Inday TrendingInday Trending
Malaki na raw ang Ulo ng Binata, Palibahasa ito ang Tumutulong sa Kanilang Lahat; Konsensya ang Naramdaman Nila nang Maglabas ito ng Sama ng Loob sa Pamilya

Malaki na raw ang Ulo ng Binata, Palibahasa ito ang Tumutulong sa Kanilang Lahat; Konsensya ang Naramdaman Nila nang Maglabas ito ng Sama ng Loob sa Pamilya

“Diego, baka naman pwedeng makahingi ng tulong,” ani Dan sa kapatid. “Palugi na naman kasi ang tindahan ko, Diego, kaya kakailanganin ko na naman ulit ng dagdag pinansyal. Noong nanganak kasi si misis, ang pera sa tindahan ang nagastos ko-“

Hindi magawang ituloy ni Dan ang pagpapaliwanag sa kapatid sa nakitang pagsasalubong ng kilay nito.

“P-pero kasi, Diego, inisip ko naman na maibabalik ko rin ‘yong pera sa tindahan. Ang kaso…”

“Ang kaso, kuya, ay hindi naibalik. Dahil gipit din kayo at parehong walang trabaho at tanging ang tindahan niyo lamang ang inaasahan niyo, tama ba ako?” ani Diego.

Sa tatlong magkakapatid ay si Diego lamang ang may magandang trabaho. Siya lang kasi ang nakapagtapos ng pag-aaral at nagtiyaga hanggang sa marating niya ang tagumpay na mayroon siya ngayon.

Si Dan noong kabataan ay mas gustong matupad ang pangarap na pag-aartista, kaya mas piniling ipagpaliban ang pag-aaral. Ang bunso namang si Daniela, hindi nakapagtapos ng kolehiyo dahil nabuntis ito nang maaga at mas pinili na lamang na mag-alaga ng anak kaysa ang mag-aral.

Kaya kung may mga kailangan man ang mga kapatid ay si Diego ang parehong natatakbuhan ng mga ito. Dahil alam ng mga ito na siya ang mas may kakayahang magbigay at tumulong dahil bukod sa wala siyang nobya o asawa ay may maganda siyang trabaho. Tanggap naman niya ang bagay na iyon, paminsan-minsan nga lang ay nakakapagod na’t nakakasawa ang palaging sa kaniya na lamang nakaasa ang buong pamilya.

“Hindi naman sa gano’n, Diego, pero kaya ko namang bayaran basta tulungann mo lang akong magdagdag ng puhunan upang malagyan ko ulit ang tindahan at saka ko na paiikutin ang puhunan, saka babayaran din kita sa lahat ng utang ko sa’yo. Huli na ito,” ani Dan.

“Nakailang “huli” ka na, kuya?” ismid ni Diego.

“Teka! Bakit ba ang yabang-yabang mong magsalita?” inis na wika ni Dan. “Lumalapit ako sa’yo para manghingi ng tulong, hindi upang tratuhin ako nang gan’yan! Palibhasa kasi sa’ting magkakapatid, ikaw ang nakaka-angat-angat kaya ang yabang-yabang mo! Ano ba ang ipinagmamayabang mo, Diego?!” galit na wika ni Dan.

“Hindi kita pinagyayabangan, kuya. Sinasabi ko lang kung ano ang totoo,” kalmadong wika ni Diego.

“”Yon na nga e! Ang laki-laki ng ulo mo at kay bilis lamang para apakan kami ng kapatid mong hanggang ngayon ay nasa baba pa rin, kasi sa’ting tatlo, ikaw ang may magandang trabaho! Kung ayaw mong tumulong, deretsuhin mo ako. Hindi iyong gan’yan ka na ang yabang mo at parang may ipinagmamalaki ka sa’kin!” galit pa rin na sigaw ni Dan.

Kaysa patulan ang kapatid ay pinili na lamang ni Diego ang talikuran ito at pumasok sa loob ng bahay upang magpaalam sa mga magulang na uuwi na nang maaga at mas nakakapagod makipag-usap sa taong mahirap kausapin.

“Huwag mo akong tinatalikuran, Diego! Bastos ka rin e, baka nakakalimutan mong ako pa rin ang kuya mo!” inis na singhal ni Dan.

Laking gulat naman ng mga magulang nila sa nasaksihang pagtatalo ng dalawa. Kaya imbes na awatin ang mga ito’y nakatulala lamang na nakatitig ang mga ito kay Dan.

“Ang laki ng ulo mo! Salamat sa lahat ng naitulong mo sa’kin at sa pamilya ko! Huwag kang mag-aalala, babayaran kita. Sisikapin kong bayaran ang lahat ng utang ko sa’yo!” galit na kausap pa rin ni Dan sa kapatid.

