Kahit Bawal, Panay ang Pag-inom ng Softdrinks ng Dalagang Ito; Nakonsensya Siya sa Ginagawa Niya Kalaunan
“Yuki, hindi ba’t bawal ka na uminom ng softdrinks dahil may UTI ka? Bakit sandamakmak pa rin ang softdrinks mo rito sa ref mo?” tanong ni Toki sa kaniyang kapatid, isang gabi nang dalawin niya ito sa dorm nito sa Maynila.
“Diyos ko! Napakapakialamera mo talaga, ate! Nalingat lang ako saglit, nabuksan mo na agad ang ref ko!” sigaw ni Yuki saka dali-daling sinarhan ang ref na pinakatatago.
“Sagutin mo ang tanong ko! Bakit napakarami mo pa ring softdrinks dito kahit na may sakit ka na, ha? Kakadaing mo lang sa akin na hirap na hirap ka nang umihi tapos ganito ang makikita ko?” galit na tanong nito sa kaniya dahilan para mapakamot siya ng ulo.
“Hindi ko naman ‘yan iniinom, ate. Iyan pa ‘yong mga pinamili ko dati. Naipon lang kasi nga hindi na ako umiinom ng softdrinks,” pangangatwiran niya habang nag-iisip pa ng pupwedeng idahilan.
“Ah, ganoon ba? O, sige, ilagay mo sa isang kahon, ipapamigay ko na lang sa mga drayber d’yan kaysa nakatambak dito,” sabi nito na ikinagulat niya.
“Ah, eh, ate, huwag naman…” pigil niya rito.
“Anong huwag? Baka gusto mong isumbong kita kila mommy!” panakot nito dahilan para siya pa ang magbigay ng kahon dito.
“Oo, na! Ipamigay mo na lahat!” wika niya pa habang may pilit na ngiti sa labi.
Softdrinks ang naging sandalan ng dalagang si Yuki sa kaniyang pag-aaral. Ito ang tinuturing niyang pampalakas at pampagising ng diwa lalo’t higit sa mga oras na tinatamad na siyang mag-aral.
Kapag nakainom siya nito, pakiwari niya, buhay na buhay na naman ang katawan at isip niya. Ginaganahan din siyang mag-aral, gumawa ng mga proyekto, at ilan pang gawaing pampaaralan tuwing nakakainom siya nito.
At dahil nga sa palagian niyang pagkonsumo ng softdrinks, hindi kalaunan, siya’y nagkasakit dahilan para pagbawalan na siya ng doktor pati ng kaniyang buong pamilya sa pag-inom nito.
Ngunit dahil nga matigas ang ulo niya at malayo naman siya sa kaniyang pamilya, patuloy pa rin siyang umiinom nito para lang ganahan siya sa pag-aaral.
“Kapag nakapagtapos naman ako, matutuwa rin kayong lahat,” sabi niya, isang gabi nang makaramdam siya ng pangongonsenya sa pagbili niya ng napakaraming softdrinks.
Nang gabing iyon, malamig na pawis ang naramdaman niya nang biglang dumalaw at maghalungkat ng ref ang kaniyang nakatatandang kapatid. Katulad ng kinakatakutan niya, nakita nga ito ang kaniyang tinatagong inumin dahilan para ito’y labis na magalit.
Pagkasalansan nito ng mga kinuhang softdrinks sa isang kahon, agad na rin itong umalis. Kitang-kita niya kung paano nito pinamigay sa mga drayber doon ang kakabili niya lang na mga inumin dahilan para siya’y labis na mainis.
“Paano ako mag-aaral ngayong gabi? Nakakainis naman si ate, eh!” sabi niya habang ginugulo-gulo ang buhok dahil sa pagkainis.
Dahil nga hinahanap-hanap niya ang lasa ng softdrinks, hindi na talaga siya nakatiis at saglit na lumabas ng kaniyang dorm upang bumili sa pinakamalapit na convenience store.
Walang mapagsidlan ang kasiyahang naramdaman niya nang muling makainom nito dahilan para agad niyang simulan ang pag-aaral.
Ngunit dahil marami siyang kailangang gawing takdang-aralin at proyekto, nakaanim na bote na siya ng softdrinks, hindi pa rin siya tapos sa ginagawa.
“Matulog muna kaya ako? Bukas na lang ‘to! Wala nang bukas na tindahan ngayon, eh, hindi rin ako makakagawa nang maayos!” sabi niya nang makitang wala nang laman ang mga binili niyang bote.
Bago siya matulog, nagpasiya siyang magbanyo muna. Kaya lang, pagkatapos niyon, halos mapasigaw siya nang makitang may kasamang dugo ang likidong inilabas niya.
“Sa isang linggo pa ang dalaw ko, ha? Diyos ko! Ano ‘yan? Bakit may dugo?” pagtataka niya dahilan para agad niyang tawagan ang nakatatandang kapatid na agad namang rumisponde.
Kahit ayaw niya, siya’y agad na dinala nito sa ospital nang makitang kumonsumo na naman siya ng softdrinks at doon nila nalamanang lumalala ang UTI niya kaya kailangan niyang mamalagi sa ospital.
“O, ayan ba ang gusto mo? Ang gumastos nang malaki sa ospital ang mama at papa dahil sa katigasan ng ulo mo? Akala mo ba nagpupulot lang sila ng pera, ha?” sermon nito sa kaniya dahilan kaya siya’y labis na nakonsensya at naiyak na lamang dahil sa labis na pagsisisi.
Ilang araw lang, tuluyan na rin siyang nakalabas ng ospital at simula noon, labis na niyang kinontrol ang sarili sa pagkonsumo ng inuming iyon.
Hindi man naging madali dahil patuloy itong hinahanap-hanap ng kaniyang katawan, inisip niya na lang ang hirap na dinaranas ng kaniyang mga magulang para lang makapagtapos siya at maalagaan ang kalusugan niya.