Dahil sa Trabaho ay Binalewala ng Isang Doktor ang Kaniyang Ina; Sa Huli ay Labis ang Naging Pag-iyak Niya
Pilit na pinigil ni Miguel ang nararamdaman niyang iritasyon dahil sa walang kapagurang kwento ng kaniyang ina.
“‘Ma, kailangan ko na po talaga ibaba ‘tong tawag, kasi titingnan ko pa po ang mga pasyente ko,” malumanay na paalam niya sa ina.
Agad na nanamlay ang boses nito.
“Ganoon ba, anak? Sige, magtrabaho ka na. Tawagan mo ako kapag hindi ka masyadong abala, ha?” bilin pa nito bago ibinaba ang tawag.
Napabuntong hininga na lamang siya. Simula kasi noong madestino siya sa Maynila ay hindi niya na ito halos makita.
Pagod na pagod siya sa pagtatrabaho. Kung wala naman siyang duty sa ospital ay ginugugol niya ang oras niya sa pagtulog at pagpapahinga.
Siya ay nag-iisang anak, at iyon ang unang pagkakataon na nagkahiwalay silang mag-ina. Ngunit wala naman siyang magagawa dahil sa tawag ng kaniyang tungkulin.
Tuloy-tuloy ang pasok ng mga pasyente, at dahil doon ay halos hindi na namalayan ni Miguel na diretsong labing apat na oras na pala siyang nagtatrabaho.
Halos nanlalabo na ang mata niya sa sobrang antok, at sumasakit na rin ang ulo niya. Kaya naman nang dumating ang doktor na kapalit niya ay dire-diretso siyang pumunta sa sleeping quarters para bumawi ng tulog.
Agad siyang nakaramdam ng ginhawa nang dumaiti ang likod niya sa malambot na higaan. Wala pang isang minuto ay hinila na siya ng antok.
Ngunit maya-maya ay nagising din siya sa pagtunog ng kaniyang cellphone. Sa pag-aakala na isa iyong tawag ukol sa isang pasyente ay agad niyang sinagot ang tawag.
“Anak…”
Halos mapasigaw siya sa labis na inis. Ngunit hindi niya naman iyon magagawa sa kaniyang ina kaya naman nakinig na lamang siya sa kwento nito.
Dahil sa pagod ay nakatulog din siya. Paggising niya ay ubos na ang baterya ng kaniyang selpon.
Nang mai-charge niya iyon ay agad siyang nagtipa ng mensahe para sa ina.
“‘Ma, sorry kanina, na-lowbat bigla ang cellphone ko,” paliwanag niya.
Agad naman itong sumagot.
“Walang problema, anak. Magpahinga ka riyan at alagaan mo ang iyong sarili,” bilin nito.
Kinagabihan ay mas lalong tumindi ang buhos ng pasyente lalo pa’t maulan ang panahon.
Kasalukuyang ginagamot ni Miguel ang isang lalaki na nabangga ang sasakyan nang tumunog ang kaniyang selpon.
Inis na sinagot niya iyon nang makita ang pangalan ng kaniyang ina.
“‘Ma, ano ba? May duty po ako, dapat hindi kayo tumatawag dahil nakakaabala po kayo. Hindi po ba makakapaghintay ‘yan?” inis na bungad niya.
“Sa susunod, hintayin niyo na lang po ang tawag ko, ako na lang ang tatawag kapag libre ako,” bilin pa niya rito.
Ilang sandali itong nanahimik bago sumagot sa mahinang-mahinang boses.
“Okay, anak. Pasensiya ka na.”
Naiiling niyang ibinaba ang tawag. Ayaw na ayaw niya kasi na may umaabala sa pagtatrabaho niya.
Nang mga sumunod na araw, hindi na siya nagtaka nang wala siyang matanggap na kahit na anong mensahe mula sa ina.
Wala ang karaniwang mensahe nito na “Good morning,” o ‘di kaya’y “Kumain ka na ba?”
Noong unang araw ay komportable siya roon, dahil tungkol sa trabaho na lang ang dahilan ng pagtunog ng selpon niya.
Ngunit nang lumipas ang halos isang linggo ay may napagtanto siya.
