Hindi Akalain ng Babae na Dahil sa Panlalait Niya sa Dating Kaklase ay Kukuyugin Siya ng mga Tao; May Masama kasi Itong Naging Epekto
Nakaupo si Dolly sa tapat ng binta ng kanilang salas habang nagse-selpon. Tapos na kasi ang kaniyang mga pang-araw-araw na gawain.
Wala siyang magawa dahil mag-isa na naman siya sa bahay. Pumasok na kasi sa trabaho ang kaniyang mister.
Nasa kalagitnaan na ng pags-scroll sa Facebook si Dolly, nang biglang niyang madaanan ang post ng isa sa kaniyang mga dating kaklase, si Mayanne.
“Ang sakit-sakit talaga! Paano niya ako nagawang lokohin nang gan’on na lang? Sinayang niya ang ilang taong pinagsamahan namin! Hindi ko na kaya!” anito sa naturang post na inulan naman ng komentong nagsasabing kalimutan na raw nito ang nobyo nito.
Nalaman ni Dolly na hindi pala sinipot ng mapapangasawa niya dapat si Mayanne, kaya naman ganoon na lang ang nadaramang hinagpis nito. Ngunit imbes na maaawa, si Dolly ay natawa pa sa sitwasyon nito!
“Ang taba mo kasi, Mayanne. Dapat, nag-diet ka muna bago kayo nagdesisyong magpakasal ng boyfriend mo. ’Yan tuloy, iniwan ka,” hindi napigilang komento ni Dolly sa post na iyon ng dating kaklase habang tumatawa. Wala man lang siyang ni katiting na pakikisimpatiya sa kapwa babae niyang si Mayanne!
Naaalala kasi ni Dolly na noon pa man ay malaking babae na si Mayanne. Madalas pa nga nila itong lokohin noon at asarin ngunit madalas ay ipinagkikibit-balikat lamang nito iyon.
Maya-maya pa ay isang reply ang natanggap niya mula kay Mayanne na nagsasabing: “Siguro nga ay kasalanan ko kung bakit niya ako iniwan.”
Nang mabasa iyon ay lalong natawa si Dolly, ngunit minabuti niyang huwag na lamang mag-reply pa at nagpatuloy na ulit sa pags-scroll sa Facebook.
Lumipas ang buong maghapon hanggang sa gumabi na ay ni hindi man lamang nakonsensiya si Dolly sa kaniyang nagawa. Sa katunayan ay nakalimutan na nga niya ang tungkol doon, hanggang sa magising siyang muli, kinabukasan…
Sa muling pagsuri ni Dolly ng notipikasyon niya sa Facebook ay nagulat siya dahil sa dami ng mensaheng kaniyang natanggap! Nang buksan niya ang mga iyon isa-isa ay ganoon na lang ang gulat niya nang malamang nasa ospital pala ngayon si Dolly, sapagkat pinagtangkaan nitong bawiin ang sariling buhay nang dahil sa kaniyang naging komento!
Parang bigla siyang nanlumo nang malamang kalat na sa iba’t ibang artikulo ang kaniyang ginawa at pinagpipiyestahan na ng mga tao ang kaniyang litrato! Nilalait na rin siya ng ibang tao. Halos lahat na yata ng masasakit na salita ay sinabi na nila sa kaniya! Kinuyog ng maraming tao si Dolly, at maging mga kamag-anak nila ay kinondena siya sa kaniyang ginawa!
Nadala naman si Mayanne sa ospital ngunit hanggang ngayon ay paulit-ulit pa rin nitong binabanggit ang mga salitang binitiwan ni Dolly sa kaniyang komento. Hindi akalain ni Dolly na ganoon pala ang kapangyarihan ng salita. Sa simpleng pagsasabi pala niya ng masama sa ibang tao ay maaari palang may masayang na buhay.
Labis na pagsisisi ang nararamdaman ni Dolly ngayon, lalo pa at halos hindi na rin siya makalabas ng bahay dahil maging sa kanilang lugar ay siya na ang laman ng tsismisan. Ngayon ay alam na niya ang pakiramdam ng nilalait dahil ngayon ay lait na lait na ang buo niyang pagkatao. Isang malaking leksyon para sa kaniya ang nangyari, kaya naman nag-isip siyang gawin ang tama sa pagkakataong ito.
Nagpasiya si Dolly na dalawin si Mayanne sa ospital. Sa bungad pa lang ay masama na ang tingin sa kaniya ng mga kaanak nito ngunit naglakas pa rin siya ng loob na magpaliwanag.
“Gusto ko lang pong humingi ng tawad kay Mayanne, at gusto kong gawin iyon nang personal. Natutunan ko na po ang leksyon ko at aminado akong mali ang ginawa ko sa kaniya. Sana po ay bigyan n’yo ako ng pagkakataon,” nayuyukong ani Dolly sa kanila.
Mabuti na lamang at nadaan sa maayos na pakiusap ang mga ito, bagama’t malaki pa rin ang kanilang pagdududa. Minabuti nilang hindi na lamang sila iwan ni Mayanne na sa kwarto upang mapanatag ang kanilang kalooban.
“Mayanne, sorry.” Unang salita pa lamang ay tumulo na ang luha ni Dolly. “Hindi ko gustong mangyari sa iyo ’to. Pasensiya ka na kung nagawa ko ’yon. Alam kong maling-mali ako at walang maaaring idahilan sa pagbitiw ko ng ganoong salita, kaya humihingi na lang ako ng tawad.”
Hanggang sa makaalis si Dolly ay walang imik sa kaniya si Mayanne ngunit umaasa pa rin siya na darating ang araw na magagawa siya nitong patawarin. Ipinangako na lamang ni Dolly na hinding-hindi na niya uulitin ang kaniyang ginawa. Mabuti na lang at kalaunan ay naging maayos din ang kalagayan ni Mayanne ngunit kailan man ay hindi na siya nito muling kinausap pa, bagay na naiintindihan naman niya at pinagsisisihan.