Nang-akit ng Matanda ang Dalagang Ito para Makasakay sa Yate, Pagsisisi pala ang Kapalit Nito
“Ang saya sigurong maranasan na makipag-date sa isang mamahaling yate katulad niyan, ano? Mantakin mo, dekalibre na ang sarap ng pagkaing ihahanda sa inyo ng nobyo mo, makakapaglakbay pa kayo sa karagatan! Napakaromantiko talaga!” wika ni Gwen sa kaibigan, isang gabi habang sila’y nagmumuni-muni habang nag-iinom sa gilid ng mga bakanteng yate na hindi kalayuan sa kanilang inuupahang apartment.
“Oo nga, eh, matagal ko na talagang pangarap na makasakay d’yan kaya nga lagi kitang niyayang mag-inom sa gilid ng mga yateng ‘to! Malay mo, ‘di ba, baka may mabingwit akong lalaki na nagmamay-ari ng isa sa mga ‘yan!” sagot ni Dharla na ikinatawa ng kaniyang kaibigan.
“Naku, kaya pala! Balita ko, mga mayayamang matatanda raw ang may-ari ng mga ‘to, eh, pinaparentahan nila para raw may pandagdag kita,” nguso pa nito sa kaniya na lalo nilang ikinatawa.
“Kahit puti na lahat ng buhok sa katawan ng matandang ‘yon, ayos lang basta maranasan ko lang na makasakay d’yan!” sabi niya pa, sakto namang pagtingin niya muli sa isang yate, may matandang pababa dahilan para siya’y makaisip ng isang kalokohan, “Teka, magpapapansin lang ako sa matandang ‘yon, baka isakay ako agad sa yateng ‘yan!” nagmamadali niyang sabi habang natatarantang maglagay ng pula niyang lipstick.
“Mag-ingat ka, ha? Hihintayin kita rito!” sigaw sa kaniya ng kaibigan niya habang siya’y patakbo sa matandang iyon.
Isang maalwang buhay lamang ang tanging pangarap ng dalagang si Dharla. Simula kasi noong bata siya hanggang ngayon, isang kahig, isang tuka pa rin ang kaniyang pamilya.
Sa katunayan, kung hindi dahil sa matalik niyang kaibigan na mahal na mahal siya, siguro ngayo’y pagala-gala na siya sa kalsada dahil sa kahirapang nararanasan. Ito ang nagpatira sa kaniya sa apartment na inuupahan nito, nagbigay sa kaniya ng trabaho, at nagturo sa kaniya kung paano mangarap.
Kaya lang, kahit pa ganoon, hindi niya maiwasang umisip ng isang madaling paraan upang yumaman. Idagdag pa rito ang kagustuhan niyang makasakay sa isang mamahaling yate na talaga nga namang nagbigay sa kaniya ng ideya na siya’y kumapit na lang sa isang mayamang matanda na palagi niyang napapansing bumababa sa isang malaking yate.
Nang gabing iyon, inalalayan niya sa pagbaba ang matandang iyon habang ito’y inaakit sa pamamagitan ng kaniyang mga haplos at ekspresyon ng kaniyang mukha.
“Gusto mo bang magpahinga muna tayo sa loob ng yate, hija?” alok nito sa kaniya na talagang ikinalaki ng mga mata niya. “Ipangako mo lang sa akin na hindi mo na ako papakawalan, ha?” malandi niyang sagot dito na ikinangisi ng matanda dahilan para siya’y tuluyang yayain sa yateng iyon.
Pilit man siyang tinatawag ng kaibigan habang siya’y papasok sa yateng iyon, hindi niya iyon pinansin. Bagkus, hiniling pa sa matanda na paandarin ang yate palibot sa dagat na agad naman nitong pinag-utos sa mga tauhang naroon.
Pagkapasok nila sa silid ng yate, agad niyang nilingkisan ang naturang matanda kaya lang, bago niya pa hubarin ang pangbaba nitong suot, sandamakmak na putukan ang bigla niyang narinig na labis niyang ikinatakot.
Mabilis namang tumayo ang naturang matanda at kumuha ng baril sa ilalim ng kama.
“A-anong ibig sabihin nito?” mangiyakngiyak niyang tanong, ngunit bago pa siya masagot nito, napasok na ng mga pulis at sundalo ang silid na kinalalagyan nila at silang dalawa ay agad na pinadapa at pinosasan.
Pagkababa niya, agad na nakipagtalo sa mga pulis ang kaniyang kaibigan. Sinasabi nitong siya ay inosente ngunit ni isa, walang naniwala rito.
“Tinatawag kita kanina, Dharla, dahil nakita kong pinalilibutan ng mga pulis ang yateng ‘yan! Bakit hindi ka nakinig sa akin?” sigaw nito habang nakikipagbuno sa mga pulis na todo-harang sa kaniya.
Humahagulgol siyang pinasok sa patrol kasama ang matandang iyon habang nananalangin dahil sa kaniyang pagsisisi. Nalaman niya pang utak pala ng pinagbabawal na gamot ang matandang iyon na pinaghahanap ng batas noon pa.
Mabuti na lang talaga, mayroon siyang mabuting kaibigan na siya’y pinagtanggol hanggang dulo. Gumastos man ito ng malaking halaga para sa kaniyang abogado, hindi ito naging dahilan para sukuan siya nito hanggang sa paglipas ng isang buwan pakikipagbakbakan sa korte, siya’y napatunayang inosente.
Halos halikan niya ang paa nito sa sobrang saya at sa hiyang nararamdaman niya nang tuluyan na siyang makalaya. Sandamakmak na pasensya ang hiningi niya rito habang yakap-yakap niya ito.
“Walang shortcut sa pagtatagumpay, Dharla, hindi mo kailangan ng matanda para yumaman. Ang kailangan mo, sariling determinasyon at paninindigan,” payo nito na talaga nga namang kaniyang sinunod.
Lumipas pa ang ilang buwan, tuluyan na nga siyang nakabalik sa trabaho. Mas mababa man ang sahod niya ngayon kaysa dati, hindi siya nawalan ng pag-asa dahil masayang-masaya na siya sa pangalawang pag-asa at pagkakataon na ibinigay sa kaniya.