Naiinis ang Dalaga sa Pagkakuripot ng Kaniyang Ate; Hindi Niya Akalain na Ito Pala ang Dahilan
“Jocelyn, tamang-tama at narito ka na! Kanina pa kami nag-uusap ng barkada. Balak kasi naming mag-outing tutal naman ay graduation na natin sa hayskul. Huling beses na itong magkakasama tayo,” saad ni Celine sa kaibigan.
“Naku, huwag n’yo nang ayain ‘yang si Jocelyn at hindi na naman ‘yan makakarating! Hindi papayagan ‘yan ng ate niya dahil walang panggastos!” kutya naman ng kabarkadang si Karen.
Napahiya si Jocelyn sa sinabi ng kaniyang kaibigan.
“S-saan n’yo naman balak sanang pumunta?” tanong ng dalaga.
“Ang napapag-usapan ay pupunta ang barkada sa Batangas at uupa tayo ng isang kwarto sa isang hotel. Hindi ba masaya ‘yun? Tara na! Sama ka na!” paanyaya muli ni Celine.
“Parang hindi naman kayo nasanay diyan kay Jocelyn. Pinag-aaksayahan mo pa na imbitahin ‘yan. Hindi naman ‘yan sasama! Pupusta ako, sasabihin niyan ngayon ay sasama siya pero kapag darating na ang araw kung kailan tayo aalis ay biglang hindi na siya darating,” saad pa ni Karen.
“S-sasama ako! Walang duda, papayagan ako ng ate ko dahil ang sabi niya ay may regalo raw siya sa araw ng pagtatapos natin! Kaya asahan n’yo ako at sasama ako!” sambit naman ni Jocelyn.
Kahit na malaki ang tyansa na hindi siya pagayan ng kaniyang ate ay umoo pa rin ang dalaga. Ngayon ay problema niya kung paano niya makukumbinsi ang nakakatandang kapatid na pasamahin siya sa outing.
Maghapong hinintay ni Jocelyn ang kaniyang Ate Maita na makauwi mula sa pagtitinda sa palengke. Sa umaga kasi ay nagwawalis ito ng kalsada at sa hapon naman ay umeekstrang taga-tinda ng isda sa palengke.
“Ate, narito ka na pala. Kanina pa kita hinihintay, e. Kumain ka na ba? Tara na at sabay na tayong maghapunan. Nagluto na ako,” bungad ni Jocelyn.
“Jocelyn, kilala kita. A-anong kailangan mo at gan’yan ka ngayon?” tugon naman ni Maita.
“Ate, kasi alam mo namang malapit na ang araw ng pagtatapos ko, ‘di ba? Hindi ko na rin makikita ang mga kaibigan ko. Nagpaplano kasi sila na mag-outing sa isang beach sa Batangas. Nais ko sanang sumama,” saad ng dalaga.
“Jocelyn, alam mo naman kung paano tayo nagtitipid, ‘di ba? Magastos ang pagpunta sa mga beach. Pasensiya na pero wala akong pera. Saka isa pa, delikado,” wika ng kaniyang ate.
“Hindi ba, nangako ka sa akin na may regalo ka ngayong pagtatapos ko? Ito na ang gusto kong regalo, ate. Sige naman na at payagan mo na ako. Lahat naman ng hiniling ko sa iyo ay hindi mo pinagbibigyan. Lagi na lang walang pera! Lagi na lang hindi p’wede!” pagmamaktol ni Jocelyn.
“Jocelyn, tingnan mo naman ang kalagayan natin sa buhay. Ako lang ang nagtatrabaho sa atin. Ano na lang ba ang trabaho ko? Kailangan nating magbayad sa renta ng bahay, sa kuryente at marami pang iba. Ang perang nasa akin ay nakalaan sa ibang mahahalagang bagay! Kaya pasensiya ka na at hindi kita mapagbibigyan,” mariing sambit ni Maita.
“Nakakainis naman ‘tong buhay na ‘to! Lagi na lang wala akong kakayahang magdesisyon para sa mga gusto ko sa buhay! Bakit kasi sa pamilyang ito pa ako napadpad?! Lagi na lang walang pera! Lagi na lang hindi p’wede! Nakakasawa na!” nagdadabog na sigaw ni Jocelyn.
Nasasaktan man si Maita sa mga sinasabi ng kaniyang kapatid ay hindi na lang niya ito pinatulan pa.
“Madali lang naman ang lahat, Jocelyn. Magtiis ka na muna ngayon at saka mo pagsikapan ang lahat para makuha mo ang mga gusto mo. Tama na ang usapang ito, Jocelyn. Sabihin mo sa mga kaibigan mo na hindi ka sasama,” dagdag pa ng nakatatandang kapatid.
Sa inis ni Jocelyn ay hindi na niya sinabayan pang kumain ang kaniyang ate. Isang linggo rin niyang hindi pinansin ang nakatatandang kapatid.
