Ayaw Gamitin ng Binata ang Lagayan ng Selpon na Bigay ng Kaniyang Ina; Ito Pa Pala ang Makapagliligtas sa Kanilang Magkakaibigan
“Anak! Anak! Nakalimutan mo itong waterproof na lagayan ng selpon na binili ko para sa’yo!” habol ni Mimi sa kaniyang anak, isang umaga nang makita niyang naiwan nito ang binili niyang gamit.
“Mama naman, eh! Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na hindi ko ‘yan gagamitin o kahit dadalhin dahil sobrang baduy niyan! Hindi na uso ‘yan ngayon, mama!” inis na sabi ni Norton habang papadyak-padyak pa.
“Ano bang hindi uso? Napakaraming gumagamit niyan ngayon! Huwag mong idahilan sa akin ‘yan! Pang-proteksyon ‘to ng selpon mo!” sabi pa nito sa kaniya saka agad na sinuksok sa bag niya ang naturang gamit.
Ayoko nga niyan, mama, eh! Tingnan mo nga ang kulay niyan, kulay rosas! Lalaki ang anak mo ta’s gan’yang kulay ang binili mo!” sigaw niya pa matapos ilabas sa bag ang gamit na iyon.
“Dadalhin at gagamitin mo ‘to o gusto mong hindi kita payagan at bawiin ko lahat ng perang binigay ko sa’yo para sa outing niyong ‘yan?” panakot nito na agad na nakapagpabago sa asal niya.
“Si mama talaga, hindi mabiro! Gustong-gusto ko kaya ‘to! Pangako, gagamitin ko ito! Makakaasa kang kahit naliligo ako sa banyo, nakasabit ‘to sa leeg ko!” patawa-tawa niyang sabi habang tinatago ang inis na nararamdaman.
“Mabuti! Mag-ingat ka!” paalam nito sa kaniya saka na siya tuluyang hinayaang sumakay sa sasakyan ng kaniyang kaibigan.
Inis na sa kaniyang ina ang binatang si Norton. Kahit na kasi siya’y bente anyos na, todo alaga pa rin ito sa kaniya na kung minsan ay ikinatatawa na ng kaniyang mga kaibigan.
Ito pa rin ang naghahanda ng kaniyang almusal, pumipili at namimili ng kaniyang mga damit, at marami pang bagay na para sa kaniya, hindi na dapat nito ginagawa dahil nga siya’y matanda na.
Ngunit kahit pagsabihan niya itong hindi na niya kailangan ng todong pag-aalaga, wala siyang magawa kapag dumilat na ang mata nito sa galit dahil alam niyang isang sabi lang nito sa kaniyang ama, siya’y agad na mapapalayas at mauubusan ng pera na labis niyang ikinakatakot.
Lalo pa siyang nainis dito ngayong magbabakasyon siya sa probinsya ng kaniyang kaibigan. Halos lahat na kasi ng gamit niya, pinadala nito. Bumili pa ito ng isang waterproof na lagayan ng selpon para raw madala niya ang selpon kapag mamangka sila roon na talaga nga namang ikinabwisit niya.
Ngunit dahil nga natakot siyang maudlot pa ang kinasasabikang pagbabakasyon kasama ang mga kaibigan, sinunod niya na lang ang kaniyang ina at isinaisip ang mga bilin nito.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakarating sa probinsya ng kaniyang kaibigan kasama ang ilan niyang barkada.
Agad na nagkayayaang mamangka ang mga ito lalo pa nang makita nila ang linaw ng tubig sa dagat.
At dahil nga bilin ng kaniyang ina na gamitin niya ang binili nitong waterproof na lalagyan ng selpon, kaniya itong dinala at doon nilagay ang selpon.
Natuwa naman siya sa gamit na ito hindi kalaunan dahil kahit na nababasa sila ng pagaspas ng alon mula sa dagat, nakakakuha pa rin siya ng mga litrato nang hindi ito nababasa.
Walang mapagsidlan ang kasiyahang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Lalo pa nang maglabas ng alak ang isa niyang kaibigan dahilan para lahat sila ay nagsigawan sa tuwa.
Kaya lang, nang maubos na nila ang isang alak, siya’y bahagyang nakaramdam ng pagkahilo dahilan para siya’y maupo sa isang tabi. Ngunit ang kaniyang mga kaibigan, imbis na magpahinga, nagpatuloy sa pag-inom hanggang sa mahulog ang mga ito sa dagat.
Sa sobrang taranta niya, agad na nawala ang kaniyang pagkalango at isa-isang hinagis sa mga ito ang salbabidang kaniyang nahagilap sa bangka.
Ngunit dahil lasing na ang kaniyang mga kaibigan, ni isa sa mga ito, walang nakasalo sa binato niyang salbabida dahilan para siya’y mapilitan nang tumalon sa dagat upang sagipin ang mga ito.
Hindi naging madali sa kaniya ang pagsagip dahil nag-uunahan ang mga itong makayakap sa kaniya pero dahil nga mahal niya ang mga kaibigan niya, binuhos niya ang buong lakas hanggang sa maibalik niya lahat sa bangka ang mga ito.
Kaya lang, nang muli siyang makasampa sa bangka, kaniyang napagtantong napakalayo na nila sa isla dahil hindi na niya ito matanaw. Ni hindi niya rin maalala kung paano bumalik doon dahilan para siya’y kabahan na.
Tanungin man niya ang mga kaibigan, wala siyang nakukuhang maayos na sagot mula sa mga ito hanggang sa mahawakan niya na lang ang selpong nakasabit sa leeg niya at doon niya napagtantong pupwede siyang humingi ng tulong gamit iyon.
Tumawag nga siya sa 911 upang humingi ng tulong at pagkalipas lang ng halos bente minuto, sila’y natagpuan na ng mga ito.
Katakot-takot na pasasalamat ang binigay niya sa mga ito habang yakap-yakap ang waterproof na lagayang bigay ng kaniyang ina. Sabi niya sa ina nang magkaroon ng pagkakataong makatawag dito, “Kahit saan talaga, mama, inaalala mo ako. Salamat, dahil binigyan mo ako ng ganito dahil kung hindi, baka sumakabilang buhay na lang kaming lahat dahil sa gutom sa gitna ng karagatan.”
Iyon na ang simula sa unti-unti niyang pasasalamat at pagkatuwa sa ginagawang pag-aalaga ng ina. Pagtawanan man siya ng iba, ayos lang sa kaniya, basta’t para sa ikabubuti at kaligtasan niya.