Isang Binatilyong Palaboy ang Pinagtabuyan ng Guwardiya Palabas; Naantig ang Damdamin ng Dalaga sa Istorya Nito
Abala sa pagtitipa ng mensahe para sa kaniyang ina si Mary Anne ngunit naagaw ang atensiyon niya nang may marinig na komosyon.
Luminga siya sa paligid at doon ay nakita niya ang isang guwardiya na pilit pinagtatabuyan ang isang binatilyo palabas sa money remittance center kung saan siya naroon.
“Alis! Bawal ang mga batang palaboy rito! Labas!” sigaw ng guwardiya na may hawak pang baton.
Kinaladkad nito ang binatilyo palabas, na noon ay halatang nagpapabigat para hindi tuluyang mahigit.
“Bakit po? Wala naman akong ginagawang masama!” katwiran ng binatilyo.
Kumunot ang noo ng guwardiya. “Aantayin ko pa bang may gawin kang masama? Umalis ka na rito at sa ibang lugar ka na lang mamalimos. Nakakaabala ka lang sa mga customer,” mas mahinahon na taboy nito.
“Hindi po ako mamalimos! Magpapadala rin ako ng pera sa pamilya ko!” giit ng binatilyo.
Imbes na makinig ay mas lalo pang naging iritable ang guwardiya, halatang hindi naniniwala sa sinasabi nito.
“Talaga? Sige nga, nasaan ang ID mo? Kailangan ‘yun para makapagpadala ka!” hamon nito.
Nang walang maipakita ang binatilyo ay napailing ang guwardiya.
“Kita mo na? Hindi mo ako maloloko, boy, kaya ang mabuti pa ay lumabas ka na dahil hindi ka makakalusot sa akin,” pinal nitong pahayag.
Binuksan nito ang pintuan at pilit na pinagtulakan ang binatilyo palabas. Nakita niya pang dinuro nito ang huli at pinagsabihan na ‘wag na itong babalik sa lugar na iyon.
Nang matapos ang komosyon ay napabuntong-hininga na lamang si Mary Anne at ibinalik ang atensyon sa kahera na kinokolekta ang pera na ipapadala niya sa kaniyang ina na may sakit.
Makalipas ang halos kalahating oras ay palabas na siya nang mapansin niya ang binatilyo na nakaupo sa labas. Ito ang binatilyo na kanina lang ay pinagtutulakan ng guwardiya.
Huminto siya sa paglalakad at minasdan ito. Hindi niya maiwasang makaramdam ng awa para dito lalo na’t sa tantiya ay kasing-edad lamang nito ang kaniyang nag-iisang kapatid. Hindi niya rin napigilan ang sarili na lumapit dito.
Dumukot siya ng barya sa kaniyang bulsa saka iniabot sa binatilyo.
“Heto, pambili man lang ng tinapay,” aniya.
Nang marinig nito ang kaniyang boses ay tiningala siya nito. Doon siya nagkaroon ng pagkakataon na tingnan ito nang maigi. Hindi na kataka-taka kung bakit tinawag itong batang palaboy ng guwardiya kanina. Payat na payat ito at napakadungis ng suot na damit, pati na rin ang mukha.
Sa pagkagulat niya, imbes na tanggapin nito ang pera ay umiling ito.
“Salamat, Ate, pero hindi po ako namamalimos,” anito.
“Akala ko nagsisinungaling ka lang sa guwardiya kanina,” napapahiyang bawi niya ng kamay na may pera.
“Totoo po ang sinabi ko kanina sa guwardiya. Magpapadala po talaga ako ng pera para sa pamilya ko sa probinsya,” paliwanag nito.
Dinukot nito mula sa bulsa ang ilang daang piso, pati na rin ang isang maliit na papel kung saan nakasulat ang isang pangalan at tirahan.
“Ipapadala ko po sana sa nanay ko sa probinsya. Alam ko kasing kailangan na kailangan na nila ito, Ate, kaya lang ayaw naman maniwala ng guwardiya. Saka wala rin akong ID tapos, hindi rin naman ako marunong magbasa at magsulat. Paano kaya ito?” problemado nitong tanong.
