Inday TrendingInday Trending
Tuwang-Tuwa ang Babae Dahil sa Darating Niyang Kaarawan ay Kukunin na Siya ng Kaniyang Anak; Imbes na Saya ay Kalungkutan ang Sasalubong Dito

Tuwang-Tuwa ang Babae Dahil sa Darating Niyang Kaarawan ay Kukunin na Siya ng Kaniyang Anak; Imbes na Saya ay Kalungkutan ang Sasalubong Dito

Mula nang ilagak ni Donita ang inang si Aling Lucresia sa Home for the Aged ay hindi siya nagmimintis na dalawin ito. Kada linggo ay pinupuntahan niya ang ina at dinadalhan ng mga pasalubong.

“Kumusta na ho kayo, inay? Hindi ba kayo napapabayaan dito?” tanong niya nang magkita sila.

“Huwag mo akong alalahanin, anak. Maayos ang kalagayan ko rito. Maasikaso naman ang mga nag-aalaga sa amin,” sagot ng ina na tuwang-tuwa nang makita siya.

“Nga pala, inay, may binili akong mga damit at pagkain para sa inyo. Itong mga prutas ay kainin niyo para mas lumakas pa ang katawan niyo,” sambit ni Donita.

“Sobrang dami naman niyan. Hindi ko naman mauubos ang mga pagkaing ito, anak. Iuwi mo na lang ang iba para makatikim ang mga apo ko,” tugon pa ni Aling Lucresia.

“Naku, para sa inyo talaga ang mga ‘yan, inay. Kung gusto niyo ay bigyan niyo ang ibang kasama niyo rito.”

“Ganoon nga ang gagawin ko. Ipapamahagi ko sa mga kasama ko rito ang sobrang pasalubong mo sa akin para kahit paano’y matuwa rin sila.”

Maya maya ay naging seryoso ang mukha ni Aling Lucresia.

“Kumusta na nga pala kayo ng asawa mo? Hindi na ba kayo nag-aaway?” tanong ng matanda.

Natigilan si Donita sa tanong na iyon ng ina.

“A, eh… m-mula ho nang m-mawala kayo sa bahay, hindi na ho inay,” sagot niya.

Parang tinarakan ng balaraw ang dibdib ni Aling Lucresia sa isinagot ng anak.

“Sabi ko na nga ba, eh, kung ganoon ay ako talaga ang dahilan kung bakit muntik na kayong maghiwalay na mag-asawa?” tanong ng matanda sa seryosong tono.

Pilit na umiwas si Donita sa tanong ng ina.

“M-maaari po bang iba na lang ho ang pag-usapan natin, inay?” balik niyang tanong.

Ayaw na niyang ungkatin pa ang nangyari. Palagi kasing nagtatalo noon ang ina at ang kanyang mister dahil sa mga bisyo nito. Gabi-gabing naglalasing ang asawa niyang si Edwin kasama ang mga barkada at kung minsan ay inuumaga sa paglalaro ng tong-its. Wala na ngang trabaho ay nagagawa pang magbisyo ng lalaki. Ang totoo’y siya lang ang naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya kaya palagi itong kinokompronta at pinagsasabihan ng kanyang ina kaya nauwi iyon sa pagtatalo nilang mag-asawa. Ang mister niya ang may kagustuhan na dalhin ang ina sa Home for the Aged para hindi na ito makagulo pa sa kanila. Tinakot pa siya nito na hihiwalayan siya at iiwan sila ng mga anak kapag hindi niya sinunod ang gusto nito. Dahil mahal na mahal niya si Edwin at hindi makakayang mawala ito sa piling niya ay mas pinili niyang talikuran ang ina at ilagak ito sa institusyong kumakalinga sa mga matatandang inabandona na ng sariling pamilya.

Hindi namalayan ni Donita na hinawakan ng ina ang mga kamay niya.

“Hindi ka nagkamali ng desisyon, anak. Bukod sa maayos na ang pagsasama ninyo ni Edwin, ngayon ay wala ka nang mabigat na pasanin,” makahulugan nitong sabi.

“I-inay naman… huwag niyo na ho akong kunsensyahin,” sagot ni Donita na hindi na napigilang maluha.

Napangiti ang matanda at hinimas ang ulo ng anak.

“Ang anak ko talaga… kahit kailan ay balat-sibuyas. Napaka-iyakin,” natatawang wika ni Aling Lucresia.

Mas lalong napahagulgol ang babae.

“Ikaw kasi, pinaiyak mo ako, inay, eh,” aniya na humihikbi pa rin.

Niyakap siya ni Aling Lucresia at pinakalma.

“O, siya, tama na, anak. Tama na, huwag ka nang umiyak. Binibiro lang naman kita,” sambit ng ina.

