Inday TrendingInday Trending
Kaibigan Kung Ituring ng Matandang Babae ang Panakot sa Ibon; ‘Di Siya Makapaniwala na Ito ang Sasagip sa Kaniyang Pamilya

Kaibigan Kung Ituring ng Matandang Babae ang Panakot sa Ibon; ‘Di Siya Makapaniwala na Ito ang Sasagip sa Kaniyang Pamilya

Pagsasaka ang ikinabubuhay ng pamilya ni Manang Goreng. Matagal nang pumanaw ang kanyang asawa at ang mister naman ng anak niyang si Antonia ay nagtatrabaho sa Saudi. Bukod sa anak ay kasama rin ng matanda ang apong dalagita na si Maridel.

May pagka-ulyanin na si Manang Goreng ngunit pagdating sa paggawa sa bukid ay daig pa nito ang kalabaw sa sipag at tiyaga.

Mabait na ina at lola ang matanda subalit labis na ipinagtataka ng mag-inang Antonia at Maridel ang kakaibang hilig nito.

“Uy, Potpot! Malapit na namang lumitaw ang mga gintong butil, may babantayan ka na naman! Huwag mong hahayaan na may maminsala sa tanim natin, ha?” nakangiti nitong sabi sa ginawa nitong scarecrow o panakot ng ibon.

Hilig ni Manang Goreng na palagi itong kinakausap. Sadya niya itong ginawa upang maging panakot sa mga mapaminsalang ibon na naninira ng kanilang mga pananim. Tinahian pa niya ito ng sariling damit, binilhan ng sombrero at binigyan din ng pangalan na ‘Potpot’.

Parang tunay na tao kung ituring ng matanda ang panakot sa ibon. Bukod sa kinukuwentuhan niya ito at araw-araw na kinukumusta ay alagang-alaga rin niya ito. Kapag umuulan ay binabalutan niya ito ng malaking plastik para hindi mabasa. Kapag sobrang init ng araw ay malaking salakot ang isinusuot niya sa ulo nito. Kaya ang anak niya at apo ay napapailing na lang.

“Kausap na naman ni lola ang kaibigan niya, inay,” sabi ni Maridel sa ina.

“Naku, hayaan mo na nga ‘yang lola mo sa kalokohan niya, hmp!” inis na sagot ni Antonia.

“At tingnan mo, inay, pakakainin na naman niya ang kaibigan niyang panakot sa ibon,” wika pa ng dalagita.

“Huwag mo na lang pansinin ‘yang lola mo, anak, at baka masiraan ka rin ng bait. Halika na’t kumain na tayo,” yaya ng ina.

Samantala si Manang Goreng ay abala na hinainan ng pagkain ang kaibigang si Potpot.

“Pagpasensyahan mo na itong kaunting grasya, Potpot ha? Pag maganda ang ani ay patitikimin kita ng mas masarap,” sabi ng matanda na dala ang pritong galunggong at sinangag.

Ugali na niya na bahaginan ng kahit ano ang panakot sa ibon. Ang gusto niya’y kung busog ang kanyang pamilya ay busog din ito kahit na alam niyang wala naman itong buhay ay matiyaga pa rin siya.

‘Di nga nagtagal ay lumitaw nga ang mga gintong butil na palay sa pagmamay-ari nilang bukid. Naging maganda ang ani at malaking kita ang ibinigay niyon sa kanila.

Laking tuwa ni Manang Goreng sa matiyagang pagbabantay ni Potpot sa tanim nilang palay kaya naging maganda ang kanilang ani.

“Maraming salamat, kaibigan ko. Kung ‘di dahil sa iyo ay hindi magiging maayos ang ani natin. Napakagaling mo talagang magbantay at manakot ng mga peste sa bukid, dahil diyan, itagay natin ito!” wika ni Manang Goreng na nagawa pang makipag-inuman ng lambanog sa panakot ng ibon.

Nang malasing ay abot-abot na ngawa ang inabot ng matanda sa anak niyang si Antonia.

“Inay, bakit kayo naglasing? Alam niyo namang bawal sa inyong uminom nang marami, eh. At dinadamay niyo pa sa kalokohan ang walang kuwentang panakot sa ibon na ‘yon! Akala niyo ba ‘di namin napapansin na palagi niyo itong kinakausap? Pinapakain niyo pa na parang bang totoong tao, baka may makakita na kapitbahay natin at sabihin ay nababaliw na kayo! Mahiya naman kayo, inay, tigil-tigilan niyo na ang ginagawa niyo!” inis na sabi ng anak.

“Puwede ba, Antonia, huwag mo nga akong pinakikialaman! Kaunting bagay lang ‘yung ginagawa ko kay Potpot kumpara sa naitulong at itutulong pa niya sa atin. Minamasama niyo pa? Wala akong dapat ikahiya dahil wala naman akong ginagawang masama,” sagot ni Manang Goreng.

Nang magkasarilinan ang mag-inang Antonia at Maridel ay napaismid na lang ang mga ito.

“Hayaan niyo na si lola sa ginagawa niya, inay. Doon siya masaya, eh!” wika ng dalagita.

“Hmp! Malaki na talaga ang topak sa ulo niyang lola mo!” hirit pa ni Antonia.

Isang araw ay nagpaalam si Manang Goreng na dadalaw sa kapatid na may karamdaman sa kabilang bayan. Sinabi niya sa anak at sa apo na baka umagahin siya nang uwi.

“Ikawit niyo ang pinto at isaradong mabuti ang bintana. Mahirap na ang panahon ngayon, dalawa lang kayong maiiwan dito,” paalala ng matanda.