“Sige, kuya, bayaran mo lahat. Lahat ng naging utang mo sa’kin. Pati na rin ang sakripisyong ginawa ko para sa’yo, bayaran mong lahat ng iyon, para wala ka nang utang na loob sa’kin,” matigas na ani Diego.

Hindi na niya kayang timpiin ang galit.

“Alam mo, kailanman ay hindi kita pinagmayabangan. Halos lahat pa nga ng gusto mo noon ay sinunod ko, kasi kuya ka e, sumunod lang ako sa’yo. Natatandaan mo, nag-aaral ka ng hayskul, nasa grade 6 naman ako. Pinakiusapan mo ako na ako na muna ang pumalit sa paggawa sa bukid kasi may praktis ka ng sayaw at iyon ang gusto mong gawin dahil gusto mong sumikat? Ayaw mong maging habambuhay na magsasaka kaya hayskul pa lang gumagawa ka na ng paraan para makapasok ka sa pag-aartista,” ani Diego, inis na hinarap si Dan.

“Kahit wala akong alam sa pagbubukid, sinunod ko ang gusto mo. Hindi lang ‘yon, kolehiyo ka habang ako naman ay graduating sa hayskul, nakiusap ka kay papa, ‘di ba? Nakiusap ka na bigyan ka niya ng sapat na pera, baon papuntang Maynila dahil may sasalihan kang audition. Tumigil ka sa pag-aaral, ibinenta nila papa at mama ang bukid para suportahan ka sa gusto mo. Hindi lang ‘yon, hindi ako nakapagkolehiyo, kasi wala na silang pera, naubos sa’yo! Sa pangarap mong hindi mo naman natupad!” aniya sabay turo sa kapatid.

Nakayuko ang lahat. Pati ang kaniyang mga magulang ay hindi mapigilan ang maiyak sa panunumbat niya.

“Masyado kang mahal nila papa at mama para isakrispiyo ang kinabukasan ko para sa’yo, kuya, pero palagi mo kaming binibigo!”

Hindi na niya napigilan ang paghagulhol ng iyak sa mga alaalang animo’y tubig-baha na kusang dumaloy sa kaniyang isipan.

“Nandito ako ngayon sa kung nasaan ako dahil pinaghirapan ko ‘to. Nagsikap ako na marating ‘to, dahil sino pa ang aasahan nila mama at papa kung ang panganay nilang mahal ay palaging palpak at nabibigo sa pangarap na sinasabi nito? Hindi ako kailanman nagyabang sa inyo, pero napapagod rin ako, kuya! Kayo na lang palagi ang iniisip ko, halos kalimutan ko ang sarili ko para sa inyo. Tapos ganito lang ang matatanggap ko, mula sa’yo?” aniya saka humagulhol ng iyak.

Masama ba ang mapagod? Kailan ba sila magsisikap sa sarili nila?

Umiiyak na lumapit ang kaniyang ina saka siya mahigpit na niyakap at panay ang hingi ng kapatawaran, gano’n rin ang ginawa ni Daniela. Habang nakayuko at tahimik na humihikbi naman ang kanilang ama at si Dan.

Nang gabi ring iyon ay masinsinang nag-usap ang buong pamilya. Kaniya-kaniyang naglabasan ng sama ng loob sa isa’t-isa at kaniya-kaniyang nanghingi ng patawad sa kung anoman ang nasabihing hindi maganda sa bawat isa.

Nangako si Dan na iyon na ang huling paghingi niya ng tulong kay Diego, nangako siyang magsisikap na sa buhay at hindi na magpapakatamad at magpapaka-kuya na sa kanilang lahat. Gano’n rin si Daniela, nangako itong magsisikap sa buhay para sa sarili at sa pamilya.

Niyakap naman ni Diego ang dalawang kapatid at nangakong hindi siya magsasawang tulungan ang mga ito, basta ipakita rin sa kaniya na tinutulungan rin ng mga ito ang sarili. Dahil kahit anong tulong ang gawin niya, kung hindi magsusumikap ang mga ito… balewala rin ang ginagawa niya para sa mga ito.

Dahil sa taglay ni Diego ang malakas na personalidad, hindi nila kailanman naisip na nahihirapan na rin pala ito. Hindi nila naisip na napapagod din itong intindihin sila palagi. Wala namang ibang ninais si Diego kung ‘di ang mapaayos ang buhay ng kaniyang mga kapatid, ngunit nakailang tulong na siya sa mga ito’y wala pa rin siyang nakikitang pagbabago. Walang kapatid ang kayang tumiis sa mga kapatid nila, pero nakakapagod din iyong palagi na lamang silang nakaasa sa’yo.

Handa pa rin naman siyang tumulong, pero sana sa pagkakataong ito’y may makita na siyang pagbabago. Iyon lamang ang makita niya’y magiging masaya na siya para sa mga ito.

Advertisement