Inday TrendingInday Trending
Hinadlangan ng Kaniyang Magulang ang Relasyon Nila ng Kaniyang Nobyo; Tama ba na Magalit Siya sa mga Ito?

Hinadlangan ng Kaniyang Magulang ang Relasyon Nila ng Kaniyang Nobyo; Tama ba na Magalit Siya sa mga Ito?

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ng disi-syete anyos na si Agatha nang mabasa niya ang bagong dating na mensahe sa kaniyang selpon.

“Babe, kumain ka ba? Ayokong magpapagutom ka, ha.”

Iyon ang mensahe ng nobyo niyang si Bryle. Kanina niya lang sinagot ang lalaki, pero kilig na kilig siya dahil napaka-sweet nito.

“Sino ba ‘yang kausap mo at kanina ka pa hagikhik nang hagikhik?”

Napapitlag siya sa tanong ng kaniyang ama. Seryoso itong nakatingin sa kaniya.

“Ah, kaklase ko lang po, Papa. May sinend lang po siya na nakakatawang joke,” palusot niya. Hindi niya alam kung naniwala ba ito. Ngunit hindi na ito nagsalita, at ibinalik nito ang atensyon sa panonood ng TV. Habang siya naman ay nagpatuloy sa pakikipagpalitan ng mensahe sa kaniyang nobyo.

Sa mga nakalipas na buwan ay tila nakalutang sa alapaap si Agatha. Masayang-masaya siya dahil sa lalaking nagpapatibok ng puso niya.

Hanggang sa sunod-sunod na problema ang dumating, na naging balakid sa matamis nilang pagtitinginan ni Bryle.

“Anak, ano’ng nangyari sa grades mo? Bakit masyado naman yatang bumaba? Hindi naman mahalaga sa akin kung hindi ikaw ang nangunguna sa klase, pero nakakapagtaka dahil parang bigla mo na lang pinabayaan ang pag-aaral mo,” isang gabi ay puna ng kaniyang ina.

Agad na kumabog ang dibdib ng dalagita.

“Pasensya na po, Mama, sobrang hihirap po talaga ng mga lesson namin, kaya ang hirap-hirap na makapasa sa mga test,” paliwanag niya.

“Gusto mo ba na ikuha ka namin ng tutor?” agad na alok ng kaniyang Papa.

Marahas siyang umiling.

“Hindi na po. Meron naman po akong kaklase na pwede kong hingian ng tulong, sa kaniya na lang po ako lalapit,” nakangiting wika niya. Sa isip niya ay tuwang-tuwa siya dahil magkakaroon na siya ng dagdag na oras kasama ang nobyo.

Ang totoo ay inasahan niya na ang pagbaba ng kaniyang grado. Imbes kasi na mag-aral ay nawiwili siya na makipag-usap sa kaniyang nobyo.

Halos madaling araw na rin kung matulog siya, dahilan upang antukin siya sa klase nang madalas. Aminado man ang dalagita na nawawalan siya ng pokus ay hindi niya ito alintana—basta ay masaya ang puso niyang umiibig.

Ngunit marahil ay sadyang walang lihim na hindi nabubunyag.

Isang araw, imbes na pumasok sa eskwela ay niyaya siya ni Bryle na pumunta sa mall at manood ng sine.

Hindi naman niya magawang tanggihan ang nobyo lalo pa’t iyon ang unang beses na magde-date sila sa labas ng paaralan.

Matapos silang manood ng sine ay nagpalamig muna sila sa mall. Ngunit habang magkahawak-kamay silang naglalakad ni Bryle ay tila siya naestatwa nang isang pamilyar na tinig ang tumawag sa pangalan niya.

“Agatha?”

Nang lingunin niya ang nagsalita ay agad siyang namutla. Nakita niya kasi ang kaniyang Ate Esther kasama ang asawa nito.

“Agatha? Anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t may klase? At sino ‘yang kasama mo?” gulat na gulat na tanong ng kaniyang nakatatandang kapatid habang nakatitig sa magkahawak nilang kamay ni Bryle.

Hindi na niya magawang magkaila. Huling-huli siya sa akto!

Nang aminin niya rito ang totoo ay halos kaladkarin siya nito pauwi sa bahay nila. Hindi ito nakinig sa pakiusap niya na ilihim ang lahat sa kanilang Mama at Papa.