“Sige, inay. Ikumusta niyo na lamang kami kay Tiyo Gaspar. Pakisabi po na magpagaling siya,” tugon ni Antonia.

“Mag-iingat po kayo, lola,” sabi ng apong si Maridel.

Bago tuluyang umalis ay pinuntahan nito sa bukid ang kaibigan.

“Ikaw na ang bahala sa anak ko’t apo, ha, Potpot?” aniya na hinaplos pa sa ulo ang panakot sa ibon.

Kinagabihan, may narinig na ingay ang mag-ina sa labas ng kanilang bahay.

“Inay, parang may mga tao sa labas. Naririnig ko na may kumakaluskos at tila may mga nag-uusap,” kinakabahang sabi ni Maridel.

“H-ha? S-sino naman ang magpupunta rito sa dis oras na ito ng gabi?” tugon ni Antonia na napabalikwas ng bangon sa higaan.

Habang tumatagal ay lalong lumalakas ang usapan hanggang sa ikinagimbal ng dalawa ang narinig nila.

“Pasukin niyo na mga pare. Balita ko’y mapera ang matandang magsasaka na nakatira riyan, siguradong tiba-tiba tayo. Matapos nating makapagnakaw ay pat*yin ang matanda at ang anak niyang babae. Itira ang dalagitang apo’t ilabas dito, mapapakinabangan pa natin ‘yon. ‘Pag natapos tayo’y saka natin isunod para walang ebisensiya,” tatawa-tawang sabi ng isang lalaki.

Nahintakutan ang mag-ina.

“D-Diyos ko! Tulungan mo kami!” nanginginig na sambit ni Antonia na niyakap nang mahigpit ang anak.

“Inay, paano na tayo? Papalapit na sila!” naiiyak na wika ni Maridel.

Subalit bago pa tuluyang makalapit ang mga may masasamang tangka ay…

“S-sino kang… ugh!”

“Huwaaag! Arrrk!”

Dinig na dinig ng mag-ina ang sigawan ng mga armadong lalaki sa labas na para bang pinahihirapan ang mga ito.

Maya maya ay katahimikan ang namayani. Nawala ang ingay sa labas. Sa takot ng mag-inang Antonia at Maridel ay nagkulong ang dalawa sa kuwarto hanggang sa nakatulog.

Nang sumapit ang umaga ay sumalubong sa kanila ang apat na lalaki na wala nang mga buhay. May mga saks*k sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga buhong at may mga lasl*s pa sa leeg. Pinagkaguluhan ng mga kapitbahay nila ang mga tumambad na bangk*y sa labas ng kanilang bahay. Naabutan ni Manang Goreng na may mga nag-uusyoso sa bahay nila at laking gulat nito nang malaman ang nangyari.

“Inay, muntik na kaming gawan ng masama ng mga ‘yan, kagabi,” humahagulgol na bungad ni Antonia.

“Oo nga po, lola. Takot na takot kami ni inay. Akala ko’y katapusan na namin,” umiiyak ding sabi ng kanyang apo na napayakap na sa kanya.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na may pum*slang sa apat na armadong lalaki na ang plano’y looban ang bahay nina Manang Goreng para magnakaw at pasl*ngin ang mga nakatira rito ngunit minalas ang mga ito at madilim na wakas ang kinahantungan. ‘Di nakilala ng mga awtoridad ang tumulong sa mag-ina dahil walang naiwan na anumang bakas na magtuturo sa sikretong bayani.

Samantala, sa pagbisita ni Manang Goreng sa bukid ay ikinagulat niya ang kanyang natuklasan.

“Bakit may mga pulang mantsa sa damit mo’t sombrero, Potpot?” tanong niya.

Nang amuyin niya ay mas lalo siyang nagimbal dahil ang mantsang iyon ay ‘dugo’.

“Hindi ako maaaring magkamali, amoy ito ng… D-Diyos ko! Ikaw ang may kagagawan sa pagkamat*y nung apat na krim*nal? Ikaw ang nagligtas sa aking anak at apo sa kamay ng mga masasamang taong ‘yon?”

Napagtanto ng matanda na ang totoong bayani ay ang kaibigan niyang si Potpot. Ni hindi man lang nalaman ng mga awtoridad ang ebidensiyang naiwan sa kanyang panakot sa ibon. Marahil ay iniadya na hindi iyon matuklasan ng mga ito para siya mismo ang makaalam ng katotohanan.

Kahit napakahirap ipaliwanag at isang malaking misteryo ang nangyari ay labis siyang nagpapasalamat sa Diyos at sa kanyang kaibigan na siyang dahilan ng pagkakaligtas sa kanyang pamilya. Mas lalo niyang minahal at inalagaan si Potpot na kahit isang simpleng panakot sa ibon lang ay nakagawa ng malaking kabayanihan.

“Salamat, Potpot… maraming salamat aking kaibigan,” sambit niya sa panakot sa ibon na binihisan niya ng bagong damit at binilhan ng bagong sombrero.

Sinabi niya sa anak at sa apo ang totoong naganap ng gabing iyon. Gaya ng inasahan ay hindi makapaniwala ang mga ito ngunit sa nalaman ng mag-inang Antonia at Maridel ay mas natuto silang pahalagahan ang kagaya ni Potpot na malaki ang naitutulong sa kanilang pananim, kaya buhat noon ay kinakausap na rin nila ito at binibigyan ng pagkain bilang pasasalamat sa kabutihan nitong ginawa sa mahiwagang paraan.

Kakatwa man ang kuwentong ito, nais pa rin nitong ipabatid na ang tunay na kaibigan ay nakahandang tumulong sa kahit anong suliranin kahit pa sa pinakamatinding panganib.

Advertisement