Inday TrendingInday Trending
Gumuho ang Mundo Niya nang Matuklasan ang Lihim ng Kaniyang Ama; Mas Lalo Siyang Nawasak nang Komprontahin Niya Ito

Gumuho ang Mundo Niya nang Matuklasan ang Lihim ng Kaniyang Ama; Mas Lalo Siyang Nawasak nang Komprontahin Niya Ito

“Maureen, ‘wag ka sanang magalit, ha. Pero parang nakita ko ‘yung Papa mo sa pinuntahan kong restawran kahapon. Hindi ba ang sabi mo nasa Maynila ngayon si Tito Arnold para magtrabaho?”

Natigilan si Maureen sa narinig na balita mula sa kaniyang kaibigan na si Pia.

“Oo. ‘Yun ang sabi niya sabi niya sa amin bago siya umalis, kailangan niya raw lumuwas muna para makipagkita sa bagong kliyente. Baka naman kamukha lang, Pia. May kasama ba?” usisa niya.

Tila binalikan nito sa alaala ang nakita.

“Siguro nga, kamukha lang. Kasi ‘yung nakita ko may kasamang babae saka dalawang anak. Mga kasing-edaran lang natin. Imposible namang si Tito ‘yun, ano! Sorry, baka nga nalito lang ako!” anito.

Ngumiti siya sa kaibigan at tumango.

“Okay lang! Sigurado naman akong hindi si Papa ang nakita mo. Kung may pinakamatapat na tao man akong kilala, si Papa ‘yun. Hinding-hindi siya magsinungaling sa amin ni Mama,” seryoso niyang wika sa kaibigan.

Napakalaki ng tiwala niya sa kaniyang ama. Palagi man itong abala sa trabaho, kahit na minsan ay hindi naman ito nabigong iparamdam sa kaniya kung gaano siya nito kamahal. Palagi itong bumabawi at ibinibigay sa kaniya ang lahat ng kailangan at luho niya kaya’t wala siyang mairereklamo rito.

Para sa kaniya, perpekto ang kaniyang Papa.

Ngunit hindi niya akalain na guguho ang kaniyang pinaniniwalaan nang isang araw ay siya mismo ang makakita sa pagtataksil ng sariling ama.

Namamasyal siya sa mall nang makakita siya ng isang magandang bestida na alam niyang bagay na bagay sa kaniyang ina.

Kukunin niya na sana iyon nang maunahan siya ng kung sino na damputin iyon. Pakiramdam niya ay inagaw iyon mula sa kaniya.

Napasimangot si Maureen.

“Sandali lang po!” pigil niya sa babae, ngunit hindi siya pinansin nito.

Naiiinis siyang sumunod sa babae, balak niyang makiusap na ipaubaya na nito ang damit sa kaniya ngunit natigagal nang makita kung sino ang lalaking kasama nito. Walang iba ang kaniyang Papa!

Ayaw niya sanang mag-isip nang hindi maganda, ngunit narinig niya na ang usapan ng dalawa.

“Ano sa tingin mo, mahal?” tanong ng babae sa Papa niya habang ipinapakita rito ang damit na hawak.

“Maganda. Bagay na bagay sa’yo, mahal,” sagot ng naman kaniyang ama.

Nagpupuyos siya sa galit dahil sa narinig na usapan, ngunit hindi niya rin magawang lumapit dahil nanghihina siya sa nalaman. Hindi niya sukat-akalain na magagawa silang lokohin ng kaniyang ama. Napakalaki ng tiwala nilang mag-ina rito ngunit may kabit pala ito!

Tuluyan nang bumulwak ang luha niya nang makita na mayroong kasama ang dalawa. Pawang mga dalaga na at sa tantiya niya’y hindi nalalayo ang agwat ng edad sa kaniya. Nakumpirma nga na mga anak ito ng kaniyang ama nang tawagin nila ang kaniyang Papa na “Daddy.”

Ibig sabihin ba ay matagal na sila nitong niloloko?

Wala siyang nagawa kundi ang panoorin ang mga ito mula sa malayo. Wala pa siyang lakas ng loob para komprontahin ang mga ito, kaya’t sinundan na lamang niya ang mag-anak para malaman kung saan nakatira ang mga ito.

“Anong nangyari sa lakad mo, anak? Bakit ganyan ang mukha mo?” bungad ng kaniyang ina nang makita siya.

Matagal niya itong tinitigan. Iniisip kung paano niya sasabihin dito ang katotohanan nang hindi ito lubos na nasasaktan. Ngunit sa huli ay napagtanto niya rin na kahit anong tago ang gawin niya ay masasaktan pa rin ito kapag nalaman ang totoo.

“Ma, ‘wag kang mabibigla pero nakita ko si Papa kanina, may kasama siyang iba.”

Hindi ito nagsalita, ngunit may butil ng luha na tumulo mula sa mga mata nito.

Ikinuwento niya sa ina ang buong pangyayari. Wala siyang pinalampas na detalye. Hindi rin niya napigilan na ipahayag ang kaniyang galit sa nangyari.

Ngunit ang inaasahan niyang bayolenteng reaksyon ng kaniyang ina ay hindi dumating. Bagkus ay ginulat siya ng sunod nitong sinabi.

“Kung ganoon pala, alam mo na ang totoo. Hindi na namin ito maitatago sa’yo.”

Kumakabog ang dibdib na nag-usisa siya.