Nang dumating ang araw ng pagtatapos ay nagkita-kita ang magkakaibigan.
“Ano, Jocelyn, sasama ka ba? Sigurado akong hindi ka pinayagan ng ate mo, ano?” natatawang saad ni Karen.
“Sasama ako! Sa katunayan nga ay mag-aayos na ako ng gamit. Asahan n’yo ako, sasama ako!” tugon naman ni Jocelyn.
Dahil sa ayaw magpahuli sa barkada ay gagawin ni Jocelyn ang lahat para makasama lang.
Pag-uwi sa bahay ay kinausap ni Maita ang kaniyang kapatid.
“Sa isang linggo ko na ibibigay ang regalo ko sa iyo, Jocelyn, hintayin mo lang kasi sigurado akong ikatutuwa mo ito,” nakangiting sambit ni Maita sa kapatid.
“Ano naman kaya ang ibibigay mo na matutuwa ako? Bagong bestida na naman? O kaya mumurahing pang-ipit sa buhok? Ate, alam mo kung ano ang gusto ko at ano ang ikasasaya ko!” tugon naman ni Jocelyn.
“Mas maganda pa ang ibibigay ko, Jocelyn. Maghintay ka lang,” saad pa ni Maita.
Ngunit hindi naniwala itong si Jocelyn. Ang tanging nais lang niya ay makasama sa outing ng kaniyang barkada.
Kinagabihan ay hinintay ni Jocelyn na makatulong si Maita. Hinalukay ng dalaga ang damitan ng kaniyang ate at saka niya nakita ang pitaka nito.
“Sabi ko na nga ba at maraming tinatagong pera itong si ate. Napakadamot talaga nitong babaeng ‘to! Ginigipit niya ang pamumuhay naming dalawa para lang sa sarili niya. Napakamakasarili talaga,” wika ni Jocelyn.
Kinuhang lahat ni Jocelyn ang pera ng kaniyang ate.
Madaling araw pa lang ay umalis na ito agad kasama ang kaniyang mga kaibigan. Lubos namang ikinagulat ni Maita nang makita niyang wala na ang kaniyang pera.
Pilit niyang tinatawagan ang nakababatang kapatid ngunit sinarhan lang siya nito ng telepono.
Habang nagpapakasaya sa Batangas itong si Jocelyn ay labis namang nag-aalala sa kaniya ang kaniyang ate.
Makalipas ang limang araw na pagbabakasyon sa Batangas ay nagulat na lamang si Jocelyn nang umuwi siya sa bahay at naroon ang iba nilang kamag-anak. Lalong tumindi ang tibok ng kaniyang puso nang makita niyang may nakaburol sa loob ng bahay.
“Jocelyn, bata ka! Saan ka ba nagpupupunta? Inatake sa puso ang ate mo habang nagwawalis sa kalsada. Hindi na siya umabot pa! Pangalawang araw na itong nakaburol siya!” bungad ng tiyahin.
Hindi makapaniwala si Jocelyn sa kaniyang mga nakikita at naririnig. Para sa kaniya ay tila isang masamang panaginip lamang ito.
Isang kaibigan ni Maita ang lumapit din kay Jocelyn.
“Jocelyn, nanghihinayang ako at hindi na kami nagkita ng ate mo. Nagpapatulong kasi siya sa akin na maghanap ng eskwelahan para sa pagkokolehiyo mo. Alam mo, mahal na mahal ka ng ate mo. Nagtitipid siya lagi dahil iniipon niya ang pera dahil gusto daw niyang hindi ka mahinto sa pag-aaral. Ang nais niya ay huwag kang magaya sa kaniya na wala raw narating sa buhay. Kaya naman kahit ang gamot niya’y tinitipid din niya nang sa gayon ay mabilis siyang makaipon,” wika ng babae.
Naisip ni Jocelyn ang perang nasa pitaka ng kaniyang ate na kaniyang kinuha at pinang-outing. Wala siyang nagawa kung hindi umiyak at humingi ng kapatawaran sa kaniyang sumakabilang buhay na ate.
Nilapitan niya ang kabaong ng kaniyang Ate Maita. Nang makita niya ang nakatatandang kapatid na nakahimlay ay hindi na niya maiwasan pang manghina.
“Patawarin mo ako, ate! Patawarin mo ako! Hindi ko dapat ginawa ‘yun! Ate ko! Patawad!” pagtangis ng dalaga.
Labis na pagsisisi ang nararamdaman ni Jocelyn. Naisip niya ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang kapatid. Ang lahat pala ng ginagawa ni Maita ay para sa kaniyang nag-iisang kapatid dahil sa sobrang pagmamahal niya rito.
Ubusin man ni Jocelyn ang kaniyang mga luha ay huli na ang lahat sapagkat hindi na nito maibabalik pa ang buhay ng kaniyang nakatatandang kapatid.
Habambuhay dadalhin ni Jocelyn ang lungkot sa pagkawala ng itinuturing niyang magulang.