“Mahal ko kayo inay, nagkataon lang na wala akong ibang pagpipilian kundi ang dalhin kayo rito,” tugon ni Donita.

Ngunit kalaunan, mula nang huling bumisita ang anak ay hindi na iyon nasundan pa. Kung dati ay linggo-linggo itong dumadalaw, lumipas ang mga araw na hindi na ito nagpapakita kay Aling Lucresia. Sa isip ng matanda ay tuluyan na itong pinagbawalan ng lasenggo at sugarol nitong asawa na makipagkita sa kanya.

“Wala na, Tasyo, hindi na napapasyal dito ang anak kong si Donita. Nakalimutan na niya ako,” malungkot niyang sabi sa matandang lalaki na malapit niyang kaibigan.

Matagal na ring naninirahan si Mang Tasyo sa Home for the Aged. Gaya ni Aling Lucresia ay iniwan na rin ito ng sariling pamilya at hinayaan na lang sa pangangalaga ng institusyong kinalalagakan nila. Ang matandang lalaki ang palaging kasa-kasama ni Aling Lucresia at kakuwentuhan. Masayang kausap si Mang Tasyo at maraming baong mga biro kaya tuwang-tuwa rito ang matandang babae na panandaliang nakakalimutan ang pangungulila sa anak at mga apo.

Minsan sa kanilang seryosong kuwentuhan ay hindi naiwasan ni Aling Lucresia na maglabas ng sama ng loob.

“Ganito ba talaga ang papel ng mga magulang, Tasyo? Matapos magpalaki ng anak basta ka na lang isasadlak sa kung saan?” tanong ng matanda sa kasama.

“Hindi naman lahat ng anak ay gaya ng mga anak natin, Lucresia. Meron din siyempre riyan na kahit ano ang mangyari ay ipaglalaban ang kanilang mga magulang. Nagkataon lang na ang sa atin ay hindi,” tugon ni Mang Tasyo na hinawakan siya sa kamay na tanda na nauunawaan nito ang pinagdadaanan niya.

Nang may biglang naalala si Aling Lucresia.

“Nga pala, Tasyo… bukas pala ay kaarawan ko na,” wika ng matandang babae.

“Ganoon ba? Naku, maligayang kaarawan sa iyo, Lucresia. Kalimutan mo muna ang mga iniisip mo’t magsaya ka sa iyong kaarawan,” payo ni Mang Tasyo.

“Pustahan tayo, Tasyo… kukunin na ako ng anak ko sa aking kaarawan,” nagagalak na sabi ni Aling Lucresia na bakas sa mukha ang sobrang kasiyahan.

Sa isip ni Mang Tasyo ay sana nga’y matupad ang nais ng kaibigan na kunin na ito ng anak at ilayo na sa lugar na iyon upang makasama na nito ang pamilya ngunit kinaumagahan, imbes na kasiyahan ay nabalot ng kalungkutan ang buong Home for the Aged dahil sa biglaang pagpanaw ni Aling Lucresia sa araw mismo ng kanyang kaarawan. Nang malaman ni Donita ang nangyari ay dali-dali itong pumunta roon.

“Alam mo bang ang saya-saya pa ng inay mo bago siya inatake sa puso, hija? Nakipagpustahan pa siya sa akin na sa kaarawan niya’y kukunin mo na raw siya. Napakasuwerte mo dahil mahal na mahal ka ng inay mo,” naluluhang sabi ni Mang Tasyo kay Donita nang dumating ito.

Nang makita ni Donita ang inang wala nang buhay na nakahiga sa kama ay halos maglulupasay ito sa labis na pighati. Nagkatotoo ang sinabi ni Aling Lucresia kay Mang Tasyo na sa kaarawan niya ay kukunin na siya kanyang anak. Hindi nga lang para iuwi sa bahay kundi para ihatid sa huling hantungan.

“Inay, inay! Bakit mo ako iniwan? Napakalaki ng kasalanan ko sa inyo. Patawad… patawarin niyo ako, inay ko!” hagulgol ni Donita na sising-sisi sa pag-abandona sa sariling ina’t pinagpalit ito sa walang kuwenta niyang asawa.

Huli na para pagsisihan niya ang nagawa. Kahit na lumuha pa siya ng bato’t dugo ay hindi na maibabalik ang buhay ng kanyang ina. Ang mas nakakalungkot, huli na nang mapagtanto niya na makakakuha pa siya ng kahit ilang asawa ngunit kailanman ay hindi na siya makakakuha ng isang ulirang inang nawala na, isang inang mapagmahal na kayang tiisin ang lahat para sa anak gaya ni Aling Lucresia. Iyon na ang ‘karma’ niya sa pagiging walang kuwentang anak.

Advertisement