Inday TrendingInday Trending
Iniwanan ng Misis na Ito ang Kaniyang Mister para sa Kaniyang Kalaguyo; May Lihim Pala Itong Itinatago na Sasambulat sa Kaniyang Harapan

Iniwanan ng Misis na Ito ang Kaniyang Mister para sa Kaniyang Kalaguyo; May Lihim Pala Itong Itinatago na Sasambulat sa Kaniyang Harapan

“Iniwan ko na ang mister kong si Alexis, Franco. Sasama na ako sa iyo. Lumayo na tayo rito, babe!”

Pinupog ng halik ni Velka ang kaniyang mayamang kalaguyong si Franco.

“Teka, teka muna Velka… mabuti hindi ka pinigilan ng mister mo?” tanong ni Franco sa kaniyang kalaguyo.

“Wala naman siyang magagawa. Naku, huwag na nga natin siyang pag-usapan! Kinikilabutan lang ako kapag naiisip ko siya. Alam mo mahal, hindi ko alam kung bakit sumama at nagpakasal ako sa kaniya. Sa loob ng dalawang taong pagsasama namin bilang mag-asawa, ni hindi man lamang niya ako napakain sa isang mamahaling restaurant. Kaya naman nagpapasalamat ako dahil nakilala kita! Para talaga tayo sa isa’t isa!” pahayag ni Velka kay Franco.

Siniil ng halik ni Franco ang mapupulang mga labi ni Velka.

“Mabuti naman at naisip mo iyan. Sige, ipasok mo na ang mga gamit mo rito sa loob ng condo ko, at simula ngayon, dito ka na titira. Gagawin kitang reyna, babe. Ipalalasap ko sa iyo ang ginhawa ng buhay na hindi naibigay sa iyo ng inutil mong mister,” pangako ni Franco.

At nilasap nila ang gabing iyon bilang magkasama na sa buhay. Masayang-masaya si Velka sa kaniyang desisyong pang-iiwan sa kaniyang walang kuwentang asawa. Si Franco ang nakikita niyang mag-aahon sa kaniya sa kahirapan. Negosyante ito at mayaman. Hindi magiging problema ang pera. Ipinagpapasalamat na lamang ni Velka na hindi pa sila biniyayaan ng mga anak ni Alexis kaya naging mabilis ang kaniyang desisyon na abandonahin na ito.

Matuling lumipas ang tatlong buwan. Napag-alaman ni Velka na nagbunga na ang kanilang kataksilan ni Franco. Masayang-masaya siya dahil tila nabigyan siya ng lisensya upang hindi siya iwanan ni Franco dahil sa kanilang anak.

“Magtatrabaho akong maigi para sa anak natin, kaya dito ka lang sa condo at huwag na huwag kang aalis,” mahigpit na bilin sa kaniya ni Franco.

Isang araw, habang nasa trabaho si Franco, isang ‘di-inaasahang bisita ang dumating.

“Sino sila?” tanong ni Velka sa sopistikadang babaeng bumungad sa kaniya.

“Ikaw ba si Velka?” mataray na tanong nito.

Kinabahan si Velka. “O-oo ako nga, bakit?”

Isang nakatutulig na sampal ang pinakawalan ng babae sa kanang pisngi ni Velka.

“Walang hiya kang kabit ka! Ako ang legal na misis ni Franco, si Ernestina! Hindi mo ba alam na may asawa na ang kinakalantari mo?”

Inihagis ni Ernestina ang wedding photo nila ni Franco na labis na ikinagulat ni Velka.

“Sabagay, hindi na naman na ako nagugulat. Ganyan talaga si Franco. Baka akala mo ikaw lang ang nag-iisang kabit? Para sabihin ko sa iyo, marami kayo kaya huwag kang ambisyosa!”

Kaya naman nang umuwi si Franco, agad itong kinompronta ni Velka. Hindi naman nito tinatwa ang lahat.

“Patawarin mo ako Velka. Ikaw naman ang lumapit sa akin eh. Isa lang naman akong manok na handang tumuka sa mga palay na lumalapit. Lalaki lang ako,” paliwanag ni Franco.

“Napakahayop mo naman, Franco! Sinungaling ka!” lumuluhang sumbat ni Velka kay Franco.

Paano pa niya hihiwalayan ngayon ang lalaking ito kung may laman na ang kaniyang sinapupunan?

Naalala niya ang kaniyang mister na si Alexis. Mukhang kinarma siya sa kaniyang ginawa.

Isang araw, minabuti niyang dalawin ang bahay ng kaniyang mister. Subalit wala nang tao rito.

“Velka, umalis na riyan si Alexis. Balita ko ay mangingibang-bansa na,” balita sa kaniya ng kapitbahay.

Malungkot na malungkot si Velka. Ni hindi man lamang siya nakapagpaalam kay Alexis.

Simula nang malaman ni Velka na kabit lamang siya ni Franco ay lagi na silang nag-aaway. Walang araw na hindi sila nagtatalo. Hanggang sa maisilang ni Velka ang kanilang anak, na siya na lamang naging dahilan upang maipagpatuloy niya ang pamumuhay.

Hindi matanggap ni Velka na tinalikuran niya ang kaniyang buhay sa piling ni Alexis, para lamang maging habambuhay na kabit. Gayong sa piling ni Alexis, isa siyang legal na asawa.

Makalipas ang dalawang taon, habang namamasyal si Velka sa mall kasama ang anak, hindi sinasadyang magkrus ang landas nila ni Alexis. Nagulat siya sa malaking pagbabago nito sa pisikal na aspeto. Mas nagmukha itong bata at mas gumwapo.

Habang siya naman, parang tumanda ang hitsura niya dahil sa kunsumisyon sa madalas na pag-aaway nila ni Franco. Napag-alaman niya kasing wala itong tigil sa pambababae.

Sising-sisi si Velka dahil may sarili na ring pamilya si Alexis. Mukhang masaya na ito sa panibagong pag-ibig na natagpuan nito. May mga anak na rin.

Gustuhin mang ibalik ni Velka ang lahat, wala na siyang magagawa. Iba na ang kani-kanilang mga buhay, at lahat ng iyon, ay kasalanan niya. Dahil sa ginawa niyang pang-iiwan kay Alexis. Wala na siyang magagawa ngayon kung hindi ang yakapin ang buhay na mayroon siya ngayon dulot ng kaniyang mga maling desisyon sa buhay.

Advertisement