Ikinahihiya ng Dalaga ang Paghahatid-Sundo ng Ama Gamit ang Bulok na Traysikel; May Dapat nga ba Siyang Ikahiya?
“O, anak, paalis ka na pala, hindi mo man lang ako inabisuhan! Saglit, magbibihis lang ako tapos ihahatid na kita!” natatarantang sabi ni Caloy nang makitang paalis na ang nag-iisa niyang anak na papasok ng paaralan.
“Huwag mo na akong ihatid, ‘tay. Ayos lang naman sa akin na maglakad na lang ako. Malapit lang naman ang paaralan ko, eh,” katwiran ni Kisses saka agad na lumabas ng kanilang barung-barong.
“Hindi na! Delikado para sa isang dalagang katulad mo na maglakad mag-isa! Hintayin mo ako riyan, magpapalit lang ako ng damit, pawis na kasi ako, eh,” giit ng kaniyang ama na talagang ikinagalit niya.
“Huwag na nga sabi, eh! Bakit ba gustong-gusto niyong ihatid ako gamit ‘yang bulok mong tricycle? Sinasadya mo ba talagang mapahiya at magmukha akong kawawa sa mga estudyante roon?” sigaw niya na ikinagulat ng ama.
“Naku, hindi, anak, gusto ko lang masiguro ang kaligtasan mo,” malumanay na sagot nito.
“Ewan ko sa’yo! Simula ngayon, huwag na huwag mo na akong iaangkas sa tricycle na ‘yan! Wala na nga akong malaking baon, bulok pa ang sasakyang naghahatid sa akin!” bulyaw niya pa rito saka agad nang umalis ng kanilang bahay.
Hiyang-hiya ang dalagang si Kisses sa tuwing siya’y ihahatid ng kaniyang ama sa paaralan. Bukod kasi sa mukhang mahirap ang itsura ng kaniyang ama na may maitim na balat dahil sa pagtatrabaho sa gitna ng arawan, bulok na bulok pa ang gamit nitong traysikel na malayong-malayo sa mamahaling sasakyan na naghahatid sa kaniyang mga kamag-aral.
Sa katunayan, wala ni isa sa kaniyang mga kaklase ang nangmamaliit sa kaniya. Sadyang gusto niya lang na itago ang katotohanang mula siya sa mahirap na pamilya dahil sa kagustuhan niyang makisabay sa mga ito kahit hindi naman kaya ng kaniyang ama.
Nang araw na ‘yon, matiyaga niyang nilakad ang mahabang daan patungo sa pinapasukang paaralan. Habang naglalakad siya, sinisisi niya ang ama niya kung bakit ganito kahirap ang buhay nila.
“Kung nag-aral lang kasi si tatay dati, sana may magara rin kaming sasakyan ngayon!” inis niyang sabi nang biglang may tumigil na isang kotse sa tabi niya.
“Bakit ka pinaglalakad ni Mang Caloy ngayon? Sakay na!” sabi ng kapitan ng kanilang barangay dahilan para siya’y agad na sumakay dito. “Sa totoo lang po kasi, Kap, nahihiya na ako sa paghatid-sundo ni tatay sa akin gamit ang bulok na tricycle,” tapat niyang sabi sa pagbabakasaling maaawa ito sa kaniya.
“Ano bang kahiya-hiya roon? Dapat mo ngang ipagmalaki na nagagawa kang ihatid-sundo ng tatay mo kahit na may pinagkakaabalahan din siya. Alam mo bang nangungutang pa ‘yon sa akin ng bente pesos malagyan lang ng gas ang tricycle na ‘yon para maihatid ka?” kwento nito na talagang nagpalambot ng puso niya, hanggang sa makarating siya sa paaralan, tulala pa rin siya sa nalamang katotohanan.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan nang natapos ang kaniyang klase. Agad niyang hinanap ang kaniyang ama ngunit wala ito sa labas ng kanilang paaralan dahilan para siya’y labis na makaramdam ng lungkot.
Pagkauwi niya, naabutan niyang malungkot na nagkakape ang kaniyang ama. Kaya naman, siya’y agad na lumapit dito at humingi ng tawad.
“Pasensya ka na, tatay, ha? Pangako, simula ngayon, ipagmamalaki ko nang may masipag at maalagain akong ama!” masaya niyang sabi.
“Talaga?” paninigurado nito na may pagkasabik.
“Opo! Ihatid mo na ako ulit bukas, ha? Hirap pala talagang maglakad nang malayo!” sagot niya na parehas nilang ikinatawa.
Simula noon, hindi na siya muling nakaramdam ng kahihiyan sa tuwing hinahatid ng ama. Bagkus, siya’y nakaramdam na ng kasiyahan dahil sa amang palaging handang umalalay at sumuporta sa kaniya kahit masikip ang bulsa.
Ilang taon pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakapagtapos ng pag-aaral at agad na nagsimulang magtrabaho upang makabawi sa ama.
At dahil nga siya’y may kagalingan, agad siyang natanggap sa isang sikat na hotel sa Maynila. Dito na nagsimulang umangat ang buhay nilang mag-ama hanggang sa mapaayos na niya ang kanilang bahay at makabili na ng bagong traysikel na ngayo’y pinagkakakitaan pa ng kaniyang amang tuwang-tuwa sa tagumpay niya.
“Makakaasa kang hindi kita pababayaan, tatay, kagaya ng pag-aalaga mo sa akin noon. Para sa’yo ang lahat ng ito!” sabi niya rito, isang umaga matapos siyang ihatid nito sa sakayan ng bus.