“Nasaktan ba si Mama sa mga sinabi ko?” sa loob-loob niya. Hindi niya maiwasang mag-alala.
Kaya nang sumunod na araw at wala siyang pasok sa ospital ay naisipan niya na surpresahin ito. Ilang buwan na rin naman niya itong hindi nakikita.
Bago siya umuwi sa kanilang probinsya ay bumili pa siya ng isang kahon ng puto na alam niyang gustong-gusto nito.
Ngunit nang umuwi siya sa bahay nila, imbes na ang kaniyang ina ang masorpresa ay siya ang nagulat.
Wala kasing tao sa bahay nila. Bahagya na ring kumapal ang alikabok doon, palatandaan na ilang araw na rin simula noong malinis ang bahay.
Kinakabahan man ay pilit niyang kinalma ang sarili at tinawagan ang numero ng kaniyang Mama. Ngunit hindi ito sumasagot.
Nanlalambot na napaupo siya sa sofa sa sala. Maya-maya ay may narinig siyang sumigaw mula sa labas ng kanilang bahay.
“Mareng Elvie, nakauwi ka na ba mula sa ospital?”
Patakbo niyang tinungo ang pinto at nakita niya ang mag-asawa nilang kapitbahay.
“Miguel, nariyan ka pala! Nakauwi na ba ang Mama mo?”
Mas lalong lumalim ang gatla sa noo ng binatang doktor.
“H-hindi ko po alam kung nasaan si Mama. Alam niyo po b-ba?” utal-utal na usisa niya sa kapitbahay.
Bumakas ang pag-alala sa mukha ng mag-asawa.
“Naku, hindi mo ba alam? Isang linggo na simula noong isugod sa ospital ang nanay mo. Na-high blood, kaya nawalan ng malay,” pagbabalita ng babae.
Tilla may bombang sumabog sa harap ni Miguel. Nanginginig man ay mabilis pa sa alas kwatro na sumugod siya sa ospital na binanggit ng kanilang kapitbahay.
Habang nasa daan ay walang patid ang pagluha ng binata dahil sa labis na pag-aalala. Naalala niya noong huling beses tumawag ang ina sa kaniya.
“Diyos ko, sana ay maayos ang lagay ng Mama ko,” paulit-ulit na dasal niya.
Nang dumating siya sa ospital ay nakahinga siya nang maluwag nang makita ang kaniyang ina na nakaupo sa kama nito.
Ngunit tila kinurot ang puso niya nang makitang malungkot itong nakatingin sa mga pamilyang bumibisita sa mga kapwa nito pasyente.
Patakbo niyang nilapitan ang ina saka ito niyakap nang sobrang higpit.
“Anak, bakit narito ka?” nagtataka man ay may mababakas na galak sa mukha ng matanda.
“Akala ko kasing nagtampo kayo, kaya hindi n’yo na ako tinatawagan. Babawi sana ako. ‘Yun pala, nasa ospital kayo, hindi ko man lang alam. Wala akong kwentang anak, naturingan pa naman akong doktor…” Muling tumulo ang luha ng binata sa labis na pagsisisi.
Kumunot ang noo nito.
“Hindi ako nagtampo! Alam ko naman ang tungkulin mo. Hindi ko lang sinabi dahil ayaw kong mag-alala ka. Maayos na ang lagay ko, sabi ng doktor, at wala kang dapat ipag-alala. ‘Wag ka nang umiyak at maiiyak din ako niyan,” natatawang paliwanag nito.
“Sorry, Mama…” paulit-ulit niyang anas sa ina. Malaki ang pasasalamat niya na maayos ang lagay nito at ligtas na ito mula sa panganib.
Kaya naman sa paglabas ng kaniyang ina sa ospital ay siniguro niya na hindi niya na uunahin ang trabaho at babalewalain ang kaniyang ina. Dahil bago siya naging doktor, isa siyang anak.
Isang malaking aral ang naging dulot ng pangyayaring iyon sa buhay ni Miguel. Natutunan niya na maging mapagpasalamat sa presensya ng mga taong nagmamahal at nag-aalala sa kaniya. Dahil hindi natin alam kung hanggang kailan natin sila makakasama.