“‘Yung lalaking ‘yun ba ang dahilan kaya halos magbagsakan ang grades mo? Aba, ang bata-bata mo pa, Agatha. Hindi ba’t ang usapan natin ay magtatapos ka muna ng pag-aaral?” Tila kulog na dumagundong ang galit na tinig ng kaniyang ama.

Takot man ay taas noo siyang sumagot.

“Nagmamahalan kami, Papa. Ano ang masama doon?” tanong niya.

“Masyado pa kayong bata! May tamang oras para sa lahat. Hindi mo ba nakikita na nakakaapekto ito sa pag-aaral mo? At alam kong nakakaapekto rin ito sa pag-aaral ng nobyo mo!” katwiran nito.

“Makipaghiwalay ka riyan sa nobyo mo, kung ayaw mong sugurin ko ‘yan!” banta pa nito.

Umiiyak na pumasok siya sa kaniyang silid. Alam niya sa sarili niya na hindi niya magagawang hiwalayan si Bryle.

Ngunit nahirapan na silang magkita dahil parating nakabantay-sarado ang kaniyang magulang, lalo na ang Papa niya.

“Magtanan na tayo,” yaya ni Bryle isang araw ay makapuslit sila at patagong nagkita sa likod ng eskwelahan.

Walang pagdadalawang-isip na sumama siya kay Bryle. Wala silang dala na kahit ano. Ngunit ilang araw pa lang silang nagsasama ay isang tawag sa telepono ang nagpabago ng lahat. Matapos sagutin ni Bryle ang tawag ay tila naging ibang tao ito.

“Agatha, maghiwalay na tayo. Ibabalik na kita sa pamilya mo,” seryosong saad nito, bagaman halatang nagpipigil ito ng luha.

“P-pero bakit? Hindi ba’t mahal natin ang isa’t isa?” lumuluhang wika niya sa katipan.

Matigas ang naging pag-iling nito.

“Oo. Pero tama ang mga magulang mo. Hindi ito ang tamang panahon para sa atin.”

Nakaramdam ng galit si Agatha dahil sa sinabi ng nobyo. Noon niya napagtanto na ang sarili niya pa palang magulang ang hahadlang sa pag-iibigan nila.

Nang makauwi siya sa kanila, ang puso niyang basag na basag ay punong-puno ng galit. Galit para sa kaniyang mga magulang.

Mas lalo lang umigting ang galit niya nang malaman na wala na ang pamilya ni Bryle. Nagpakalayo-layo na ito patungo sa lugar na hindi niya alam kung saan.

Walong taon ang matuling lumipas, at gaya ng nais ng kaniyang mga magulang ay nakapagtapos siya ng pag-aaral. Isa na siyang matagumpay na accountant, gaya ng panngarap niya.

Subalit hindi na nila naibalik ang dati nilang samahan ng magulang. Bihira kung kibuin niya ang mga ito, at ganoon din ang mga ito sa kaniya.

Hindi na rin siya nagkaroon pa ng oras para sa pag-ibig. Hanggang ngayon kasi ay may parte pa rin sa puso niya na umaasang babalik pa si Bryle, kahit pa alam niya na malabo nang mangyari iyon.

Subalit isang araw, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nag-krus muli ang landas nila ni Bryle. Nang magtama ang tingin nila sa bangko kung saan siya nagtatrabaho ay tila tinambol ang puso niya sa sobrang kaba.

“Agatha, ikaw na ba ‘yan?” hindi makapaniwalang usisa ng lalaki.

“Bryle,” aniya, habang may tipid na ngiti sa labi.

Nang matapos ang transaksyon ng lalaki sa bangko, inakala niya na iyon na ang huling beses na magkikita sila. Ngunit laking gulat niya nang makita niya itong naghihintay sa labas nang sumapit na ang uwian.

“Pwede ba kita yayaing magkape?” tila nahihiyang alok nito.

Pinaunlakan naman niya ang alok nito. Sa pag-uusap nila ng lalaki ay lumabas ang tunay na dahilan kung bakit bigla na lamang siya nitong iniwan noon.

