tulungan, mama, panigurado uulitin-ulitin mo ang pagtulong dahil sobrang saya pong magbigay sa kanila,” na talaga nga namang kaniyang sinunod.
Kinabukasan, nagpasiya siyang ihatid sa paaralan ang kaniyang anak bitbit-bitbit ang ilang pagkaing pang-almusal na niluto niya. Nang makita niya ang matandang iyon, agad niyang iniabot ang dinala niyang pagkain at siya’y labis na natuwa sa paulit-ulit nitong pasasalamat habang mangiyakngiyak pa.
“Hulog kayo ng langit!” sigaw pa nito habang pisil-pisil ang kamay niya.
“Totoo ngang masayang tumulong sa mga nangangailangan, anak,” nakangiti niyang sabi sa anak nang ihatid niya na ito sa mismong silid-aralan nito.
Simula noon, imbis na pagbawalan, sinamahan at sinuportahan niya ang anak sa pagtulong sa iba na talaga nga namang nagbigay sa kaniya ng sayang hindi matutumbasan ng kahit anong bagay.