Tigasin daw ang Sigang Lalaking Ito at Walang Kinatatakutan; Katapat ang Mahahanap Niya sa Kaniyang Pagdayo
Kilalang mayabang at ‘siga’ sa kanilang lugar ang lalaking si Hugo. Sa katunayan ay kinatatakutan siya ng karamihan sa nakakakilala sa kaniya dahil na rin sa kaniyang imahe.
Lasinggero at tambay si Hugo. Ilang taon na siyang walang trabaho at tanging pangangalakal ang ikinabubuhay. Dahil doon ay wala rin tuloy babaeng nagtangkang makipagrelasyon sa kaniya kaya naman hanggang ngayon ay nananatili siyang binata.
Piyesta sa kabilang barangay kaya naman agad na nagpasiya si Hugo na magpunta roon upang makipamiyesta sa kaniyang mga kabarkada. Nagpaalam siya sa kaniyang tiyuhin na siya niyang kasama sa bahay.
“Tiyo, makikipamiyesta lang ho ako sa kabilang barangay. Baka ako’y gabihin nang umuwi at paniguradong maaaya na naman ako sa inuman,” ngingisi-ngising paalam niya sa kaniyang Tiyo Peryong nang hapong iyon habang nagsusuklay ng buhok. Katatapos lamang kasi niyang maligo.
“Bahala ka, pero sinasabi ko sa ’yo, Hugo. Iwanan mo rito sa bahay ang kayabangan at kahambugan mo dahil baka mamaya’y doon ka pa sa ibang lugar makakuha ng katapat mo,” makahulugan pang bilin nito sa kaniya na imbes ay tinawanan lamang ni Hugo.
“Sino naman hong magtatangkang lumaban sa akin? Sa laki at lakas kong ito?” Pumalatak pa si Hugo. “Walang magtatangkang kalabanin ako. Kung mayroon man ay sigurado akong kayang-kaya ko silang patumbahin,” dagdag pa niya na puno ng kumpiyansa sa sarili. Nagyayabang tungkol sa kung gaano siya kalaki at kalakas.
May katotohanan naman ang sinabi ni Hugo. Noon kasi ay palagi siyang nakikipagbasag-ulo ngunit kailan man ay walang nakatama nang malala sa kaniya.
Hindi pinakinggan ni Hugo ang kaniyang tiyuhin. Ipinagpatuloy pa rin niya ang pagpunta sa kabilang barangay at doon ay nakipamiyesta.
Tuwang-tuwa naman si Hugo. Paano’y umuulan ng alak sa lugar ng kaniyang mga katropa kaya naman halos magpakalunod din siya. Iyon nga lang, nang malasing ay iba na ang timpla ni Hugo. Tumodo na ang kaniyang kayabangan at kahambugan, na pati ang kaniyang mga kainuman ay nagsimula na ring mapikon sa kaniya.
“Pare, mas mabuti pa siguro kung umuwi ka na. Masiyado ka nang mayabang. Wala ka na ngang ambag sa inuman!” sita sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kainuman.
Ikinapikon agad iyon ni Hugo. “Hinahamon mo ba ako, pare? Hindi ka ba natatakot sa katawan ko? Aba, sa liit mong ’yan, kayang-kaya kitang durugin kahit isang kamay lang ang gamit ko!” malakas at taas noo pang sabi tugon niya sa kausap.
“Napakayabang mo talaga, Hugo. Baka nakakalimutan mong nasa teritoryo kita?”
Tumayo na ang kainuman ni Hugo kaya naman tumayo na rin siya. Ngunit kasabay n’on ay ang panununtok niya sa kabarkadang nagpainom sa kaniya kaya naman mabilis itong tumumba.
Napangisi pa si Hugo nang makitang bumagsak sa lupa ang kabarkada. Ngunit lingid sa kaniyang kaalaman ay nakamasid pala sa kanila ang ilan pa sa mga kamag-anak nito na agad na napikon sa kaniyang ginawa!
Sabay-sabay siyang sinugod ng naturang mga kalalakihan. Dahil doon ay hindi niya magawang makapalag! Ano ba naman kasi ang laban niya sa sampu?
Halos manghiram na ng mukha si Hugo sa aso nang siya’y tigilan ng mga kaaway niya. Humandusay sa lupa ang sugatan niyang katawan habang umaagos ang pulang likido sa kaniyang ilong at putok na kilay. Namamaga na rin ang kaniyang nangingitim na mata kaya halos hindi na rin siya makakita. Para bang nahulas ang alak sa katawan niya dahil damang-dama niya ang bawat pagkirot ng nabali niyang mga buto.
Mabuti na lamang at mayroon pa ring nagmagandang loob na dalhin siya sa ospital kaya naman kahit papaano ay naisalba pa ng mga doktor ang kaniyang buhay. Iyon nga lang, dahil sa natamo niyang matinding pinsala ay nagkaroon siya ng permanenteng kapansanan—nalumpo si Hugo at ngayon ay hindi na makakalakad pa habang buhay.
Sinubukan ni Hugo na magsampa ng kaso laban sa mga nakalaban sa kabilang barangay, ngunit bukod sa mahina ang laban niya dahil siya ang dumayo roon upang manggulo ay mayroon pang koneksyon sa gobiyerno ang kabilang partido. Bagay na hindi naman kayang labanan ng tambay na si Hugo, kaya naman ngayon ay tanging pagsisisi na lang ang kaniyang magagawa.
Isang malaking leksyon ang natutunan ni Hugo. Hindi niya akalaing sa isang iglap ay mababawi ng karma ang ilang taon niyang pamemerwisyo sa ibang tao. Nakahanap siya ng katapat sa kaniyang pagdayo.