Nadudurog ang Puso ng Ginang sa Tuwing Nakikita Niya ang Paghihirap ng Asawang May Sakit; Hanggang Kailan Nito Kakayanin ang Pagdurusa?
Nagising na lamang si Rissa dahil pabiling-biling sa higaan ang asawa niyang si Emil.
Kahit malamig sa silid nila dahil sa nakabukas na aircon ay pawis na pawis ito. Mariin itong nakapikit habang mahigpit ang kapit sa tagiliran nito.
Tarantang kinuha niya ang gamot ng asawa bago siya kumuha ng isang basong tubig.
Pagkatapos ay binalikan niya ang asawa na noon ay mahina nang humihikbi.
“Ang s-sakit s-akit,” utal-utal na anas nito.
Tila piniga ang puso ng ginang sa nasasaksihan, ngunit nilapitan niya ang asawa upang painumin ito ng gamot. Nais niyang maibsan man lang nadarama nitong sakit.
Matapos ang ilang minuto ay bahagyang kumalma ito.
“Masakit pa ba, mahal?” mahinang usisa niya sa asawa, habang pilit niyang nilalabanan ang pagnanais na umiyak sa harap nito.
Nanghihina man ay ngumiti ito at hinawakan ang kamay niya.
“Hindi na. Hindi na masakit. Magaling ang nurse ko, eh,” sagot nito, namumungay ang mata dahil sa antok. Ilang sandali lang ay tuluyan na itong napapikit.
Nang marinig niya ang mahinang paghilik ng asawa, tanda na tulog na ito, ay noon lamang sunod-sunod na tumulo ang luhang kanina niya pa pinipigilan.
Anim na buwan nang nakikipaglaban sa kans*r sa bato ang asawa niya.
Sa kasamaang palad ay huli na ang lahat nang malaman nila ang sakit nito, kaya naman wala na raw tiyansa na magamot pa ang kans*r nito na kumalat na sa iba pang bahagi ng katawan nito.
Ang tangi lang daw magagawa ng mga doktor ay ibsan ang sakit na nadarama ng kaniyang asawa sa mga huling araw nito sa mundo.
“Diyos ko, bakit naman ang asawa ko pa?” humahagulhol na bulong niya.
Iyon ang araw-araw niyang tanong sa Diyos. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangan pang ang asawa niya ang magdusa sa sakit na iyon.
Ngunit wala siyang ibang magawa kundi ang lakasan ang kaniyang loob dahil gusto niyang patuloy na lumaban ang kaniyang asawa.
Kinaumagahan, kumakain sila ng umagahan nang magsalita si Emil.
“Mahal, mahigit isang linggo na lang pala, anniversary na natin. Ano’ng gusto mong regalo?” masiglang usisa nito.
Nginitian niya ang asawa.
“Wala, wala akong ibang gusto. Gusto ko lang maging maayos ang pakiramdam mo sa araw na ‘yun, at sa mga susunod pang araw,” tugon niya.
Natatawang tumango ito.
“Oo na. Ikaw na ang ulirang asawa,” biro nito, dahilan para magkatawanan sila.
Magaan ang pakiramdam ni Rissa nang araw na iyon dahil wala silang ibang ginawa kundi ang magkwentuhan.
Sa buong maghapon ay ni hindi man lang sinumpong ng sakit ang asawa niya.
Hindi niya tuloy maiwasan na hilingin na sana ay ganoon na lang palagi. Tila kasi tinutusok ang puso niya sa t’wing nakikita ang paghihirap ng kabiyak.
Masayang natulog si Rissa nang gabing iyon, habang yakap-yakap ang kaniyang asawa.
Hindi niya inaasahan ang tagpong bubungad sa kaniya kinaumagahan. Hindi na humihinga ang asawa niya.
Dali-dali niya itong isinugod sa ospital, ngunit wala na ring nagawa ang mga doktor.
“Wala na ho tayong magagawa, dahil hanggang dito na lang ang kaya ng katawan ng asawa niyo, misis,” malungkot na pagbabalita ng doktor.
Labis ang pagdadalamhati ni Rissa. Bagaman kasi alam niya na may taning na ang buhay ng asawa, hindi niya alam na ganoon lang kabilis na mawawala ito sa kaniya. Masayang-masaya pa sila kahapon.
Simula nang iburol si Emil hanggang sa mailibing ito, halos hindi siya umalis sa tabi ng asawa.
Labis-labis ang kaniyang paghihinagpis.
“Paano na ako, ngayong wala ka na, Emil?” umiiyak na bulong niya nang mag-isa siyang makauwi sa bahay nilang mag-asawa.
Ilang araw matapos ang libing ay sumapit ang anibersaryo nilang mag-asawa.
Pagdilat pa lamang Rissa ay agad na tumulo ang luha niya nang maalala na wala na siyang kabiyak na kasamang magdiriwang.
“Madaya ka, tinatanong mo pa kung anong gusto kong regalo, mawawala ka naman pala,” umiiyak na anas niya, na para bang maririnig siya ng asawa.
Bagaman nanghihina at patuloy pa rin sa pagluluksa ay naghanda pa rin siya ng paboritong pagkain ng kaniyang asawa.
Sa kaibuturan kasi ng puso niya ay naroon ang pagnanais niya na ipagdiwang pa rin ang pagmamahalan nilang mag-asawa.
Kumakain siya nang marinig niya ang pagtunog ng door bell.
Nabungaran niya ang isang lalaki na may hawak ng isang malaking pumpon ng pulang rosas, ang paborito niyang bulaklak.
“Ma’am, delivery po,” anito.
Nagtataka man ay tinanggap niya ang bulaklak. Nakapatong sa bulaklak ang isang card na nahulaan niyang mula sa nagpadala.
Nang mabasa niya ang pangalan ng nagpadala ng bulaklak ay walang patid ang pagtulo ng kaniyang luha.
Mula kaso iyon sa kaniyang asawa. Nahinuha niya na inasikaso iyon ni Emil bago ito pumanaw, upang kahit paano ay hindi niya maramdaman ang pag-iisa.
Nanginginig ang kamay na binasa niya ang maikli nitong mensahe para sa kaniya.
“Kung sa oras na binabasa mo ito ay wala na ako, gusto kong sabihin sa’yo na hindi ka dapat umiyak. Nasa maayos na lugar na ako, kung saan walang sakit, takot, at pangamba. Mamahalin kita kahit sa kabilang buhay, parati akong nasa tabi mo. Maging masaya ka sana kahit wala ako. At kahit na makahanap ka man ng kapalit ko sa puso mo, hindi ako magtatampo. Gusto ko lang na maging masaya ka. Hanggang sa muli nating pagkikita, mahal ko.”
Napahagulhol na lamang si Rissa sa iniwang mensahe ng kaniyang asawa. Matapos ang mahaba-haba niyang pag-iyak, bigla-bigla ay tila nawala ang mabigat na pasanin niya.
Isinaisip niya kasi ang sinabi ng asawa—naroon na ito sa isang lugar kung saan hindi na ito magdurusa. Hindi na niya maririnig ang makapunit-puso nitong pag-iyak sa t’wing sumusumpong ang sakit nito.
Isang tipid na ngiti ang ang sumilay sa labi ng ginang. Wala man ang asawa niya at hindi na niya ito kasama, mananatili itong buhay na buhay sa puso niya. At alam niyang nasaan man ito, hindi siya kalilimutan nito.
“Hanggang sa muli nating pagkikita, mahal,” bulong niya habang hawak-hawak ang mga bulaklak, ang kahuli-hulihang regalo ng pinakamamahal niyang asawa.