Takot Mag-opera ng Pasyente ang Doktor na Ito; Isang Biglaang Operasyon ang Babago ng Lahat
“Anak, hindi ba’t rehistrado ka na? Bakit ayaw mo pang tumanggap ng pasyenteng gustong magpa-opera sa’yo? Sayang naman ang galing at talino mo kung patuloy mong itatago ‘yang kakayahan mo,” sabi ni Romel sa kaniyang anak, isang araw nang makita niyang nakakulong na naman ito sa sariling silid.
“Papa, ayos lang sana sa akin kung hindi buhay ng isang pasyente ang nakasalalay sa kamay ko, eh. Isang maling galaw ko lang, papa, maaaring ako ang maging dahilan ng pagkawala niya,” paliwanag ni Rain saka huminga nang malalim.
“Anak, hindi ka matututo kung hindi mo susubukan,” payo nito dahilan para siya’y mapatango-tango.
“Opo, papa, alam ko po ‘yon. Hayaan niyo po muna akong mag-isip-isip. Gusto ko pong maihanda muna ang sarili ko bago sumabak sa mga operasyon,” sabi niya pa rito na ikinangiti nito.
“Walang problema, anak, basta tandaan mo, walang duwag na doktor!” pagpapalakas pa nito ng loob niya saka siya tinapik-tapik sa likuran at mahigpit na niyakap, “Subukan mo kaya munang maglakad-lakad sa labas para lumanghap ng sariwang hangin?” payo pa nito sa kaniya.
“Magandang ideya po ‘yan, papa!” sabi niya saka agad na nagbihis nang may galak sa puso.
Kahit na mag-iisang buwan na ang nagdaan simula nang maging lisensyadong doktor ang binatang si Rain, hindi pa rin niya nagagawang humawak ng isang pasyente. Palagi niya itong pinapasa sa mga nakatatanda niyang katrabahong doktor dahil bukod sa wala na nga siyang bilib sa sarili, natatakot pa siyang magkamali at malagay sa alanganin ang buhay ng isang pasyente.
Mabuti na lang talaga, siya’y naiintindihan ng kaniyang mga katrabahong doktor doon at siya’y laging sinasalo. Ngunit sabi sa kaniya ng isa sa mga ito, “Hindi habambuhay pupwede mong ipasa sa amin ang pasyente, ha? Dapat lakasan mo ang loob mo! Hindi ka magkakalisensya kung palyado kang doktor!” na labis niyang inisiksik sa kokote niya upang huwag na siyang matakot.
Kaya lang, kapag nasa harapan na niya ang pasyente, hindi niya maiwasang isipin na sa kaniya nakasalalay ang buhat nito dahilan para siya’y labis na kabahan. Iyon din ang dahilan kung bakit siya nagpasiyang magpahinga muna at magkulong sa kaniyang silid.
Nang araw na ‘yon, matapos nilang mag-usap na mag-ama, siya nga’y lumabas ng kanilang bahay upang maglakad-lakad. Inutusan na rin siya ng kaniyang ina na mamili sa grocery upang siya’y maglibang lalo.
Pagkalabas niya, minabuti niya munang maglakad-lakad sa pinakamalapit na parke sa kanilang lugar. Siya’y naupo sa isang upuan doon sa ilalim ng punong mangga habang pinagmamasdan ang masasaya’t maiingay na batang naglalaro sa palaruan doon.
Maya maya pa, biglang kumulo ang kaniyang tiyan dahilan para magpasiya na siyang umalis upang makabili na ng kaniyang makakain.
Kaya lang, pasakay pa lang sana siya ng dyip nang bigla siyang may matanaw na matandang babaeng nakahiga na sa semento dahilan para humangos siya papalapit dito.
Nang maramdaman niyang malamig na ang pawis nito at may iniinda ito sa bandang tiyan, agad siyang tumawag ng traysikel upang ito’y dalhin sa ospital na kaniyang pinagtatrababuhan.
Agad niya itong tiningnan at ineksamina, roon niya nalamang malapit nang pumutok ang apendiks nito dahilan para agad niya itong dalhin sa kanilang operating room.
Kaya lang, nang hanapin niya ang mga doktor na katrabaho niya upang ipaopera ang matanda, lahat pala ito ay may hawak na kani-kaniyang pasyente dahilan para siya’y labis na mataranta.
“Ikaw na lang, dok, ang pag-asa ni lola,” sabi sa kaniya ng isang nars dahilan para siya’y labis na maglakas loob na isakatuparan ang operasyon na iyon.
Kabado at puno man siya ng takot, isiksik niya na lang sa isip niyang kailangan niyang iligtas ang matanda. Sabi niya pa sa sarili, “Walang duwag na doktor, Rain, kaya mo ‘to!”
Nanginginig na mga kamay at tagaktak na pawis man ang naranasan niya, lahat ng ito ay napawi nang masigurado na niya ang kaligtasan ng matanda sa pamamagitan ng isang matagumpay na operasyon.
Walang mapagsidlan ang kasiyahang naramdaman niya noong mga oras na iyon dahil alam niyang sa unang pagkakataon, nasugpo niya ang takot na mayroon siya at nailigtas niya pa ang isang matanda.
“O, ‘di ba? Kaya mo naman, eh!” sabi ng isang doktor matapos nitong umamin na tinaguan pala siya ng mga ito kanina para maharap niya ang takot na mayroon siya.
Hihinga-hinga siyang yumakap dito habang umiiyak dahil sa sobrang saya. Nabalitaan din ito ng kaniyang mga magulang dahilan para labis itong magdiwang sa tagumpay na kaniyang nakamtan.
Simula noon, hindi na siya muling nagpadala sa takot bagkus, ginawa niyang puhunan ang tapang na naani niya mula sa pangyayaring iyon at ang talinong kaniyang hinasa sa pag-aaral dahilan para siya’y maging isang magaling at maaasahang doktor sa ospital na iyon.