“Anong ibig mong sabihin, ‘Ma? Alam mo na niloloko tayo ni Papa? At hinahayaan mo lang?” hindi makapaniwala niyang tanong sa ina.

Tila dumoble ang galit na nararamdaman niya dahil sa narinig.

“Hindi pwede ‘to! Pupuntahan ko sila! Hindi ako makakapayag na nagsasaya sila doon habang tayo’y umiiyak dito! Hindi ako papayag!”

Agad siya nitong niyakap habang umiiyak na umiling.

“‘Wag, anak! Ayaw ko ng gulo!” nahihintakutan nitong alma.

Ngunit sarado na ang isip ni Maureen. Hindi na siya napigilan ng ina. Wala itong nagawa kundi ang sundan siya habang umiiyak. Nang marating niya ang bahay ng ama ay walang pasintabi niyang kinalampag ang gate, hindi alintana na dis-oras na ng gabi.

“‘Pa! Lumabas ka riyan! Nandito ako!”

Pagkatapos ng ilang minuto ay bumukas din ang gate ng malaking bahay at iniluwa noon ang kaniyang ama na nanlalaki ang mata sa labis na gulat.

“Ano’ng ginagawa niyo rito?” kunot-noong usisa nito.

“Hindi ho ba’t ikaw ang tinatanong namin niyan? Alam ko na ang totoo, na niloloko niyo kami ni Mama at may iba kang pamilya. Nakita ko kayo, at alam kong dito nakatira ang kabit mo at ang mga anak mo. Palabasin mo sila nang magkaharap-harap na kami!” matapang na sigaw niya.

Halos magmakaawa ang kaniyang ina para lamang tumigil siya, ngunit hindi siya nagpatinag. Ilang minuto lamang ang nakalipas ay sunod-sunod na nagsilabasan ang babae nito, kasama ang mga anak nito.

“Anong nangyayari dito? Gabing-gabi na!” takang sabi ng babae.

Mas lalong nagliyab sa galit si Maureen nang makita sa malapit ang ikalawang pamilya ng kaniyang ama.

“Nandito lang naman ang asawa at anak ng lalaking nilalandi mo! Hindi ba kayo nahihiya? Para lang maging masaya, handa kayong manira ng ibang pamilya? Ang kapal ng pagmumukha niyo! Mga manloloko!” maanghang na bulalas niya.

Kitang-kita niya ang gulat, pagkatapos ay galit na bumalatay sa mukha ng babae.

“Ano ang sinasabi mo, hija? Kung mayroon mang kabit dito, hindi ako ‘yun, dahil kasal kami ng asawa ko. Legal ang pagsasama namin at mas lalong hinding-hindi ako maninira ng ibang pamilya para lang maging masaya!” anito.

“Bakit hindi mo tanungin ang nanay mo, para malaman natin kung ano ang totoo?” matapos maglitanya ay taas-noong hamon nito.

Dahan-dahan niyang nilingon ang ina na noon ay tahimik lamang na umiiyak. Sa nanginginig na tinig ay sinira nito ang perpektong mundo na binuo niya.

“A-anak, ako ang kabit ng Papa mo.”

Nanghina si Maureen sa sinabi ng ina. Sila ang pangalawang pamilya, siya ang anak sa labas.

“Patawarin mo kami ng Mama mo, anak. Natukso kami noon, nagkamali, pero pinagsisisihan namin iyon. Pero hindi ibig sabihin ay hindi ka namin mahal. Mahal na mahal kita, at patawad kung kailangan mong malaman sa ganitong paraan. Hindi man namin maibibigay sa’yo ang buo at masayang pamilya, nagsisikap naman kami na maging mabuting magulang sa’yo,” hilam sa luha na paliwanag ng kaniyang ama.

Walang siyang maisagot sa ama. Dahil aminin man niya sa hindi, mula pagkabata ay naging mabuti itong ama. Naroon ito sa tabi niya noong mga panahong kailangan niya ito. Mula pagkabata ay masaya ang kanilang pamilya.

Nang mahimasmasan ay hinarap niya ang legal na asawa ng kaniyang ama.

“Hindi po ba kayo galit?” tanong niya sa babae. Tila kasi hindi man lang ito nagulat sa pagsulpot nilang mag-ina.

Binigyan siya nito ng isang tipid na ngiti. “Matagal na ‘yun at lumipas na ang galit ko. Tanggap ko na ang lahat. Kaya sana ikaw rin, hija, balang araw sana ay matanggap mo rin ang totoo. Gusto rin ng Papa mo na maging masaya ka,” anito, bago sila tinalikuran. Kasabay ng pagkawala nito sa harap niya ay ang pagkawala rin ng kaniyang ama. Sumama ito sa tunay nitong pamilya.

Nang makaalis ang mag-anak ay naiwan silang mag-ina. Niyakap niya ito nang mahigpit kasabay ng pagluha.

Napahagulhol siya sa labis na pagkadismaya. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na iyon pala ang totoong kwento.

Nasaktan man siya, alam na niya na kailangan niyang tanggapin ang katotohanan dahil parte iyon ng kaniyang pagkatao.

Ang tanging hiling niya lang ay ang maghilom na rin ang mga sugat na kagagawan ng isang lihim na aksidente niyang nalaman.

Hindi na niya mababago ang nakaraan pero ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para hindi niya magawa ang pagkakamali na ngayon ay labis na pinagsisisihan ng kaniyang mga magulang.

Advertisement