Nasagi ng Sasakyan ang Anak ng Babae; Ngunit Imbes na Mag-alala ay Oportunidad pa ang Kaniyang Nakita
“Bingo!” napahiyaw sa tuwa si Aling Judy matapos siyang manalo sa kanilang pagbibingo. Malaki-laki na naman kasi ang perang kaniyang makukubra at kanina pa siya binubuwenas.
Ngunit katanghaliang tapat na at wala pa silang pagkain. Kumakalam na ang sikmura ng kaniyang apat na taong gulang na anak, at ang asawa niya’y panabong na manok pa rin ang siyang himas-himas hanggang ngayon!
Dahil sa gutom ay nagpasiyang lumabas ng bahay ang bata. Balak kasi nitong manghingi na lang ng kaning-lamig sa kaniyang lolo, ngunit sa paglabas nito sa kanilang pintuan ay naaliw ito nang may makita itong lumilipad na paru-paro. Naaliw ang bata sa makulay na insekto kaya naman sinundan nito iyon hanggang sa kalsada.
Samantala, walang kaalam-alam ang binatang si Roy na sana’y papasok na sa kaniyang trabaho nang mga sandaling iyon habang sakay ng kaniyang motorsiklo. Mabagal naman ang kaniyang pagpapatakbo, ngunit nagulat siya sa biglang pagsulpot ng bata sa kaniyang harapan!
Agad na nataranta si Roy. Nag-isip siya ng paraan upang iwasan ang bata, at mas pinili na lamang na ibangga ang motorsiklo sa poste sa gilid ng kalsada, kaysa tuluyan niya itong madali!
Ngunit dahil sa direksyon niya papunta ang paru-paro ay tuloy-tuloy pa rin sa pagsunod ang bata kaya naman nahagip pa rin ito ng kaniyang motorsiklo.
Saksi ang isang kawani ng barangay sa nangyari, ngunit lingid iyon sa kaalaman ni Roy. Ganoon pa man ay hindi siya nagdalawang-isip na isugod sa ospital ang bata kahit pa gasgas lang naman ang inabot nito. Gusto niya kasing makasiguro na hindi ito mapaano.
Diskumpiyado ang kawani ng barangay nang puntahan nito ang mga magulang ng bata dahil naabutan nito kung ano ang kanilang ginagawa nang mga oras na iyon. Ganoon pa man ay ipinaalam pa rin niya sa mga ito ang nangyari sa kanilang anak at dali-dali namang pumunta si Aling Judy sa ospital na pinagdalhan ni Roy sa kaniyang anak.
Ngunit imbes na mag-alala ay nakita ni Aling Judy ang pangyayaring ito bilang isang oportunidad para magkapera. Ngayon pa lang ay iniisip na niya kung magkano ang halagang mahihita niya sa nakabundol sa anak na si Jullie kaya dapat ay galingan niya ang pagdadrama.
“Anak ko! Anak ko!” Napasimangot maging ang mga nurse at doktor na tumingin sa anak niya, dahil sa paghihisterikal ni Aling Judy. Halata kasing napakapeke n’on.
“Misis, wala na ho kayong dapat ipag-alala dahil simpleng gasgas lang po ang tinamo ng anak n’yo,” anang doktor ngunit hindi ito pinansin ni Aling Judy. Bagkus ay hinarap nito si Roy at sinigawan.
“Sumama ka sa akin sa barangay! Hindi ako papayag sa ginawa mo sa anak ko!”
Para wala nang gulo ay sumama na lang si Roy sa barangay hall upang makipag-usap nang maayos kay Aling Judy.
“Hindi p’wedeng hindi ka magbibigay ng pera sa amin ngayon. Nag-aalala ako sa anak ko. Wala pa namang trabaho ang ama niya. Wala kaming bigas. Dapat magbigay ka rin ng panggatas niya ngayon at panggastos ko sa pagpapa-check up sa kaniya hanggang sa gumaling siya,” paglilitanya ni Aling Judy nang sila ay nasa barangay hall na.
Agad tuloy na napailing ang mga nakarinig na opisyales habang si Roy naman ay nanlaki ang mga mata.
“Nabili ko na ho ang kailangan ng anak n’yo, Aling Judy. Ipina-CT Scan ko na rin siya para sigurado. Bukod doon ay binili ko ang mga gamot na inireseta ng doktor at bumili rin ako ng pagkain para sa kaniya. Hindi naman ho yata tamang pati ang pangbigas n’yo ay sa akin n’yo pa ipasagot,” katuwiran ni Roy sa ale, ngunit nagmamatigas pa rin ito.
“Hindi ako papayag! Hindi mo ba kilala ang tatay ko? Konsehal dito ang tatay ko kaya umayos ka!” pagbabanta pa ni Aling Judy kahit pa sinabi na mismo ng mga kawani ng barangay na tama lang ang ginawa ni Roy para sa kaniyang anak.
“Judy, alam n’yo bang hindi n’yo dapat pinababayaang makalabas ng bahay ang anak n’yo, lalo na at apat na taong gulang pa lang siya? Kung tutuusin ay kayo ang dapat na kasuhan sa nangyari dahil naabutan namin kayong nagsusugal habang nasa ospital ang anak n’yo, samantalang marami namang magpapatunay na walang kasalanan si Roy dahil nakunan naman sa CCTV ang nangyari!” singit pa ng opisyal na barangay na nagpatahimik naman kay Aling Judy.
Namutla si Aling Judy sa narinig at sa isang iglap ay mabilis na nagbago ang isip at agad na nakipagkasundo kay Roy. Hindi niya akalaing mabilis na babalik sa kaniya ang karma. Ngayon ay nagkaroon pa tuloy siya ng problema sa barangay dahil nagpasya ang DSWD ng kanilang lugar na subaybayan kung maayos nga ba talaga ang pagpapalaki nila sa kaniyang anak, dahil kung hindi ay maaari nila itong kunin sa kaniyang kustodiya. May posibilidad pa tuloy na mawala sa kanila ang anak niya kung hindi sila magbabago ng asawa.