Binalot ng awa ang kaniyang puso. Ngumiti siya sa binatilyo, bago nagdesisyon na tulungan ito.
“Halika, tutulungan kita.”
Tinulungan niya itong isulat ang mga detalye na kailangan para maipadala ang pera—ang tatlong daang piso na pinagtrabahuhan pa nito.
“Sapat na ba itong ganitong halaga para sa kanila?” takang tanong niya.
Tipid na ngumiti ang binatilyo na nagpakilalang si “Jericho” saka umiling. “Sa totoo lang po, kulang na kulang, pero pwede nang pambili ng bigas at kaunting ulam.”
Dumukot siya sa kaniyang bag at kumuha ng ilang daan, bilang tulong sa pamilya ng binatilyo.
“O sige, dadagdagan ko kahit kaunti,” suhestiyon niya.
Todo pasalamat naman ito sa kaniya. Habang naghihintay ay kinuha niya na ang pagkakataon para usisain ito kung ano ang pinagkakaabalahan nito sa siyudad at kung paano ito napunta sa lugar.
“Mahirap po kasi talaga ang buhay namin. Pito po kaming magkakapatid at ako ang panganay. Ulila na kami sa ama habang si Nanay naman po ay mananahi ng basahan. Hindi sapat ang kinikita niya para sa aming magkakapatid kaya nagdesisyon akong lumuwas dito, nagbaka-sakali na magkaroon ng disenteng trabaho. Pero hindi pala ganoon kadali ang lahat lalo na sa tulad kong probinsyano at hindi nakatungtong sa eskwelahan,” kwento nito.
“Kaya heto ako ngayon, naglilinis ng mga sasakyan, minsan taga-hugas ng pinggan, pero ayos na rin kasi kahit paano nakakatulong na ako sa pamilya ko,” nakangiting wika nito.
“Ayaw mo bang bumalik na lang sa probinsya? Mukhang hindi naman maganda ang buhay mo rito. Ang payat-payat mo, at sigurado akong miss mo na ang pamilya mo,” malungkot na tanong niya.
Umiling ito. “Miss ko na sila. Kaso, kaysa ipamasahe ko pauwi, ipapadala ko na lang para makakain sila.”
Sa sinabi ni Jericho ay natahimik si Mary Anne. Pilit siyang umiisip ng paraan para matulungan ang pobreng binatilyo. Matapos ang ilang minuto ay isang ideya ang pumasok sa isipan niya.
“Jericho, ayos lang ba kung i-post natin ang kwento mo sa social media? Baka sakaling may makakita at gustuhin nilang tulungan ka kahit papaano,” suhestiyon niya.
Nahihiyang ngumiti ito. “Social media? Naku, hindi ko po alam paano iyon, eh…” nag-aalangang tugon nito.
Tinapik niya ang balikat ng binatilyo bago siya matamis na ngumiti. “Akong bahala!”
Agad niyang ibinahagi sa social media ang istorya ni Jericho. Nais niya man lang makaipon ng pamasahe para makauwi ito, at maliit na halaga na maiuuwi nito sa sariling pamilya.
Ngunit gulat na gulat sila sa naging reaksyon ng mga tao. Libo-libo ang naiyak, naawa, natuwa, at higit sa lahat ay nagnais na tumulong sa pamilya ni Jericho.
Bago matapos ang araw ay tumataginting na limampung libong piso ang hawak ni Jericho sa nanginginig nitong mga kamay!
“Ate, maraming-maraming salamat po! Napakalaking tulong po nito para sa amin! Sa wakas ay makakauwi na ako sa pamilya ko!” humahagulhol na pahayag ni Jericho.
Nangilid ang luha sa mga mata ni Mary Anne. Masayang-masaya siya para sa binatilyong si Jericho.
Alam niyang ang biyayang nakuha nito ay mula sa langit, bilang munting pagpupugay sa mga sakripisyo nito.