Akala ng Gastador na Dalaga ay Siya na ang Pinamaluwag ang Buhay; Nagising Siya sa Katotohanan Dahil sa mga Kaibigan
“Sorry, na-late ako. Ang gaganda kasi ng mga bag, naka-sale! Napabili tuloy ako!” humahagikhik na bungad ni Kristel sa kaniyang mga kaibigan nang dumating siya sa restawran kung saan nila napag-usapang magkita-kita.
Halos hindi siya magkandaugaga sa dami ng pinamili niya.
“Naku, ok lang, kadarating lang din namin,” sagot ni Sab, isa sa mga kaibigan niya.
Masiglang umupo siya sa tabi ng kaibigan.
“Kumusta naman kayo? Anong balita?” sabik na usisa niya sa mga kaibigan.
“Ikakasal na si Sab!” halos magkapanabay na tili ng kambal na sina Jess at Princess.
Napangiti si Kristel. Sa kanilang apat na magkakaibigan, si Sab ang unang-unang mag-aasawa, kaya naman masayang-masaya sila.
“Saan ang wedding?” nakangiting usisa niya sa kaibigan.
“Simpleng garden wedding lang. Pamilya at kayong malalapit na kaibigan ko lang ang imbitado. Sa Iya’s Garden lang,” masayang pagbabalita nito.
Agad na napalis ang ngiti ni Kristel sa narinig.
“Ano? Saan ‘yung Iya’s Garden, bakit parang hindi man lang kilala?” halos mapairap na komento niya.
Sandaling namayani ang katahimikan bago tila nakabawi sa pagkabigla si Sab.
“Ikaw naman, syempre ayaw rin namin nang masyadong bongga. Alam mo na, magsisimula kami ng pamilya, at gusto namin na maging handa kami sa mga gastusin,” malumanay na paliwanag nito.
Hindi maalis ang tikwas ng kilay ni Kristel. Ngunit hindi na siya nagsalita, dahil ayaw niya namang kontrahin ang kaibigan.
Dumako ang tingin niya sa magkakambal. Una niyang napansin ang gamit na bag ng dalawa. Bagaman kasi maayos pa ang mga iyon, halata sa gasgas na matagal nang ginagamit ang mga iyon.
“Kayong magkapatid! Ano ba naman ‘yang bag niyo? Bumili naman kayo ng bago. Baka isipin ng mga tao, mahirap tayo, nasa mamahaling restawran pa naman tayo!” nandidilat na bulong niya sa dalawa, na tinawanan lang ang sinabi niya.
“Alam mo naman kami simula dati pa, wala kaming hilig sa mga mamahaling gamit na ganyan,” naiiling na kontra ni Jess.
Napabuntong hininga na lamang si Kristel sa pagkadismaya. Sa kanilang magkakaibigan kasi, tila siya lang ang umaangat sa buhay. Siya lang ang nakakabili ng mga mamahaling bagay at siya lang ang nakakapunta sa mga mamahaling lugar.
Sinarili niya na lang ang saloobin dahil ayaw niya naman na lumabas na niyayabangan niya ang mga kaibigan.
Kaya naman nang matapos silang kumain, kahit na alam niyang mahal ang babayaran nila ay siya na ang nagprisinta na magbayad para sa kanilang lahat.
“Uy, ano ka ba, kani-kaniya na lang tayo, mamamahalan ka pa,” nahihiyang tanggi ni Sab.
“Ano ka ba, wala ‘to. Dala ko naman ang credit card ko, ako na ang bahala. Alam ko naman na kapos kayo,” aniya.
Sa huli ay wala ring nagawa ang mga ito kundi ang pumayag, kahit pa bakas ang pagtanggi sa kani-kanilang mga mukha.
“Punta lang ako sa restroom ha? Tapos pwede na tayong umalis,” paalam niya.
Nang bumalik siya ay masayang nagtatawanan ang tatlo. Si Sab ay may pinapakitang kung ano mula sa hawak nitong selpon.
“Ano ‘yan?” interesadong usisa niya.
“Halika, tingnan mo, eto ‘yung bahay na titirhan nina Sab pagtapos nilang magpakasal,” ani Princess bago iniharap sa kaniya ang cellphone.
Nalula siya sa nakita. Napakalaki kasi ng bahay na nasa larawan! Hindi lang iyon, nakatirik lang naman ang bahay sa isang ekslusibong subdibisyon!
Tatlong palapag iyon na nakatayo sa isang magandang hardin.
“Wow, ang ganda naman! Siguro mahal ang pagawa niyo sa bahay?” gulat na gulat na usisa niya sa kaibigan nang bumaling siya rito. Bakas sa mukha nito ang saya at kakuntentuhan.
“Oo, medyo mahal talaga magpagawa ng bahay. Pero masaya naman kami, kasi ito talaga ang dream house namin noon pa. Matagal din namin itong pinag-ipunan,” wika ni Sab.
Hindi makapagsalita si Kristel. Labis ang pagkawindang niya sa nalaman.
Dahil nagku-kwentuhan na rin naman tayo tungkol sa good news, sasabihin na rin namin ni Princess ‘yung good news namin,” maya-maya naman ay sabi ni Jess.
“Malapit nang magbukas ‘yung negosyo namin! Suportahan n’yo, ha?” pagbabalita nito.
“Wow! Ang galing naman! Anong negosyo ‘yan?” gulat man ay interesadong tanong niya sa magkakambal.
“Sosyo kami ni Jess, magtatayo kami ng malaking coffee shop sa loob ng subdivision na lilipatan ko. Nakapag-ipon-ipon na rin kasi ako ng pambili ng sarili kong bahay,” pagbabalita naman ni Princess.
Muli ay natigagal si Kristel. Lulang-lula siya sa nalalaman tungkol sa mga kaibigan! Sino nga ba ang mag-aakala na ang kaibigan niyang inakala niyang simple ay mayroon na palang mga naggagandahang bahay at negosyo na naipundar?
Tila nanliliit siya habang minamasdan ang sangkatutak na bag at damit na binili niya gamit ang kaniyang credit card, na buwan-buwan niyang binubuno para mabayaran.
Inakala niya na siya ang nakaluluwag sa kanilang magkakaibigan, gayong kung tutuusin ay siya ang pinakakulelat sa lahat!
Nang makauwi si Kristel sa kaniyang maliit na apartment ay noon siya nagkaroon ng oras para mag-isip-isip.
Napagtanto niya na habang ikinasasaya niya ang pagbili ng mga materyal na bagay, panahon na rin para maging praktikal!