Inday TrendingInday Trending
Gumamit ng Dating App ang Dalagang Ito para Maghanap ng Nobyo; Mabuting Tao nga ba ang Natagpuan Niya Rito?

Gumamit ng Dating App ang Dalagang Ito para Maghanap ng Nobyo; Mabuting Tao nga ba ang Natagpuan Niya Rito?

“Gumagamit ka pala ng dating app, bespren? Akala ko ba strong independent woman ka at hindi mo kailangan ng lalaki para maging masaya sa buhay, ha?” panunukso ni Omi sa kaniyang matalik na kaibigan, isang umaga nang makita niya itong gumagamit ng dating app habang sila’y nasa biyahe patungong Batangas.

“Naku, biro lang ‘yon! Ngayong maalwan na ang buhay ko at nakabawi na ako sa mga magulang ko, napag-isip-isip kong kailangan ko rin pala ng taong mamahalin at magmamahal sa akin!” sagot ni Jenny habang kinikilig-kilig pa.

“Diyos ko! Bakit sa dating app ka pa naghahanap ng lalaki? Ang dami-daming gustong manligaw sa’yo dati, sana sila na lang ang bigyan mo ng pagkakataon ngayon!” payo nito na ikinasimangot niya.

“Ayoko nga! Ano na lang sasabihin nila sa akin? Kinain ko ang mga salita ko na hindi ko kailangan ng lalaki?” taas kilay niyang tanong dito.

“Kinain mo naman talaga dahil naghahanap ka na ng lalaki ngayon!” tugon nito sabay tawa.

“Ewan ko sa’yo!” sabi niya rito.

“O, basta, ha? Mag-ingat ka sa pagpili ng lalaki, kilalanin mo muna bago ka pumasok sa relasyon!” paalala pa nito.

“Oo na! Oo na! Ginugulo mo ako sa pakikipaglandian, eh!” sigaw niya saka muling minensahe ang lalaking nagpapakilig na sa kaniya ngayon.

Wala sa bokabularyo ng dalagang si Jenny noon ang pagpasok sa isang relasyon dahil nakatuon lang pansin niya sa sinimulan niyang negosyo upang umalwan ang buhay niya at ng kaniyang buong pamilya.

Kahit na sandamakmak na lalaki na ang gustong-gusto manligaw o kahit makipagkaibigan man lang sa kaniya, lahat ito ay kaniyang tinataboy sa pag-aakalang magiging distraksyon lang ito sa pag-abot niya ng kaniyang mga pangarap.

Ngunit ngayo’y naging matagumpay na siyang negosiyante, maayos na ang buhay ng kaniyang mga magulang, at may sari-sarili nang masasayang pamilya ang kaniyang mga kaibigan, napagtanto niyang kailangan niya rin pala ng masasandalan at makakatuwang sa buhay.

Dito na siya sumubok na gumamit ng dating app sa pagbabakasaling dito niya makikita ang lalaking para talaga sa kaniya.

Nagtuloy-tuloy ang pag-uusap nila ng binatang kapalitan niya ng mensahe noong araw na ‘yon. Panay ang pagpapakilig nito sa kaniya dahilan para siya’y labis na matuwa. Lalo pa siyang kinilig sa lalaking ito nang tumawag ito sa kaniya at makita niya kung gaano ito kakisig. “Diyos ko, gusto mo bang magpakasal na tayo?” biro niya rito na ikinatawa nito.

Paglipas ng ilan pang araw, tuluyan na nga siyang nagpasiyang makipagkita rito dahil sa kabaitang pinapakita nito. Hindi nga siya nagkamali sa lalaking ito dahil nang sila’y magkita, kitang-kita niyang ito’y maginoo, magalang sa kaniyang mga magulang, at talagang maaasahan sa buhay dahil napakasipag nito sa gawaing bahay.

Dahil nga palagay na ang loob niya at ayaw na niyang mawalay dito kahit saglit na oras, tuluyan na niya itong pinatira sa sarili niyang bahay habang pinaplano nila ang kanilang kasalanan na talaga nga namang hinahadlangan ng kaniyang kaibigan.

“Ngayon lang ako nakaramdam ng pagmamahal, Omi, tututol ka pa!” inis niyang sabi rito, isang agabi nang siya’y tawagan nito.

“Iyon nga, eh, ngayon ka lang nagmamahal kaya makinig ka sa akin! Hindi mo dapat agad na pinatira sa bahay mo ang lalaking ‘yon!” pangaral nito sa kaniya na hindi niya pinakinggan at agad na binaba ang tawag upang matulog na kasama ang naturang binata.

Kinabukasan, pagkagising niya, siya’y napangiti nang wala na sa kaniyang tabi ang lalaking minamahal. Sabi niya pa, “Siguradong pinaghandaan na naman ako ng almusal no’n! Napakaswerte ko talaga! Ganito pala ang pakiramdam ng minamahal!” saka na siya nagpasiyang bumangon upang tingnan ang binata sa kusina.

Ngunit, pagkatayo niya, siya’y agad na kinabahan nang makitang kalat-kalat na ang kaniyang mga gamit, nakabukas pa ang vault na pinagtataguan niya ng milyong-milyon niyang pera.

“Honey! Honey! Nanakawan tayo!” tawag niya sa binatang kinakasama, ngunit kahit anong paghahanap at tawag niya, hindi na niya ito makita.

Agad niya itong dinulog sa mga pulis at doon nalamang ang lalaking iyon pala ay isa sa mga pinaghahanap ng batas dahil sa napakaraming kaso, kabilang na ang pagnanakaw.

Hinang-hina siyang yumakap sa kaibigan na agad na dumating matapos niyang tawagan.

“Kung nakinig lang sana ako sa’yo, bespren, sana nasa kamay ko pa ang kalahati ng ipon ko,” sabi niya rito.

“Maging aral na sa’yo, ‘to, ha? Hindi minamadali ang pag-ibig. Hinihintay ‘yon, hindi hinahanap. Mabuti na lang nasa bangko ang iba mong pera at hindi ka niya sinaktan,” payo nito na ikinaiyak niya dahil sa pagsisising nararamdaman.

Simula noon, matiyaga nang naghintay sa pag-ibig ang dalaga. Naiinggit man siya sa mga kaibigang may mga asawa’t anak na, minabuti niyang ipagdasal muna ang hiling niyang ito kaysa muli siyang mapahamak.

Advertisement