“Naalala mo ‘yung sinagot kong tawag? Tawag ‘yun mula sa ospital. Na-stress daw si Papa dahil sa pagtatanan natin, kaya siya inatake sa puso. Ayoko naman na sapitin din ng Papa mo ‘yun, kaya naisip ko na pakawalan ka noon,” kwento nito.

Tila niyanig ang mundo ng dalaga. Nag-unahang tumulo ang mga butil ng luha sa kaniyang mga mata.

“Akala ko pinagbawalan ka nila Papa… kaya nagalit ako sa kanila sa mahabang panahon,” umiiyak na kwento niya dating katipan.

“Hindi, hindi, Agatha. Magulang mo sila. Gusto lang nila ang pinakamabuti para sa’yo. At hindi tayo nakakabuti sa isa’t isa noon. Kung tinuloy siguro natin ang pagsasama natin noon, baka naghihirap tayo ngayon na itaguyod ang mga anak natin,” anito bago hinawakan ang kaniyang kamay.

Napahagulhol na lamang siya nang mapagtanto na tama ang sinabi ni Bryle.

“Wala kang singsing, ibig sabihin ba niyan ay single ka pa rin tulad ko?” maya-maya ang usisa nito. Nasa mata nito ang piping pag-asam.

Isang kiming tango ang isinukli niya sa lalaki.

“Pwede pa ba tayo?” tila nag-aalangang tanong nito.

Tumango siya. “Hindi naman kita nalimutan kahit minsan…”

Habang papauwi si Agatha sa bahay nila ay tila tinatambol ang dibdib niya sa kaba. Matapos kasi ang mahabang panahon ay hihingi siya ng tawad sa kaniyang mga magulang.

Gaya ng dati, ang tanging salita lang ng kaniyang Papa ay “Kumain ka na.”

Simpleng salita lamang ‘yun, at araw-araw niya iyong naririnig, ngunit tumulo ang luha niya. Napagtanto niya kasi na mula noon, hanggang ngayon ay kapakanan lamang niya ang nasa isip ng kaniyang mga magulang.

Noon niya inamin sa sarili niya na tama ang mga magulang niya at siya ang nagkamali.

Diretso niyang niyakap ang kaniyang ama at ina habang paulit-ulit na sinasabi ang mga katagang, “Sorry, Papa. Sorry, Mama.”

“Ang mahalaga lang naman sa amin ay mabuti na ang lagay mo. Masaya na kami ng Papa mo. Ngayon, pwedeng-pwede ka nang maghanap ng lalaking mamahalin mo,” wika pa ng kaniyang ina.

Kinakabahan man ay naging matapat siya sa mga magulang.

“Nakita ko po ulit si Bryle. Tinatanong niya kung pwede pa kami…”

Ang inaasahan niyang galit ng mga magulang ay hindi dumating. Bagkus, ngumiti ang kaniyang ama.

“Dalhin mo rito sa bahay. Gusto ko ang batang iyon, mabait,” anito.

Hindi makapaniwala si Agatha sa narinig.

“Hindi n’yo po kami pipigilan?” takang tanong niya.

“Bakit kita pipigilan? Matanda ka na, hindi na ikaw ‘yung disi-syete anyos na walang kaalam-alam. Hindi ba’t sinabi ko sa’yo noon na may tamang panahon para sa pag-ibig? Ito na ‘yun. Kung naaalala mo noon, hindi kayo natuloy. Kasi hindi pa panahon. Ngayon, walang pipigil sa inyo, anak,” wika ng kaniyang Papa.

Totoo ang sinabi ng kaniyang ama. Maging ang mga magulang ni Bryle ay hindi sila pinigilan nang sabihin nila na nagkabalikan na sila. Bagkus ay naging masaya pa ang mga ito para sa kanila.

Masayang-masaya si Agatha. Malaya na silang nagmamahalan ni Bryle. Walang pangamba sa puso nila. Noon niya napatunayan na mayroon ngang tamang panahon sa bawat bagay, lalong-lalo na sa pagmamahal.

Ang pag-iibigan nila noon ni Bryle ay mapanira at mapanakit. Dahil wala sa tama. Ngunit ngayon, sa ikalawang pagkakataon, sa tamang panahon, susulitin nila ang mga panahong magkasama sila.

Advertisement